SA ISANG sulok ng isang kilalang hotel sa Docklands, East London ay naramdaman natin ang hinagpis ng ating mga kababayan partikular sa mga taga-Samar sa gitna ng kasayahan sa ika-27 taong Anibersaryo ng pagkakatatag ng samahang St. Anne’s Filipino Community Association o SAFILCA.
Hinagpis dahil sa panibagong delubyo na dulot ng Bagyong Ruby.
Nataon din sa naturang pagtitipon ang unang opisyal na live coverage ng Radyo Pilipino UK ( RPUK Live TV ).Kasama natin dito sina Vince Picundo, Charlton at siyempre sa pamamagitan ng suporta ni Ate Marie Angsioco ng Familia Foods at ng grupo nilang SAFILCA.
Sa aming pag-iikot sa reception area ay nakapanayam namin dito si Manong Aurelio. Damang-dama namin ang hinagpis sa tinig ni Mang Aurrelio dahil habang sumasagot siya sa aming katanungan ay tumutulo naman ang kanyang luha.
Ayon sa kanya at sa iba pang lugar na sinalanta ng bagyong Ruby ay ipinasa-Diyos na lamang nila ang kaligtasan ng bawat-isa. Kasabay nito ang panalangin at mensahe na magkaroon ng maligayang Pasko ang bawat-isa sa gitna ng unos sa buhay.
Sa kabilang dako naman, ito yung tinatawag na “Bar,” ay nag-uumpukan ang ilang mga kalalakihan. Sinipat ko muna at pinakiramdaman kung ano ang kanilang huntahan.
Aba e, tungkol pa rin naman pala sa bagyo.
Sinabi ni Pareng Marlon, bakit naman kaya sunod-sunod na lang ang mga bagyo na tumatama sa Samar at karatig na mga lalawigan nito? Hindi pa nga tuluyang nakakabangon ang ating mga kababayan mula sa pananalasa ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon, nariyan na naman si Ruby.
Gumana naman ang malikot na isipan ni Manong Jaime. Ayon sa kanya, ang bagyo ay natural na dumarating sa ating bansa. Ang problema, kulang ang National government at maging mga lokal na pamahalaan sa paghahanda tuwing dumarating ang mga kalamidad.
Idinagdag pa niya ang hindi organisadong distribusyon sa mga relief goods at ang masaklap ay nalulusutan pa sila ng mga maiitim ang budhi na nagnanakaw ng mga relief goods at ibinebenta.
Ayon kay Manong Jaime, patunay dito ang mga natuklasan na relief goods mula sa ibat-ibang bansa na ibinebenta ng mga taong halang ang kaluluwa.
Ipnanukala naman ni Manong Ilyong na kung may maitutulong man ang bawat isa bukod sa kontribusyon ay manalangin, sabihan ang mga kamag-anak at mahal sa buhay na makibahagi sa isinusulong na relief campaign at iba.
Makakatulong din tayo sa pamamagitan ng pagiging mapagmasid para malaman ang mga nangyayari sa paligid at makatulong sa taumbayan.
Kwentutan
(Kwentuhan at Harutan)
By Buddy Bernardino