‘DI BA kayo nagtataka na ang isang Pinoy kapag nasa abroad ay biglang sumisipag sa trabaho at maraming ipinagbabago sa ugali? Samantalang kapag sila ay nasa Pilipinas, sila ay tatamad-tamad, walang disiplina at halos wala nang ambisyon. May kinalaman kaya rito ang environment o kapaligiran na kanilang pinagtatrabahuhan? O baka naman kalikasan na ng Pinoy ang pabagu-bagong ugali.
Liban pa sa ipinapasok na remittance ng mga OFW, nag-uuwi rin sila ng mga kasanayan o skills at lalong higit ng mga bagong ugali at pag-iisip na napulot nila mula sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Kapag skills ang pag-uusapan, may programa na ang pamahalaan para mahasa pa ang mga kasanayan nila at magamit ang mga iyon sa mga pabrika o opisina rito sa Pilipinas. Ngunit wala pang programa ang gobyerno para matipon, mapag-aralan, mapa-laganap at magamit ang mga positibong values o ugali o gawi ng mga OFW na nadampot nila sa ibang bansa.
Halimbawa, sa pagtatrabaho sa ibang bansa, kapansin-pasin na nasa oras na ang dating nila sa trabaho o sa mga tipanan. Naiwawaksi na nila ang “Pilipino time” o ang pagdating nang late. Kapansin-pansin din na mas pinipili ng mga employer ang Pinoy dahil sa kanyang kasipagan at lalong higit, dahil sa kanyang katalinuhan sa trabaho. Madaling matuto ang Pinoy ng iba’t ibang trabaho sa abroad. Iniiwan na rin ng mga OFW ang maraming bisyo kapag sila ay nasa ibang bansa.
Sana ay mapag-aralan natin ang mga ambag na ito sa kultura natin na nasagap ng mga OFW sa ibang bansa. Sa gayon, hindi lang pera kundi magagandang ugali ang maipapamana nila hindi lamang sa kasalukuyang henerasyon kundi sa mga darating pang salinlahing Pilipino.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo