PANSIN KO lang: ‘Pag matagal mo nang kilala ang isang artista, lalo na ang kanyang personal na buhay, kahit pa ano ang i-emote niya sa harap ng kamera, alam mo kung totoo o hindi ang kanyang nais na i-project na image.
Kaya kami, ‘pag me nag-e-emote sa TV at kilalang-kilala namin ang kartada nito, alam namin kung kelan totoo ang iyak niya, ang tawa niya at ang pakikipagsalamuha niya sa tao sa harap ng kamera.
Siguro nga, kaya rin tinawag silang artista ay dahil marunong silang umarte na hindi ipinapakita ang totoong pagkatao niya.
Kaso, ‘pag ang daming nakakakilala sa ‘yo kung sino at anong klaseng tao ka talaga, sila mismo, hindi mo puwedeng daanin sa emote mo.
PARANG SOBRANG lakas ng ha-tak ng tambalang KimXi ngayon.
Sa mga hindi nakakaalam pa, Kim Chiu at Xian Lim ‘yan. Dahil ‘yan sa lakas ng kanilang arrive sa My Binondo Girl na kahit ang mga TFC subcribers ay lukang-luka sa tambalan.
Gusto na nga nilang mabalitaan sa susunod, magdyowa na ang dalawa, eh. Pero hindi pa sila umaamin o baka wala pang aaminin. O baka hindi natin alam, for the fans lang ang pakita nila sa isa’t isa.
Pero sana, since nabuo na ‘yan ay ‘wag nang bitawan. Lalo pa’t hindi na namin masyadong naririnig ang Kimerald o ang tambalan nila ni Gerald Anderson (dahil nga me Sarah Geronimo na DAW si Gerald).
Pero payo rin namin sa mga fans, lalo na sa mga kabataang humahanga sa mga loveteam-loveteam sa pangkalahatan, alam naming sobra-sobra ang saya at kilig na ibinibigay sa inyo ng mga hinahangaan n’yong artista.
Alam din naming gumagastos ang iba para lalo pang mapalawak at ma-reach ang maraming fans na kanilang binubuo para lalong lumakas ang tambalang iniidolo nila.
Pero please lang, ‘wag n’yong pababayaan ang sarili ninyo. Gawin n’yo lang silang inspirasyon, pero bumuo pa rin kayo ng pa-ngarap para sa sarili n’yo.
Masakit ma-disappoint, lalo na ‘pag hindi naman nagkatuluyan sa tunay na buhay ang mga idol natin.
ANG BUONG akala namin talaga ay bahagi pa rin ng dialogue ‘yung mga narinig namin kay Tita Helen Gamboa sa rehearsal ng isang eksena sa wine bar para sa Walang Hanggan na, “You’re so bad! Why did you do that? I don’t even know you! Bastos ka, ah!”
Ang eksena ay ipinakilala namin sa kanya ang isang bisitang Amerikano (isang talent talaga na Kano) at nang kamayan ni Tita Helen ay bumitiw agad ang beteranang aktres na parang nakuryente.
‘Yun pala, kuwento ni Tita Helen, “Ginano’n ba naman ako,” na ang pagkaka-demo ni Tita Helen ay kinatok-katok ng isang daliri ng Kano ang gitnang palad niya nu’ng sila’y magkamay.
Aba’y bastos nga!
Lalo pang na-high blood si Tita Helen nang sabihin ng Kanong talent na, “I’m so sorry. I was just joking. I just want to make you feel that I’m still young!”
“Na-high blood talaga ako, Ogie! Grabe! Muntik ko na siyang sampalin, buti, nagpigil lang ako!”
Nakarating din ito kay Richard Gomez at si Goma’y gusto itong sapakin, pero pinaalis at binan na lang sa set dahil ‘pag nakarating pa sa iba’y baka kuyugin pa ito.
Kaya kung panonoorin n’yo itong eksena sa wine bar ay babae na ang ipinakilala namin kay Madame Margaret Montenegro.
Oh My G!
by Ogie Diaz