SA MGA masugid na tagasubaybay ng aking programang WANTED SA RADYO, alam nila kung paano ko ipinagtatanggol at ipinaglalaban ang mga naaapi nating kababayan. Kadalasan pa nga, ako ay nakatatanggap ng mga pagbabanta sa aking buhay mula sa mga taong aking nahambalos – kung minsan ay namumura ko pa – dahil sa ginawa nilang pang-aapi sa kapwa.
Sapat na ang mga pasa sa katawan, medical certificate at salaysay ng mga testigo ng isang taong lumalapit sa akin dahil siya ay nabugbog para ako ay manggagalaiti at halos sasabog sa galit. Kung minsan pa, hinahamon ko ang mapang-aping taong isinusumbong.
Ano pa kaya kung mismong kapatid ko na ang inapi at makita ko ang video ng pang-aapi sa kanya? Lalo pa kung ang nakatatandang kapatid kong ito na itinuturing naming parang ama matapos maging ulila kami sa ama. Kaya ‘di ko napigilan na makapagbitaw ng mga salita sa T3 para depensahan ang kapatid kong itong si Mon na ayon sa Movie and Television Review and Classification Board ay paglabag sa ethical standards ng broadcasting.
Pero lahat ng mga nakausap ko ang nagsabing kapag ang nangyari sa kapatid ko ay nangyari rin sa kapatid nila, magagawa nila ang nagawa ko.
Ilang buwan na ang nakararaan, bumisita ako sa tanggapan ng MTRCB sa Timog sa Quezon City kasama ang ilang kawani ng TV5 para sa isang opisyal na pagpupulong. Sa nasabing pagpupulong, isa sa mga kawani ng MTRCB na naroroon, ‘di ko na matandaan ang kanyang pangalan, ang pumuri sa aming magkakapatid at sa istilo ng aming pagtulong sa mga naaapi. Sinabi niyang “one thing I like about the Tulfos is you are able to call a spade, a spade. You don’t beat around the bush”.
Kung ganoon, bakit sinuspinde ng MTRCB ang T3 ng 20 days? Kung naiintindihan ng mga taga-MTRCB at hinahangaan ang mga ginagawa naming pagtatanggol sa mga inaapi, bakit hindi nila maintindihan ang ginawa naming pagtanggol sa mismong kapatid naming labis na naapi?
HINDI KO sinabing walang ni katiting na pagkakamali ang ginawa naming magkakapatid sa T3 noong Lunes, May 7. Kaya nga gumawa kami ng public apology para sa MTRCB kinabukasan patungkol doon sa aming nasabi. Kasunod noon, tinanggap din namin ang ginawang pagsuspinde ng TV5 sa aming magkakapatid sa lahat ng aming shows sa nasabing network ng tatlong araw.
Ang hindi katanggap-tanggap sa amin ay ang pagsuspinde ng MTRCB sa programa ng napakahabang panahon. Ang dahilan na ibinigay ng MTRCB sa pagsuspinde raw ng 20 days sa T3 ay para hindi na ako, si Ben at Erwin makapagbitaw ng mga maanghang na salita laban sa mag-asawang Barretto at mag-rereact ang mga televiewers.
Hindi yata nagla-log ang mga taga-MTRCB na ito sa iba’t ibang social network kaya hindi nila batid ang overwhelming na bugso ng galit ng napakarami laban sa mga taong nang-api kay Mon. Hindi rin siguro nila alam na overwhelming ang bilang ng mga viewers na nakapanood sa episode ng T3 noong May 7, ang naintindihan kami sa aming mga nasabi kumpara sa mangilan-ngilan lang na nagreklamo.
Isa sa mga ginamit na resource person ng MTRCB sa kanilang naging desisyon ay ang statement ng isang pulis na minsan nang nabatikos sa T3. Bakit hindi alamin ng MTRCB ang dahilan kaya nabatikos ang pulis na ito?
Shooting Range
Raffy Tulfo