NAG-FILE NA ng Certificate of Candidacy (COC) bilang Senador ang actor at dating mayor ng Quezon City na si Herbert Bautista. Tatakbo si Bistek (palayaw ni Herbert sa showbiz) sa ilalim ng senatorial slate nina Sen. Ping Lacson at Sen. Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na tumatakbo naman sa pagka-presidente at bise-presidente, respectively.
“Ito po yung kauna-unahang journey ko sa larangan ng public service after more than three decades of serving the people of Quezon City,” pahayag ni Bistek pagkatapos niyang mag-file ng COC.
Sa sumunod na pahayag ni Bistek pinasalamatan niya ang mga taong naging bahagi ng buhay niya bilang public servant partikular na ang kanyang mga kababayan sa Quezon City.
Aniya, “I’d like to thank the people of Quezon City – from the security guards to the magta-taho, to the tricycle drivers, to the barangay leaders, to the elected city leaders. Maraming maraming salamat po at naging bahagi kayo ng buhay ko.
“Marami po akong natutunan sa inyo at sana po ay tulungan n’yo pa rin ako sa panibagong yugto ng aking buhay upang makatulong naman tayo sa mas nakakarami, hindi lamang Quezon City kundi ang buong bansa.
“Sa muli, maramig maraming salamat po and God bless you all.”
Matatandaang tatlong terminong nagsilibi si Bistek sa Quezon City bilang konsehal, vice mayor at mayor kaya hindi puwedeng pagdudahan ang kakayahan niya sa paggawa ng mga batas kapag nahalal siyang senador sa May 2022.