Hinaing ng mga guro at technician noong eleksyon

NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Nakakainis po ang Comelec Pateros dahil hanggang ngayon ay wala pa ring bayad kaming mga teachers noong election. Sana po ay tulungan ninyo kaming mga guro na nag-duty noong eleksyon. Salamat po.

Tulungan n’yo po kaming makuha ang aming allowance sa Smartmatic. Mga technician po kami last May 9 election at hanggang ngayon ay hindi pa ibinibigay sa amin ang napag-usapang allowance. Ang bali-balita ay hindi raw magbibigay ang Comelec sa Smartmatic dahil umano sa paggalaw ng Smartmatic hash code. Paano naman kami na pinagpuyatan at pinagtrabahuan iyon noong araw ng eleksyon. Sana po ay matulungan ninyo kami.

Gusto ko lang po ireklamo ang tulay sa Canlalay, Biñan, Laguna dahil ginagawang tapunan at tambakan ng basura. Sana po ay maaksyunan po ng mga kinauukulan.

Gusto ko sanang iparating sa mga kinauukulan na itong Payapa Elementary School ay maraming sinisingil sa mga mag-aaral nila gaya na lang ng P20.00 para sa test paper na anim na pirasong xerox na papel lang. May collection din sila ng mga plastic kaya napipilitang bumili ang mga magulang. Pakitulungan po kami.

Irereklamo ko lang po itong ginagawa ng DPWH dito sa amin kasi nagkaroon ng road widening dito sa amin. Ang problema po ay inabot ng election ban kaya tigil ang trabaho. Ang mga kanal ay pinabayaan kaya kahit hindi umuulan ay baha rito sa amin. Paano naman kami rito lalo na kapag dumating ang tag-ulan?

Isa po akong concerned citizen, irereklamo ko lang po iyong ilog sa pagitan ng tulay ng Brgy. Parian at San Cristobal sa Calamba, Laguna. Iyong ilog kasi ay bumubula at mabaho na ang amoy dahil sa ilog kasi itinatapon iyong katas na galing sa pabrika ng sabon at iyong galing sa isang ospital. Nasisira po ang ilog, sayang naman dahil dati ay may isda pa samantalang ngayon ay mabaho at maburak na.

Dito po sa Tayuman, sa likod ng isang malaking grocery ay may daanan o daluyan ng tubig. Pero sa ngayon ay wala na kaming makitang tubig dahil puro basura na po ang nakatambak. Hindi naman po ako tagarito pero hindi ba napapansin ng mga tauhan ng barangay ito? Grabe ang tambak ng basura at wala man lang silang ginagawa.

 

Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.

Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.

Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleBaron Geisler, balak kasuhan ang nag-upload ng ‘beastmode video’ niya
Next articleTyrone Oneza, tinaguriang ‘Willie Revillame’ sa social media

No posts to display