NAKATUTUWA SINA COCO Martin at Alessandra de Rossi, kapuwa gumawa ng marka sa indie cinema, pero hayan at sa mainstream TV, hindi rin maeetsa-puwera ang kanilang pagiging stars. Pareho pa kasing bata-bata sina Coco at Alex, although mature roles na ang karaniwang ginagampanan nila.
Pareho nilang tinatawanan ang pagli-link sa kanila, lalo nang magkasama sila sa Tayong Dalawa, na hindi totoong matatapos na sa ere. Nagpa-press party pa sila to announce that they are extending indefinitely, dahil ito sa magandang response ng publiko sa nabanggit na teleserye.
Dalawa sina Alex at Coco sa mga artistang totoong nakikinabang dito.
Noong una raw, talagang pinangingilagan ni Coco si Alex. Nakakaloka naman kasi ang pagkadiretso ng bibig nitong si Alex, na kung hindi siya kilala, pupuwedeng ma-misinterpret siya. Pero, si Alex, sa katagalan ay katanggap-tanggap ang pag-uugaling ganoon dahil napakatotoo niya.
Ganoon din ang impression ni Coco. Nasabi nga niya kay Alex, “Hindi ka naman pala nega. Bakit ganoon ang sinasabi ng iba sa ‘yo?”
Eh, ganoon talaga sa showbiz. Kung minsan, nahuhusgahan ka unfairly. Hindi siguro magiging big star si Alex sa ganoong kostumbre, pero magiging masaya siya all throughout her stay in showbiz na patuloy siyang nagpapakatotoo. ‘Yun din ang nagugustuhan ni Coco sa kanya.
“Kaya lang, hindi ako type ni Alex,” sabi pa ni Coco. “Hindi niya gusto ang maliliit!”
‘Yun na! Natawa na lang kami sa sinabing ‘yun ng aktor.
FINALLY, BINIGYAN NG pagkilala ng kanyang Alma Mater, ang UST-College of Fine Arts si Direk Brillante Ma. Mendoza, mas kilala bilang Direk Dante, Palm d’Or winner for Best Director (for the controversial film Kinatay o mas kilala sa English title nitong The Execution of P). Take note, mismong ang mga taga-showbiz, tila walang nagawa para sa ganitong uri man lang ng pagtanggap kay Direk Dante.
Simple lang ang victory party na pinuntahan namin sa UST Student Center Bdg, kamakailan lang, pero naging significant ito nang dumalo roon ang National Artist na si Bienvenido Lumbera. May mga taga-showbiz din siyempreng nakiisa at ang mga ito’y ka-close o nakatrabaho na ni Dante in the past, gaya nina Julio Diaz, sina Susan Africa at Jhong Hilario (na parehong kasama rin pala sa Kinatay), ang mga direktor na sina Francis Pasion (Jay) at Jim Libiran (Tribu), at marami pang well-wishers fro the industry at press.
Basta, tinatawanan na lang ni Direk Dante ang pag-uupasala sa kanya na tagadala lang siya ng “worst” films sa Cannes Film Festival. Two years in a row, pumasok sa pilian for competition ang mga obra ni Direk, gaya ng Serbis na sinundan ng Kinatay. Parehong nakatanggap ng mixed reviews ang dalawang pelikula, and some call them “the worst in the history of Cannes.”
Tanggap ni Direk ‘yun. What will be more contradicting to all those ay ang paggawad sa kanya ng jury ng nabanggit na festival, at hinirang siyang Best Director, talbog sina Ang Lee, Jane Campion, Quentin Tarantino, Pedro Almodovar, at iba pang mga bigatin.
So, kahit ano pa ang sabihin, na kay Direk Dante ang karangalan na mahihirapang pantayan o ma-achieve man lang ng any other Filipino na nagtangka at patuloy na magtatangka.
Calm Ever
Archie de Calma