ILANG ARAW sa tuwing bago sumapit ang bagong taon, pinag-uukulan ng panahon ng iba’t ibang ahensiya ng ating pamahalaan – partikular na ng Department of Health (DOH), ang pagpapaalala sa sambayanan tungkol sa panganib na dulot ng mga paputok.
Ito ay nagiging ritwal na taun-taon. Gumagastos ang DOH ng malaking pera para sa information dissimination campaign kontra sa paputok. Kasama na rin dito ang paglalaan ng DOH ng budget para sa mga gamit at gamot na kakailanganin ng mga magiging biktima ng paputok – pati na ang bayad sa overtime pay ng mga healthcare workers na aasikaso sa mga biktimang ito.
Hindi rin nagkulang ang media – partikular na ang mga newscast sa telebisyon upang ipakita ang mga nakagigimbal na instrumento na gagamitin ng mga doktor sa pagputol, pagbarena at paglagari sa mga kamay at paa ng mga biktima.
Pero mas nanaig ang katigasan sa ulo ng ilang mga kababayan natin kesa takot. Kaya ang resulta, taun-taon na lamang, walang patid pa rin ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga biktima.
Bukod sa mga biktimang nasabugan ng paputok, marami rin ang bilang ng mga biktimang inatake ng asthma dahil sa pagkakalanghap sa nakasusulasok na usok dulot ng mga paputok na ito. At kinaumagahan pagkatapos nitong bagong taon, ilang eroplano sa NAIA ang nakansela ang flight dahil sa zero visibility – sapagkat nababalot ng ma-tinding usok o smog ang paligid ng paliparan.
NAPAPANAHON NA upang kumilos ang ating mga pulitiko at gumawa ng aksyon upang matuldukan na ang mga problemang ito gaya ng pagpapasa ng batas hinggil sa pagbawal sa pagbenta ng lahat ng uri ng paputok. Kasama na rin dito ang pagpapataw ng parusa sa mga nahuhuling nagbebenta ng ano mang klase ng paputok at maging sa mga taong nagpapaputok.
Nagawa ito sa Davao City at naging matagumpay, walang dahilan para hindi rin kayang gawin ito dito sa Metro Manila at sa iba pa mang lugar sa ating bansa.
Kung iisipin, ang kadalasang biktima ng mga paputok ay mga paslit. Karamihan sa kanila ay hindi naman talaga ang mismong nagsindi ng paputok kung hindi nasabugan lamang ng mga paputok na kagagawan ng mga matatanda.
Ang masaklap marami sa mga biktima ay mga mahihirap. Wala pa tayong nababalitaang anak halimbawa ng isang congressman o senador na nasawi at biktima ng paputok. Ito ba ang dahilan kung bakit ayaw magsikilos ang mga pulitikong ito, sapagkat wala pang naaapektuhan sa mga kamag-anak ng kanilang mga kabaro?
Kailangan bang may mga mamatay munang mga mahal nila sa buhay dahil sa disgrasya sa paputok bago sila makapag-isip na umaksyon? ‘Wag naman sana.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3fm Radyo5, Lunes hanggang Biyernes 2 – 4pm. Ang programang ito ay nakasimulcast sa AKSYON TV Channel 41. Ito ay isang public service show na tumatanggap ng mga sumbong mula sa mga inaapi at inaabusong mamamayan.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapanood din sa BALITAANG TAPAT sa TV5, Lunes hanggang Biyernes 11:30am – 12:15pm.
Sa tuwing 5:30 – 6:00pm, mapapanood din ang inyong SHOOTING RANGE sa programang T3 sa TV5 pa rin. At pagsapit ng Lunes, tuwing 10:15pm – 11:15pm, mapapanood ang programa ng inyong SHOOTING RANGE sa TV5 na pinamagatang WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo