BILANG MANUNULAT, kapag naroon ako sa isang event at nakakita ako ng pagkakataon na may mga dapat akong interbyuhin ay ginagawa ko na ito para makatipid sa gastos. Kung kaya, naka-line up ang mga recordings ko, at ang mga piyesang ito ay agad kong inilalagay sa personal computer ko para ma-save doon. Ang aking piyesa ngayon ay mga karugtong pa ng mga na-interview kong mga artistang nagkaroon ng art exhibit na pinamagatang PortrAYAL (LAYA): Portraits for Freedom sa SM Megamall sa Mandaluyong City noong July 7, 2015 na proyekto ng Actors’ Guild of the Philippines.
Isa rito ang ating butihing mayor ng Quezon City na kilalang actor sa pelikula na si Herbert “Bistek” Bautista, na naaalala ko pa bilang comedian na si “Tengteng” sa fantasy movie na Captain Barbell.
Mula sa pagiging original member ng “Bagets” na kinikiligan ng mga fans, pinagtibay naman niya sa kabilang banda ang kanyang ‘political career’ sa Quezon City. Ang lugar na ito ang pinakamalaking lungsod sa buong Metro Manila na may pinakamalaking populasyon at land area sa buong kapuluan. Nasa Quezon City rin ang Batasang Pambansa, at ang mga pamosong unibersidad tulad ng University of the Philippines sa Diliman at Ateneo de Manila University.
Taong 1986 hanggang 1989, si Mayor Bistek ay naging pangulo ng National Federation ng Kabataang Barangay kung kaya’t awtomatikong na-appoint bilang ex-oficio City Councilor ng Youth Sector ng Quezon City. Matapos noon, tumakbo siya at nanalong councilor ng Quezon City. Matapos ang isang termino, sinuong naman niya ang landas ng pagiging ikalawang punong lunsod ng Quezon City at nakamit ang tagumpay noong 1995. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, si Mayor Bistek ang naging pinakabatang naging ikalawang punong lunsod hanggang sa tumakbo siya sa pinakamataas na posisyon bilang mayor noong 2010, kung saan nakamit niya ang pinakamimithing landslide victory.
Sa ngayon, isang aktibo at matatag na punong lungsod si Mayor Bistek. Bagaman, hindi pa rin niya isinasara ang kanyang puso sa industriya ng pelikula at telebisyon. Nariyang na-involve siya sa Queen of All Media na si Kris Aquino bilang love mates. Kung ano man ang kanilang espesyal na pagtitinginan, nais kong iwan na lamang ito pribado sa pagitan nilang dalawa dahil parehas na silang ‘matured’ individuals.
Heto at basahin natin ang bahagi ng aking panayam sa kanya sa nasbaing eksibit ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT).
“Ah, nagpapasalamat ako at naimbitahan po ako rito. Hopefully, ‘yung kikitain dito ay makatulong talaga sa mga artista.”
Tama sir. Mabuti malaki ang support mo sa sining lalo na sa lugar mo, akala ko nga painter ka na rin sir, eh. “Eh, oo. Nagpe-paint ako, kaso nasunog lahat ng arts ko, eh.”
Kelan po ito? Tanong ko. “Ah, noong 2000, meron na akong 113 (artworks), nasunog eh. Iyong kapatid ko, si Hero, painter ‘yun. Graduate ‘yun ng Fine Arts sa UST. Sayang naman ang dami noon. Ah…”
Sir, kumusta? ‘Di, ba bising-bisi kayo, ang laki-laki ng Quezon City. Kumusta po, paano iyon, paano pa kung may mga offer pa sa inyo sa pagiging artista. “Ok lang, manager ko kasi ay Viva, eh. So, sila iyong nakikipag-usap.”
Sa laki ng hawak mong lugar, ano ang pagkakaiba ng pagiging artista at ng pagiging mayor? “Magkaiba iyong mga problema roon. Ah, iyong mga responsibilities. Iba kasi kapag mayor ka, eh.”
Nakita kita noon sa TV, may sinita ka, niloloko kayo eh, sabi ko, ayos, ‘to. Oh, pinatikim ninyo talaga. (Ang binabanggit ko ay ang drug lord na foreigner.) “Ah, kasi disrespectful eh.”
Ah, ngayon, ininterbyu ko po kayo, sa susunod kukunin ko na ang talambuhay ninyo. “Sige, kontakin ninyo lang ang office ko,” pagtatapos ni Mayor Herbert Bautista.
Ito ang Larawan sa Canvas ni Maestro Orobia.
For comments and suggestions, email: [email protected].
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia