ILANG MGA kawani ng Bureau of Customs ang nakapagsabi sa akin na kumakalat daw ngayon sa Bureau na pakulo lang ng Malacañang ang tungkol sa pag-anunsiyo nito nang makailang beses noong mga nakaraang buwan hinggil sa desisyong isali si BoC Commissioner Ruffy Biazon sa senatorial line-up ng partido ng administrasyon sa darating na eleksyon.
Dagdag pa nila, ang pakulong ito raw ng Malacañang ay para mabulaga ang mga smuggler sa mga gagawing sorpresang programa ni Ruffy kontra sa smuggling.
Si Ruffy raw ay kuntento na sa kanyang trabaho sa Bureau at hindi niya inaambisyon na maging senador, ayon pa rin sa kanila.
KUNG MAY katotohanan man itong sinasabing kumakalat na balita sa BoC, labis itong nakababahala. Unang-una na, lilitaw na bolero pala si P-Noy at hindi niya siniseryoso ang kanyang mga binibitiwang salita sa mga taong itinuturing niyang bilang kanyang mga “Boss” – ang sambayanang Pilipino.
Ito ay dahil siya mismo, nang minsang ma-interview ng media kamakailan, ang nagsabing isa si Comm. Ruffy sa piling-pili na mga makakasama sa senatorial slate ng administrasyon sa 2013 elections.
Pero sa ganang akin, naniniwala akong may isang salita ang ating Pangulo at hindi niya kailangan pang mambola para lamang tugisin ang mga smuggler at ang mga tiwali. Kung nais niyang banggain ang mga pinaniniwalaan niyang mga tiwali, gagawin niya ito nang head on, nang walang patumpik-tumpik tulad ng ginawa niya kay CJ Corona.
NGUNIT ANG labis na nakababahala ay kapag babale-walain ni Ruffy ang anunsiyo ni P-Noy na siya ay itinatalaga bilang kandidato para sa Senado – na ibig sabihin, kailangan na niyang magbitiw sa kanyang puwesto ngayon sa BoC.
May pakiwari ako na ang sinasabing bali-balitang kumakalat ngayon sa BoC ay pakana ng mga taong nakikinabang kay Comm. Ruffy na hindi alam ni Ruffy. Sila marahil ang nagkukumbinsi kay Comm. Ruffy na mag-stay put na lamang sa Bureau dahil mas pakikinabangan nila siya rito kesa kapag siya ay napunta sa Senado.
Matatandaan na hindi naman talaga inambisyon ni Ruffy ang posisyon sa BoC at ito ay inalok lamang sa kanya ng Pa-ngulo. Katunayan, binigyan siya ng Pangulo ng ilang linggo para makipagkonsulta sa kanyang pamilya at pag-isipang mabuti bago tanggapin ang alok. Sa madaling salita, hindi niya inasam-asam ang puwesto.
KAYA HINDI kapani-paniwala para sa akin bilang isa sa kanyang mga kaibigan na tatablahin niya ang kagustuhan ng Pa-ngulo para sa kanya, na siyang ikabubuti pa nga ng kanyang career at estado.
Kapag tinanggihan niya si P-Noy sa alok nitong kumandidato para sa isa sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno, na itinuturing co-equal ng Presidente – ang pagkasenador – dahil mas pipiliin niyang manatili bilang isang Bureau Chief na lamang, baka magtaka si P-Noy at tumaas nang tumaas ang kanyang mga kilay hanggang sa maubos ito’t makalbo.
Seriously speaking, malapit na ang filing ng Certificate of Candidacy para sa 2013 elections. Ito ay magsisimula sa October 5, 2012. Yaman din lang ay sigurado na siyang makakasama sa senatorial line-up at ilang ulit nang inanunsyo ito ng Malacañang, maging ng Presidente, ngayon pa lamang dapat, out of delicadeza, magbitiw na si Comm. Ruffy sa puwesto.
Nang sa gayon, hindi siya pag-iisipan ng marami na kaya niya sinasagad ang hindi agad pagbitiw sa puwesto ay sapagkat siya ay nag-iipon para sa kampanya. At kapag tahasang tinabla naman niya ang kagustuhan ng Pangulo, mas lalong titindi ang pagdududa laban sa kanyang pagkatao.
Shooting Range
Raffy Tulfo