NABASA NAMIN sa FB ng scriptwriter na si Senedy Que, “It’s official: TFC’s first film ‘A Mother’s Story’ is nominated for 11 awards at the PMPC Star Awards including Best Picture, Best Director and Best Screenplay! I’m so proud of this film from the heart.”
Ang aming pagbati rin kay Pokwang na siyang bida sa pelikulang maliit lang ang budget, pero tumabo sa takilya. Gawang indie, pero ang box-office result, pang-mainstream, ‘ika nga.
Congrats din sa Star Cinema.
MARAMI ANG naniniwalang may halong pulitika ang pagkakahuli kay Manila Vice Mayor Isko Moreno at sa limang kasamahan nitong konsehal sa pa-bingo. Na-detain ng siyam na oras sa MPD ang grupo ni Isko, pero pinalaya rin for further investigation.
Sa tweet ni Isko Moreno, para lang sa kaalaman ng lahat kung ano ang PD 1602 (whereas, there is a need to exclude therefrom certain games like domino, bingo, poker when not played with five cards stud, cuajo, pangguingue and mahjong when exclusively intended for parlor games or for home entertainment) na nilagdaan nu’ng 1979 ng Former President Ferdinand Marcos).
Advantage kay Vice Mayor ‘yon, dahil alam n’yo naman ang mga Manileño, kahit pa pagbintangan ang siyudad na ito na maraming kriminal eh, ang simpatya nila ay sa naaapi, lalo na sa mga nakasaksi ng pagkakahuli ng mga pulis sa grupo ni Isko.
Samantala, idinenay ni Manila Mayor Alfredo Lim na may kinalaman siya sa nangyari, pero hintayin na lamang daw ang resulta ng imbestigasyon.
Nakalulungkot lang na nowadays, laging sangkot ang karamihan sa mga pulis sa mga katiwalian, sa mga krimen. Gutom tuloy ang mga tao sa mga balitang kabayanihang ginawa ng pulis. At ang nakalulungkot pa nito, pati ‘yung mga matitinong pulis, nadadamay.
Kaya pansinin n’yo, lagi na lang ipinananakot sa mga bata na ‘pag naging salbahe, “Ayan na ang pulis, huhulihin ka!”
ABA, PAREHONG tinanghal na Best Actress sa Gawad Tang-law sina Ms. Helen Gamboa at Janice de Belen for Walang Hanggan at Budoy, respectively, huh! Parehong malapit sa puso namin ang mga ito, kaya super proud kami as their friend.
Bigla tuloy naming na-miss si Tita Helen na sa isang taon naming pagsasama sa Walang Hanggan ay grabe niyang busugin ang mga artista at staff ng phenomenal teleserye. Sila ni Tita Susan Roces ang madalas magpakain sa set.
Kay Coco Martin? Hahahaha! Wala kaming matandaang nagpakain si Coco sa set, pero love pa rin namin ‘yang kumpare naming ‘yan, dahil ‘pag nagkikita naman kami sa set ay very Sharon Cuneta bumeso na sinisinghot ang pisngi namin. Hahahaha!
Basta congrats, Janice and Tita Helen! Nandito lang ako for you, alam n’yo ‘yan!
SA SUNDAY na at 7 pm sa MOA Arena ang Himig Handog P-Pop Love Songs” kung saan malalaman na kung alin sa mga composition ng bawat school ang magwawagi. Pero ngayon pa lang ay mabibili na ang kanilang album, huh!
Congrats in advance sa winner at congrats din sa Managing Director ng Star Records na si Roxy Liquigan na nagkakasakit na sa sobrang tensiyon dito sa event na ‘to!
Get well soon, Mare!
Oh My G!
by Ogie Diaz