HALOS LAHAT na yata ng genra ay na-experience na ni KC Concepcion. Ang pagiging TV host (The Buzz), Host (X-Factors Philippines), singer, at ngayon nga kapapanalo lang niya ng Best Supporting Actress sa 27th Star Awards for TV for her outstanding performance in teleserye Huwag Ka Lang Mawawala ng Kapamilya network.
Maraming magagandang pangyayari sa buhay ni KC for the year 2013. “Sabi ko nga, when started last January, ano ‘yung ini-expect mo this year? Lagi kong paulit-ulit na sinasabi, ayaw ko nang magplano, hindi naman nangyayari. Sulit pala ‘yun minsan, huwag i-control at huwag iplano ang lahat. I got my first acting award at nakatapos ako ng isang teleserye na talaga namang pinanood ng mga tao, sinubaybayan.”
Marami ang naintriga sa pagpayag ni KC na maging leading lady ni Gov. ER Ejercito. Ipinaliwanag naman ng singer/actress ang dahilan. “Pumayag ako dahil napakalaking factor ‘yung director namin, si Chito Roño.Dati kasi, si Direk Chito mayroon kaming project before na hindi ko ginawa. Hindi kasi ako komportable du’n sa role. So sabi ko, babawi na lang po ako. Actually, twice kong natanggihan ‘yung offer sa akin ni Direk Chito noon. May dalawang project si Direk Chito na hindi ko tinanggap, not because of him. May ibang dahilan, may ginagawa ako that time, hindi ko priority ang pag-arte, may hosting ako. Sabi ko, babawi na lang ako sa susunod. Nang malaman kong si Direk Chito ang director nito at action siya, binasa ko ‘yung script, sabi ko, tatanggapin ko.”
Super excited si KC ikinuwento nito ang mga action scene na ginawa niya. “Nag-training ako with Pinoy andThai fighting instructor ni Angelina Jolie. Siguro nakatulong na nag-i-sport ako at the same time, dancer din ako. Kasi, ang kailangan kong i-develope ‘yung pagiging angas, ‘yung taray factor. Dancer kasi, ‘yun, babae ka. You have to be femine pero kaya mong harapin ‘yung mga lalaki.”
Inamin ni KC na may takot factor pala siya kay Direk Chito nu’ng nag-uumpisa pa lang silang mag-shooting. “Pero nu’ng nakukuha ko na ‘yung character ko, du’n talaga ako kumapit sa character ko. As long na totoo ‘yung character ko, wala naman siguro akong nagawang mali, ‘yun. Eversince, nakita naman ni Direk Chito na inaaral ko ‘yung character ko, kung papano siya tumingin, gumalaw,magsalita. Paano siya lumaban, masaktan, magmahal at ano ang nagpapasaya sa kanya? Ginagawa ko talaga ang homework ko.”
Sa pagiging open-minded ni KC sa pagtanggap ng mga role sa TV at pelikula, simula na kaya ito sa pagbabagong bihis ng dalaga? “Ang maganda d’yan, hindi siya daring. Babalik at babalik ako sa mga love story. I think, I have time in my life na maging malaya sa pag-express ko sa pagiging actor ko. Ayaw kong ma-stuck na lang sa isang character, ‘yun yata ang nadi-discover sa akin ng mga tao. Siguro kailangang bago ‘yung nai-experience ng audience.”
Nalaman din namin, next year 2014 may bagong teleseryeng gagawin si KC sa Kapamilya Network. Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na niya ito. “Plano ko ring mag-workshop sa ibang bansa. Dinadala ‘yun dito, iba’t ibang technique sa acting. Mga few weeks lang ito, parang seminar. Ini-offer dito, bakit hindi ko na lang puntahan.”
Relationship? “Ayaw kong maging serious dahil ayaw kong masaktan. Pero at the same time, babae rin ako. Gusto kong may kilig, ina-allow ko naman sila. Ang hirap nang taga-showbiz, makaririnig ka nang hindi maganda. Kilala ko naman ‘yung tao bilang siya (Paulo Avelino). Pero may times na parang… ayaw ko munang magsalita. Ayaw kong maapektuhan ‘yung tao, babae o lalaki. Sa ngayon, work na muna, magse-set-up muna ako ng Christmas tree. Hahahaha!”
Pinahahalagahan ni KC ang mga taong tunay na sumusuporta sa kanya at nagmamahal. Mga taong kailangan niyang i-treasure at bigyang importansiya. “Kasi, ngayon ko nararamdaman ‘yung suporta sa akin ng mga kapwa ko artista. ‘Yung pagtanggap sa akin bilang actress. Natutunan ko, huwag matakot masaktan. At the same time, sa mga anak ng mga artistang sikat dito sa industry. Gusto ko rin silang suportahan. Mayroon din kaming i-offer kahit sikat na sikat ‘yung mga magulang namin. It doesn’t mean, hindi mo kayang abutin… Hindi naman pariwara ang mga anak ng mga artista. May mga pinagdaraanan din kami sa industriya na hindi rin naman pinagdaraanan ng iba, ‘yun,” paliwanag ni KC Concepcion.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield