DAHIL SA inilabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema, hindi pa maipatutupad ang Grade 11 sa School Year 2016-2017 alinsunod sa programang K-12 ng Department of Education (DepEd). Ang pagkakalabas ng TRO ay mula sa petisyong inihain ng mga grupong sumusuporta sa hanay ng mga kaguruan, partikular ang mahigit 25,000 na mga instructor at propesor na mawawalan ng trabaho dahil sa implementasyon ng K-12.
Ngunit ang pagkakapahinto sa K-12 ay hindi lang simpleng pagtigil ng implementasyon nito dahil marami na ang nagawang paghahanda ng mga kolehiyo, unibersidad at maging sa mga mababang antas ng paaralan. Sa hanay lamang ng mga kolehiyo at unibersidad, mayroon nang mga nagtanggal at nagpa-retiro ng kani-kanilang mga instructor at propesor dahil sa mawawalan na ang mga ito ng ituturo sa college.
Ang mga pribado at pampublikong paaralan naman sa mga mabababang antas ay nag-adjust na ng mga leksyon at pinag-aaralan para sa bagong curriculum ng K-12.
Marahil ay masakit ang ulo ni Secretary Armine Luistro ng DepEd sa masalimuot na epekto ng TRO na ito sa K-12. Pero para sa akin ay mabuting nagpalabas ng TRO ang Korte Suprema dahil kawawa talaga ang mga gurong mawawalan ng trabaho dahil sa K-12.
Noon pa man ay tinututulan ko na ang K-12 ng DepEd dahil sa hindi mahusay na pagkakadisenyo ng programa. Palpak din naman talaga ang kasalukuyang DepEd dahil kung ang mga problema nila sa maraming bagay, gaya ng mga kakulangan sa mga classroom at incompetent o hindi mahusay na mga guro ay hindi nila mahanapan ng solusyon, kataka-takang magdadagdag pa sila ng 2 taon sa high school na mangangailangan ng mga bagay, kung saan malaki ang kanilang pagkukulang sa kasalukuyan.
MAY KATUTURAN ang pananaw ni Sen. Antonio Trillanes IV sa K-12. Walang kakayahan ang DepEd na maimplementa ang K-12 dahil marami pa ring mga kakulangan sa classrooms at guro sa mga pampublikong paaralan. Kung dadagdag pa ang 2 taon para sa grade 11 at 12, saan pa dadalhin ni Luistro ang mga estudyante sa mga public schools? Hindi naman nila kayang lumipat sa mga private schools dahil wala silang pera. Taun-taon din ay may datos na maraming mga mag-aaral sa private schools na lumilipat sa public schools dahil taun-taon din kung tumaas ang matrikula.
Darami nang husto ang mga mag-aaral sa public schools dahil sa dagdag na 2 taon sa high school. Ibig sabihin ay mas mangangailangan ang DepEd ng halos dobleng numero ng dami ng mga dagdag na classrooms at teachers dahil hindi naman nila na naisama ang pagdagdag ng mga mag-aaral na lilipat sa mga public school galing ng private schools.
Ang mga guro na kakailanganin sa implementasyon ng K-12 ay isang malaking problema rin. Kung ngayon ay maraming guro pa rin ang kailangan sa elementary at high school, mas madadagdagan ang kakulangan na ito. Hindi rin naman madaling ilipat ang mga instructor at propesor sa high school dahil sa bukod sa mga rekisitos na ipinag-uutos ng batas para makapagturo sa elementary at high school, malaki ang kaibahan ng kultura sa kolehiyo kumpara sa elementary at high school. Kailangan halimbawa ng lisensya o LET para makapagturo sa elementary at high school, na wala sa college kaya karamihan sa mga instructor at propesor ay walang mga lisensya.
KUNG HINDI maimplementa ang Grade 11 sa 2016, papaano ang mga adjustment na ginawa na sa elementary at high school? Noong nakaraang taon pa man ay nag-adjust na ang maraming private school para makahabol ang mga mag-aaral nila sa pag-graduate sa inaasahan nilang panahon sa kabila ng dagdag na 2 taon.
Mayroong nagpaiksi ng buwan sa mga grade level at pinilit na isaksak ang 2-3 grade levels sa isang taon. Ang iba naman ay nag-force accelerate ng 1 taon sa lahat ng pre-school students. Ang epekto nito ay inaasahan na sasakto lamang sa bilang ng taon ng K-12, ngunit ngayong hindi maiimplementa ito sa 2016, mapapaaga ang tapos ng mga estudyante na naapektuhan ng adjustments na ginawa para sa K-12.
Ang mga kolehiyo at unibersidad gaya ng St. Scholastica College at Miriam University ay nagkaroon ng puwersahang pagtanggal sa mga part time faculty at pagpaparetiro o resign sa mga full time faculty nila ngayong taon at noong nakaraang taon. Wala na kasing mga G.E. (General Education) subjects na maituturo ang mga college faculty dahil ibinaba na sa Grade 11 at 12 ng high school, sa ilalim ng K-12, ang lahat ng G.E. subjects sa college. Ito ang natatanging dahilan kung bakit may higit sa 25,000 na college faculty ang mawawalan ng trabaho dahil sa K-12.
Kung may mga maaayos naman tayong professionals ngayon na produkto ng dating curriculum ng DepEd, bakit kailangang palitan ito? Hindi ba ang dapat na solusyunan ng DepEd ay ang mas makumpleto ang mga kakulangan sa mga classroom at gawing mas komporatble ang bawat classroom kung saan ay may bilang na 25 students lang batay sa rekomendasyon ng UNICEF at UN. Sa ngayon ay may average na 50 students bawat classroom kaya naman napakahirap mag-concentrate ng mga mag-aaral sa leksyon at ganoon din naman ang classroom management sa parte naman ng teacher. Higit sa lahat ay mas kailangan na gawing competent ang mga teachers sa elementary at high school kaysa magdagdag pa ng 2 year level. Kung bulok ang teacher, siyempre magiging bulok din ang mga mag-aaral nito kahit pa mas matagal sila sa high school.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-8788536 at 0917-7926833.
Shooting Range
Raffy Tulfo