NAGING USAP-USAPAN kamakailan lang ang kumalat na video footage mula sa kuha ng CCTV sa isang pribadong hospital, kung saan ay nakitang malayang lumalakad-lakad sa nabanggit na lugar, ang isang akusado sa kasong may kinalaman sa malaking bentahan ng droga na si Ricardo Camata. Sa video na ito ay kapansin-pansin ang pagiging relax at pagpapabaya ng mga bantay ni Camata. Lumalabas din sa video na tila nagkaroon pa siya ng mga bisita sa kanyang hospital room.
Ang mungkahi hinggil sa pagkakaroon ng isang special detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) ay isa ring isyu na may kinalaman sa problemang nabanggit. Ito ay bunsod na rin ng pagdami ng mga taong itinuturing na VIP (very important people) na akusado sa isang mabigat na krimen, kung saan ay walang piyansang ibinibigay ang korte.
Sa ngayon ay may mga PNP general at mga VIP ang nahaharap sa mga kasong walang piyansa at sa kasalukuyan ay nakakulong sa iba’t ibang lugar habang dinidinig ang kanilang kaso dahil sa walang iisang pasilidad ang ating gobyerno para sa ganitong mga kaso.
Ang tanong ngayon ay napapanahon na kaya na maglabas ng pondo ang ating pamahalaan at gumastos para sa isang malaking special detention facility? Mas makatitipid kaya ang ating pamahalaan kung maitatayo ang special detention facility kumpara sa kasalukuyang sistema na ipinatutupad nito? Nararapat kaya, naaangkop at hindi ba labag sa pagkakapantay-pantay ng mga karapatan ng tao sa ilalim ng umiiral na batas ang pagtatayo ng isang special detention facility? Ito ang mga tanong na pag-uusapan natin sa artikulong ito.
MARAMI PA rin ang walang maayos na tirahan ngayon sa ating bayan. May mga Pilipino pa rin ang natutulog sa mga kariton sa gilid ng kalsada, naninirahan sa ilalim ng mga tulay at sa gilid ng mga ilog. Mas marami rin sa mga manggagawang nasasakop ng tinatawag na “middle class” ang nangungupahan lamang dahil wala rin silang kakayahang makabili ng sariling bahay. Hindi kasi natutugunan ng pamahalaan ang problemang pabahay para sa lahat ng mamamayang kapos.
Sadyang hindi maiiwasan ang pag-iisip na bakit gagastos ang pamahalaan sa isang special detention facility para sa mga taong pinaghihinalaang sangkot sa mga krimen, samantalang ang mga ordinaryong mamamayan na matapat na nagbabanat ng buto sa araw-araw at nagbabayad ng buwis ay hindi mabigyan ng isang simpleng tahanan.
Para bang kung sino pa ang pinaghihinalaang lumalabag sa batas ay sila pa ang mas binibigyan ng pagkalinga ng gobyerno. Kung maglalabas man ang pamahalaan ng pondo ay dapat ilaan ito sa mas nangangailangan na sektor ng ating lipunan. Maraming mga proyekto na mas makatutulong sa mahihirap nating kababayan ang dapat pondohan ng gobyerno at ito ang dapat maging prayoridad ng pamahalaan.
MARAMI RIN ang pumupuna sa ginagastos ng pamahalaan ngayon sa mga pasilidad na nilalagakan ng mga na akusado sa iba’t ibang malalaking kaso. Lumalabas ayon sa mga eksperto at political analysts na malaki ang gastos ng pamahalaan dito kumpara sa pagkakaroon ng isang malaking special detention facility para sa lahat ng VIP na akusadong nakapiit ngayon. Bukod sa mababawasan ang dami ng mga taong binabayaran bilang mga security, mas magagamit din sa tamang paraan ang mga pasilidad.
Maraming mga pasilidad na itinayo para sa mas kapaki-pakinabang na gamit, ngunit dahil sa ginagawa itong pansamantalang piitan, naaantala ang mga proyektong ito. Sumatutal ay malaking abala sa mga iba’t ibang layunin ng ating pamahalaan ang kawalan ng isang permanenteng lagakan para sa mga akusadong VIP.
Lumalabas ayon sa pag-aaral ng mga eksperto na mas makatitipid ang pamahalaan sa huli kung magtatayo na lamang ng isang special detention facility kumpara sa ginagasta nito sa kasalukuyang sistema.
ANG PANGATLONG tanong sa isyung ito ay tumatalakay sa konsepto ng pagkakapantay-pantay ng mga akusado sa pagtrato ng pamahalaan sa kanila. Mas dapat nga bang bigyan ng special treatment ang mga ganitong akusado kumpara sa mga ordinaryong nasasakdal? Ang mga kasong pandurukot o pagnanakaw sa tindahan ay napipiit sa isang maliit, masikip at napakainit na kulungan, habang dinidinig ang kanilang kaso dahil wala naman silang pambayad sa piyansa. Samantalang ang mga akusadong mapepera na gaya ni Camata ay madaling nailalagak sa isang espesyal na lugar, gaya ng isang mamahaling silid sa hospital o ‘di kaya’y espesyal na silid kung saan may sarili silang tulugan, bentilador at palikuran.
Para tuloy lumalabas na mas maigi pa ang trato kung ang isang tao ay magnakaw ng malaking halaga o magtutulak ng droga at kumikita nang malaki, kaysa mang-holdup o magnakaw ng maliit na halaga. Maliwanag na hindi patas ang ganitong pagtrato ng pamahalaan sa mga ordinaryong taong akusado kumpara sa iba.
ANG PILOSOPIYANG “men are created equal” ay tila hindi nga yata makatotohanan. Sa lipunang ating ginagalawan ay labis ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao sa edukasyon, trabaho at kakayahan sa buhay. Sadyang may mga taong tinitingala at labis ang ginagawang pagpapahalaga ng lipunan at pamahalaan sa kanila. May mga tao ring hindi binibigyan ng pansin ng lipunang ito at mailap ang serbisyong nanggagaling sana sa pamahalaan.
Dapat ba nating tanggapin ang katotohanang ito? Dapat nga ba na may mga taong nakatatanggap ng tratong espesyal maging sa pagkakataong sila’y nasasakdal sa batas?
Sa tingin ko ay mas matimbang sa lahat ng jurisprudence ang pilosopiyang “What has less in life, must have more in law.” Ang demokratikong pamahalaan ay itinatag hindi lang para gawing makapangyarihan ang mas nakakarami sa pagdedesisyon para sa bayan, kundi tiyaking mayroong pagkakapantay-pantay sa oportunidad, pagkakataon sa mabuting buhay at pagtrato ng batas sa bawat isa, maging mayaman man o mahirap.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo