BALIK-TRABAHO na si Wenn Deramas after two weeks na-confine sa St. Luke’s Hospital dahil sa sakit na pneumonia. Akala nga ng kapatid at relatives ni Direk abroad ay na-stroke siya kaya agad niyang tinawagan ang mga ito para sabihin ang kanyang kalagayan. Medyo nag-adjust na siya sa kanyang taping at shooting schedule. Katuwang ni Wenn sa pagdi-direk ng Galema ay si Direk Toto Natividad. May cut-off time na rin ang box-office director sa taping at shooting, hanggang 1pm.
Tatlong pelikula ang tinanggihan ni Direk Wenn for the year 2014. Ang follow-up movie sana ni Zanjoe Marudo, after ng big success ng Bromance. Second, ang Maria Leonora Teresa ng Star Cinema at isang movie for Viva Films.
“Hindi ko sinasabi na hindi ko gagawin ang mga ‘yan, magbabawas lang ako ng load sa trabaho. One at a time, hindi ko na pagsasabayin ang TV at pelikula. Hindi na tayo bumabata, huwag nating abusuhin ang ating katawan. Naging lesson sa akin ang pangyayaring ito. Nasobrahan yata ako sa load ko sa trabaho. Halos wala na akong pahinga, Monday to Friday nagtratrabaho ako, Sunday day off ko,” say ng award-winning director Wenn Deramas.
NAGBABALIK-PELIKULA NA naman si Pokwang sa Call Center Girl. Ito ang ika-11 pelikula na ginawa na niya sa Star Cinema. Huli natin siyang napanood sa tearjerker na A Mother Story na kinagiliwan ng mga mother, hindi lang dito, kundi maging sa ibang bansa.
Hindi man kumita ang first dramatic film ni Pokwang dito sa atin, umani naman ito ng papuri sa mga kritiko at nakakuha ng awards sa international film festival abroad. Sabi nga, ang AMS ang signature movie ni Pokwang. In fairness to her, magaling naman talaga siya sa pelikulang ito dahil tumatak sa isipan ng manonood ‘yung character na pino-portray niya bilang domestic helper sa ibang bansa, nagpakahirap para sa kapakanan ng kanyang pamilya at mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga anak.
Marami ang nagalingan sa acting performance ni Pokwang sa AMS. Ipinakita niyang puwede rin siyang maging actress kahit isa siyang comedienne. Nakatrabaho na rin niya si Governor Vilma Santos sa horror-thriller na The Healing under the direction of Direk Chito Roño. Kailan lang, lumabas din si Pokwang sa isang very special role sa smash hit ni Kim Chiu, ang Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo? at naging bahagi rin siya ng ensemble cast ng romantic-comedy na 24/7 In Love, na nag-marka ng ika-20 anniversaryo ng Star Cinema.
Ang Call Center Girl ay isang hilarious, smart, at laugh-a-minute movie na sinulat ni Kriz Gasma at dinirek ni Don Cuaresma. Ang pelikula ay nakasentro kay Teresa, (Pokwang) na desperada sa pagbuo ng kanyang nasirang pamilya at i-win-back ang affection ng kanyang estranged daughter na si Regina (Jessy Mendiola).
LAST SUNDAY, nag-celebrate si Sarah Geronimo ng kanyang ika-10 anibersaryo sa showbiz. Naging dagdag saya sa party ng Pop Princess ang paggawad sa kanyang Platinum Record award para sa latest album nito na “Expressions”.
Bukod sa selebrasyon ng isang dekada ni Sarah sa industry, sunud-sunod na sorpresa ang binigay niya sa TV viewers kabilang na ang back-to-back-to back na performances nina Martin Nievera, Erik Santos, at Jed Madela para sa upcoming concert nila this November.
Ibinahagi rin ni Gary Valenciano sa manonood ang kanyang paglalakbay patungong Iloilo, nakaaantig na kuwento ni Teresita ‘Auntie’ Terry Sajonia, ang Pinay na naging inspirasyon ng Cannes-winning Singaporean film na “Ilo Ilo”.
Bonggacious ang makapigil-hiningang dance performance nina Kim Chiu, Iya Villania, Bugoy Carino, Brenn Garcia, at Sam Milby sa segment na “Supahdance.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield