LIBAN PA sa bil-yun-bilyong dolyares na remittance mula sa ibang bansa, may isa pang iniuuwi ang mga OFW na maaaring pakinabangan ng bansa — ang kanilang skills o kasanayan.
Doon, nagtatrabaho sila sa mga modernong pabrika o pasilidad at maaari nilang magamit dito ang mga natutunan nila roon. Pero ang ikakatuwiran ng iba ay wala naman daw mapapasukan dito. Sa isang banda, totoo ‘yan. Pero bakit araw-araw ay matutunghayan natin sa classified ads ang libu-libong opening para sa mga skilled worker?
Dito papasok ang papel ng pamahalaan. Maaari itong magsagawa ng job o skills matching para maitapat sa skills ng mga umuuwing OFW ang mga openings sa iba’t ibang kumpanya.
Liban pa rito, maaaring magsagawa ang TESDA ng programa para sa pagsasanay sa mga umuuwing OFW para maiakma ang skills nila sa mga bakanteng posisyon dito. O kaya’y maaaring i-develop pa ang skill nila para sa mga nakaabang na trabaho sa abroad.
Dahil sa milyun-milyong Pinoy ang nagtatrabaho sa abroad at umuuwi rito, bitbit nila sa kanilang pag-uwi pati ang mga kultura, ugali atbp. ng mga mamamayan sa ibang bansa. Gawan din natin ng paraan na mapayaman ang sarili nating kultura sa pamamagitan ng paghalaw sa mga magaganda at positibong kaugalian mula sa ibang kultura.
Panahon na para pag-aralan natin ang pakinabang mula sa OFW hindi lamang mula sa pananaw ng dolyares o remittance. Sa katunayan, ang mga kasanayan o kaugalian na napulot nila sa ibang bansa ay may mas pangmatagalang ambag sa kaunlaran ng Pilipinas.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo