ANO KAYA ang mayroon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala na sa kabila ng kanyang pagkakasangkot umano sa kaliwa’t kanang kapalpakan, nanatili pa rin ang kumpiyansa sa kanya ni PNoy?
Katunayan, kamakailan, idinepensa pa nga ng Malacañang itong si Alcala laban sa mga akusasyon ng Sanlakas Partylist Group na siya umano ang Godfather ng Quezon Mafia na sangkot sa rice smuggling.
Hinamon pa ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. – ang bunganga ng Malacañang – ang mga kritiko ni Alcala na maglabas ng mga ebidensya at patunayan ang kanilang mga alegasyon laban dito.
KUNG GANYAN din lang pala ang takbo ng utak ng Malacañang, dapat ngayon pa lang itigil na ang pag-iimbestiga sa P10 billion pork barrel scam dahil lumilitaw na ito pala ay isang kabalbalan lamang sapagkat pinipili lang ng Palasyo ang mga gusto lamang nilang paniwalaan sa mga alegasyon ng whistleblower na si Benhur Luy.
Tanggap ng Malacañang ang mga sinasabi ni Luy laban sa mga kakontra-partidong mambabatas na kanyang isinasangkot sa pork barrel scam at hindi nila siya kinontra rito, bagkus suportado pa nila siya.
Pero nang isangkot ni Luy si Secretary Alcala at ang alipores nitong si Assistant Secretary Ofelia Agawin sa nasabi pa ring scam, ayaw maniwala ng Palasyo at parang hinamon pa nila si Luy ngayon na patunayan ang kanyang mga akusasyon laban kay Alcala.
KUNG NAPANOOD lang sana ng Malacañang ang panayam ng media kay Alcala noong nakaraang linggo, hindi na nila kailangan pang maghamon sa mga nagbabato ng mga alegasyon laban kay Alcala na maglabas ng ebidensya.
Habang idinidepensa ni Alcala ang pagbalik-trabaho sa pinagbakasyong si Agawin, sinabi niyang “lahat naman sila ay may mga kasalanan at hindi lang siya.” Ang tinutukoy ni Alcala rito ay ang mga personalidad na isinasangkot ni Luy sa pork barrel scam kasama na si Agawin.
Sa madaling salita, inaamin na rin Alcala ang alegasyon ni Luy laban kay Agawin. At ang nasa utak siguro ni Alcala kaya niya pinababalik na si Agawin sa trabaho ay dahil kung ang ibang mga opisyal na isinangkot ni Luy sa scam – ang mga mambabatas – ay hindi nga nasuspinde at patuloy pa rin sa kanilang trabaho, dapat ang alipores niyang si Agawin ay ganoon din, tutal lahat naman daw sila ay pare-parehong may kasalanan.
PAGDATING SA usaping ito, masasabi ngang hindi kasama sa bokabularyo ni Alcala ang salitang “hiya” – wala siya nito. Patunay rin na hindi manipis ang kanyang mukha at wala sa pagkatao niya ang pagkakaroon ng delicadeza.
May ilan nang mga opisyal na bagama’t hindi pa napatutunayan ang mga alegasyon ng katiwalian at kapabayaan na ipinupukol sa kanilang pinamumunuang tanggapan ay mas piniling mag-resign na lamang dahil hindi nila maatim na mawasak at mayurakan ang kanilang pinangangalagaang pangalan at integridad nang dahil lamang sa puwesto. Ang tawag dito ay delicadeza. Pero wala nito si Alcala.
Isang halimbawa na lang sa mga kahanga-hanga at karespe-respetong opisyal na ito ay si dating NBI Director Atty. Nonnatus Rojas. Nang hindi maabutan noon ng NBI si Janet Lim-Napoles sa kanyang mga hide-out dahil mabilis itong nakapupuslit, pumutok sa media ang haka-haka na baka may kakampi si Napoles sa NBI.
Dahil dito, nakapagbitaw rin si PNoy ng pahayag na may mga tao sa NBI na hindi mapagkakatiwalaan. Wala pang 24 oras matapos makapagbitaw si PNoy ng nasabing pahayag, nag-tender ng irrevocable resignation si Rojas.
Kahit pa anong pigil ang ginawa ni PNoy at Justice Secretary Leila De Lima kay Rojas na huwag nang mag-resign sapagkat hindi naman siya ang tinutukoy ng Pangulo kundi ang isa sa mga deputy director niya, matindi pa rin ang talab ng hiya kay Rojas at ‘di pa rin siya napigilan. Wala rin nito si Alcala.
Isa pang halimbawa ay si dating Deputy Commissioner for Intelligence General Danilo Lim ng Bureau of Customs. Pagkatapos uminit ang BOC noon dahil sa umano’y pagkakasangkot ng ilang kawani ng bureau sa smuggling kaya ‘di masugpo-sugpo ito, nag-tender ng irrevocable resignation ang dating heneral bi-
lang delicadeza. At mas lalong wala nito si Alcala.
Shooting Range
Raffy Tulfo