IISA LANG ANG buhay. Walang kapalit, walang kahalili, lalong hindi nabibili sa kahit saang department store. Oras na humugot na tayo ng huling hininga ay ‘yun na ‘yun.
Totoong-totoo rin na ang tanging sigurado sa mundong ito ay kamatayan. Lahat tayo’y mabubura sa mundo, sa kani-kanyang takdang panahon at dahilan nga lang.
Sabi nga ng isang kaibigan namin, kapag ipinanganak tayo, kumukuha tayo ng birth certificate. Kapag namamatay naman ang tao, kumukuha rin ng death certificate sa ospital at sa munisipyo.
“Ano ang tanging ebidensiya na nabuhay tayo sa mundo? Wala, kundi mga litrato lang. Sa pictures na lang tayo inaalaa ng mga naiwan natin,” makahulugang sabi ng aming kaibigan.
Nabanggit namin ito dahil sa isang asuntong isinampa laban kay Richard Gutierrez. Namatay ang kanyang kaibigan-PA na si Nomar Pardo nu’ng maaksidente sila sa Silang, Cavite.
Walang kahit sinong may gusto sa nangyari, kaya nga tinawag ‘yun na aksidente, walang kahit sinong taong mag-uumang ng sarili niyang buhay o buhay ng kanyang kasama sa bingit ng kamatayan.
Naospital si Richard, nalagay rin sa alanganin ang kanyang buhay, pero sinuwerte siyang nakaligtas. Namatay naman si Nomar, isang PA na itinuring nang hindi iba ni Richard, ‘yun ang pinag-ugatan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide na isinampa ng misis ni Nomar na si Lorayne laban sa aktor.
NAIINTINDIHAN namin kung saan nanggagaling si Lorayne Pardo, hindi ganu’n kasimpleng mamatayan ng asawa at ama para sa kanilang mga anak. Totoo ring hindi ganu’n kadaling tanggapin na mag-isa na lang siyang palalakihin ang kanilang mga anak ni Nomar ngayon.
Madaling unawain ang kanyang pinanggagalingan, pero ang kanyang pupuntahan ay naghahanap ng paunawa at katuwiran, dahil hindi ginusto at lalong hindi sinadya ni Richard Gutierrez na maaksidente sila ni Nomar at ng isa pa nilang kasama sa kotse nu’ng Mayo 22.
Sa aming opinyon ay magkakaroon lang ng boses na magreklamo ang misis ni Nomar kung pagkatapos ng aksidente ay binalewala lang ng mga Gutierrez ang nangyari sa kanyang mister.
Pero hindi naman ganu’n ang nangyari, nakiramay sa kanila ang pamilya ni Richard, naglatag ng kanilang plano kung paano nila matutulungan ang pamilyang naiwan ni Nomar.
Pero tinanggihan ‘yun ni Lorayne, kung bakit ay tanging siya lang ang nakaaalam, hanggang sa ipinanganak na nga ang asunto laban kay Richard Gutierrez dahil sa pagkamatay ni Nomar Pardo.
SANA’Y matanggap ni Lorayne sa kanyang kalooban na walang may gusto sa nangyari. Kung gusto niyang mabuhay ang kanyang mister, lalong maraming may gustong mabuhay si Richard, dahil isang pampublikong pigura ang binata at mahal na mahal din ng kanyang pamilya.
Ayon sa mga Gutierrez ay apat na milyong piso ang hinihingi ni Lorayne. Mariin din ang sinabi ni Lorayne na ang gusto niya ay cash ang bayaran at hindi tingi-tingi.
Nakalulungkot ang senaryong ito. Parang hinahalagahan ang buhay ni Nomar, apat na milyong piso. Kami man ang lumagay sa sapatos ng mga Gutierrez ay haharapin na lang namin sa husgado ang kasong isinampa ni Lorayne.
Gusto naming paniwalaan na kapag oras na ng sinuman sa atin ay magaganap ‘yun, walang makahaharang, dahil hanggang du’n na lang talaga ang hiram lang naman nating buhay.
Malinis ang kunsensiya ni Richard Gutierrez, kahit batang musmos ay sasang-ayon na hindi sinadya ng aktor ang aksidente, dahil ang mismong buhay niya ay nalagay rin sa bingit ng kamatayan sa aksidenteng ‘yun.
Nagkataon lang na hindi pa oras ni Richard Gutierrez.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin