NITONG NAKARAANG ARAW, bihira ko nang marinig ang dati’y maya’t mayang radio/TV interview ni Deputy Spokesperson Abigail Valte. Medyo nalungkot ako. Paborito ko siyang pakinggan ‘di dahil sa may mga sense ang pinahahayag niya kundi dahil sa kakaibang timbre ng kanyang boses. Kaiba. Parang binibiyak na kawayan. O laguslos ng agos sa pusali.
Huli ko siyang nakita sa TV ay tila kuminis at umalindog ang kanyang mukha. Lalong nagkaron ng sex appeal. Nagpa-makeover ba siya? At ang kanyang buhok bagay na bagay sa hugis-tenga niyang mukha. Sa iba, hindi nakahahalina. Sa akin, malakas ang appeal. Wala naman siyang masyadong palitada ng make-up. ‘Yan lalo ang nagpapaganda sa kanya. Kung ipipikit mo ang iyong mata.
Kabisado ko ang Malacañang Press Office. Mahigit ding dalawang taon akong naglingkod bilang Press Undersecretary ng dating Pangulong Erap. Ang daming gawain. Pressure at stress lampas-ulo. Sa loob ng ganyang panahon, tumanda ako ng sampung beses.
Ngunit ibang magdala si Usec Abigail. Yakang-yaka ang marami’t masalimuot na gawain lalo na ang pag-iintindi at pagharap sa media. Dapat ituring siyang isang solid asset ni P-Noy. ‘Yun lang, paminsan-minsa’y sumasablay siya sa mga pahayag. Halos lahat may kababawan. All routine and motherhood. ‘Yan ang reklamo ng marami.
‘Yun lang, bakit bigla siyang nanahimik? Ang pagkapalpak ay routine sa kanya. At ito ay routine din sa kanyang big boss. Hello, Abigail!
SAMUT-SAMOT
SA SUSUNOD NA Enero, hilong-talilong ang mga kakandidato bilang senador at iba pang posisyon sa lokal. Sa Senado, napakasikip na sa magic 12. Sa mga balik-Senado, nakakasiguro si Dick Gordon at Jamby Madrigal. Sa mga reelectionists, patok si Loren Legarda, Koko Pimentel, at Pia Cayetano.
TINITIYAK NA SA LOOB ng limang taon, ang Channel 5 ay magiging isang dambuhala na ring TV station. Tuluy-tuloy ang pag-pirate ng mga talents sa Channels 2 at 7. Napabalita na magkakaroon din ng light talk show si dating Pangulong Erap at Sharon Cuneta sa susunod na taon. Patok ito kung matutuloy. Ang programa ni Willie Revillame ay tumatabo na muli. Wait-and-see tayo sa programa ni Nora Aunor.
KAILANGANG BUHAYIN MULI ang Maynila. Isa na yata ito sa pinakamaruming siyudad sa buong mundo. Parang walang isang mayor na nag-aaruga o nagmamalasakit. Kalat ang mga pulubi. Nanglilimahid sa basura ang mga kalye. Ang dating tanyag na Escolta ay naging tambakan ng pulubi, bag snatchers at drug pushers. Ang Quiapo underpass ay palubog na nang palubog. A disaster waiting to happen. Walang nag-aasikaso. Walang nababahala. Ano ang ginagawa ni Mayor Alfredo Lim?
WALUMPUNG ARAW NA lang at Pasko na. Halos punung-puno na naman ng shoppers ang Divisoria. Sa mga radyo ay sumasahimpapawid na ang mga Christmas carols. Ang bilis ng panahon. Habang inasam-asam natin ang Pasko, nakakalungkot na isipin ang naging kapalaran ng ating mga kapatid na biktima ng dalawang bagyo sa Northern at Central Luzon. Kaawa-awa ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisda. Walang concrete rehabilitation plan ang gobyerno. ‘Pag wala na sa balita ang kalamidad, wala nang aksyon ang isasakatuparan. Ganyan ang pamahalaan ni P-Noy. Pang-araw-araw. Pabiyahe-biyahe to feel good. Malas.
HALOS PAKINANG NANG pakinang ang golden strand sa buhok ni DSWD Secretary Dinky Soliman. Marahil dahil sa nagmura ang presyo ng agua oxigenada. Subalit sa totoo lang, next to DOJ Secretary Leila de Lima, siya na yata ang pinakaaktibo sa buong gabinete ni P-Noy. “If we hold on together” pa ba ang kanyang paboritong awitin?
IPINAABOT NI G. Henry G. Babiera, Chairman/President ng Asian Kennel Club Union of the Philippines, Inc. (AKCUPI) at Head ng FCI-Asia Pacific Section ang kanyang taus-pusong pasasalamat sa mga dumalo sa nakaraang International All-Breed Dog Shows ng Club Teriales Pilipinas na isang affiliate club ng AKCUPI na ginanap noong nakaraang Oktubre 2 sa Tiendesitas sa Pasig City.
QUOTE OF THE WEEK:
Dine-in or take-out?
The story is told about a priest who, in giving communion to the faithful, would sometimes encounter communicants who would approach him with open hands, and also with open mouths.
How did he deal with the confusion? After saying, “The Body of Christ,” he would tell them: “OK. Make up your mind. Dine-in or take-out?
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez