MARAMI ANG mga grupong sumasalungat sa naging desisyon ng Supreme Court hinggil sa pagiging constitutional ng Cyber Crime Law. Mainit ang pagtuligsa nila partikular sa anggulong “cyber libel” dahil sa pagiging marahas nito sa mga gumagamit ng internet o netizens kung tawagin.
Kung mapatutunayan ay magiging mas mabigat kasi ang ipapataw na parusa sa mga magkakasala sa kasong libel sa ilalim ng Cyber Crime law. Bukod sa criminal case ito ay koreksyon mayor ang parusa rito kung saan ang nagkasala ay makukulong sa bilangguan na aabot sa 12 taon.
Ang mahirap dito ay sa dami ng mga gumagamit ng social media ay hindi madaling maipaliwanag ang extent ng batas. Maaaring ang isang ordinaryong pag-“like” o kaya ay pag-“resend” ng isang pahayag na “libellous” sa mata ng korte ay magresulta sa pagkakakulong. Kahit sabihin pa nila na nasa intensyon ang bigat ng kaso ay madaling mapaikot ng isang mahusay na abogado ang intensyon na ito sa mga akusadong walang pera para makakuha ng magaling na abogadong magtatanggol sa kanila.
Hindi patas ang batas na ito para sa mga kritiko ng gobyerno at mga media practitioner dahil nililimitahan nito ang paggamit ng social media para maglabas ng mga anomalya sa gobyerno o ‘di kaya ay mga puna sa mga kapalpakan ng administrasyon.
MARAMI RIN ang nagsasabi na ang pagkakapasa nito sa batas ay para lamang proteksyunan ang Aquino government mula sa mga kritiko nito. Lumalabag ito sa karapatang magpahayag ng pulitikal na paniniwala at basic freedom of speech.
Palibhasa ay mabilis ang pagkalat ng impormasyon sa internet gamit ang iba’t ibang social media kaya nagiging maliit ang mundo ng mga nag-aabuso sa gobyerno at ganoon din ang espasyo ng kapalpakan ng gobyerno kaya’t mabilis masilip ito. Marahil dito nanggagaling ang pagiging atat ng gobyerno maisabatas ang Cyber Crime Law.
Malinaw na gumagamit ng kapangyarihang pulitikal ang nasa pamahalaan upang kontrolin ang demokrasya sa ating bansa.
Hindi patas ang ganitong laban.
HINDI RIN naging patas ang laban kay Senator Jingoy Estrada sa ginawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado kamakailan lang kung saan ang bagong testigo na si Ruby Tuason ay humarap at idiniin ang senador nang walang kalaban-laban.
Sa ginawang pagdinig ay parang nagkaroon na ng “court trial” kung saan lantarang ipinakita ng mga senador na kumikiling sila sa mga sinasabi ng bagong testigo nang hindi man lang sinasala ang katotohanan ng mga pinagsasabi nito.
Malinaw ang hindi pagiging patas ng pagdinig na ito kay Estrada base sa mga binitiwang komento ng ilang mga senador gaya ng “three point winning basket” at “bulls eye” na umaayon sa pahayag ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Leila de Lima, na isang “slam dunk” evidence ang affidavit ni Tuason.
TILA HINDI na umayon sa orihinal na adhikain ng pagdinig sa Senado ang naging daloy ng pagharap ni Tuazon na dapat ay malinaw na isang “in aid of legislation” lamang. Bagkus ay lantarang idiniin na ang isang senador. May tamang lugar para malaman ang katotohanan sa isyung ito at natitiyak kong hindi ang Senado ang lugar para litisin ang sino mang nasasakdal.
May husgado tayong dapat na ginagalang at hindi pinangungunahan. Lumalabas na ang mga kaalyado ng Pangulo ay nagsagawa na naman ng isang “trial by publicity” at marahil alam na natin kung bakit nila ito malimit na ginagawa.
Hindi patas ang ganitong laban.
TALAGA YATANG kakambal na ng mga Pilipino ang hamon ng hustisya dahil maging noong unang panahon ay hindi naging patas sa atin ang kasaysayan. Ang pananakop sa atin ng mga Kastila sa halos 300 taon at pag-angkin sa mga lupa ng ating mga ninuno sa pamamagitan ng matataas na buwis ay isang napakalungkot na alaala kung saan magpahanggang ngayon ay binabata natin ang pagkaaping ito.
Hindi ba ang mga nagmamay-ari ng lupa ngayon sa maraming lugar sa Pilipinas ay matayog pa rin ang pangalang Kastila at sila pa rin ang halos nagmamay-ari ng mga malalaking kumpanya rito sa bansa?
Ang mga Amerikano man ay hindi rin naging patas sa atin noong sakupin nila tayo sa pangalawang pagkakataon at gawing palabigasan at kamkamin ang mga likas nating kayamanan bago pa sumapit ang pangalawang digmaan.
Ang bansang Hapon na sumakop sa atin sa kasagsagan ng ikalawang digmaan ay naging malupit sa ating mga kababayan noon at lalong lalo na sa mga kababaihang biktima ng kanilang pagiging asal hayop na ginawa nilang “comfort women”. Ito ang pinaka hindi patas sa lahat.
NGAYON AY nagbabadya na naman ang isang higanteng bansa at tila nagpapamalas ng isang walang katarungan pagtrato sa atin bilang isang bansang may soberenya. Ang mga ipinakikitang panggigipit ng bansang China ay hindi na bago sa ating karanasan bilang isang bansang pinatibay na ng panahon mula sa mga dayuhang mapang-abuso.
Dapat ay maging matatag ang prinsipyo at paninindigan ng ating pamahalaan sa usaping Spratley dahil hindi na tayo nag-iisa sa labang ito. Bilang kasapi ng United Nations at kaalyado ng mga karatig-bansa sa Asia at Europe ay kaya nating ipaglaban ang ating karapatan sa isang mapayapang prosesong politikal.
Hindi tayo dapat magpasindak sa laki at kakayahang militar at ekonomikal ng bansang China. Maaaring iniisip ng marami nating kababayan na hindi patas ang laban dahil sa mga salik na ito.
Magbalik-tanaw tayo sa kasaysayan natin at gawin nating inspirasyon ang laban ng bayaning si Lapu-Lapu kung saan tinalo niya ang makapangyarihang si Magellan. Gamit lamang ang kanilang mga sibat at gulok ay hinarap nila ang mga kalabang nakasuot ng bakal na panangga lulan ng malalaking barko.
Hindi man patas ang ganitong laban, nanalo pa rin tayo!
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo