SA MISMONG bibig ng isa sa bida ng Valiente na mapapanood na sa Feb. 13 sa TV5 na si Oyo Boy Sotto nanggaling na hindi raw pinagselosan ng kanyang maybahay na si Kristine Hermosa si Nadine Samonte na naging ex-GF nito.
Kuwento pa ni Oyo, isa si Nadine sa pinaglihihan ni Kristine na nanonood noon ng The Sisters na pinagbidahan ni Nadine sa TV5. Gandang-ganda raw ang maybahay ni Oyo kay Nadine kaya naman daw nang sabihin ni Oyo rito na makakasama niya ang kanyang ex-GF sa show, aprubado kay Kristine at walang naging problema.
Ibinida pa ni Oyo na ang daddy niyang si Vic Sotto ang dating kumanta ng theme song ng Valiente at siya ring kakanta ng theme song sa remake ng Valiente. Bukod kay Nadine ma-kakasama din sa powerful cast ng Valiente sina Ms. Jaclyn Jose, Ms. Gina Alajar, Michael De Mesa, Mark Gil, Czarina Suzara, Arvic Tan, Liane Valentino, Ross Pesigan , John Regala, Toni Mabesa, Jim Pebanco at sina Niña Jose at JC De Vera , mula sa panulat ni Phil Noble at sa Direksiyon ng Ace Director na si Joel Lamangan.
NAG-UUMAPAW SA saya ang The Big Youth Blowout ng Coca-Cola at Bench noong Sabado nang gabi sa activity center ng Trinoma, QC., kung saan may live streaming sa internet ang event, at may pakontes sa twitter.
Ginamit din ang facebook para rito, at ipinakilala pa ang limang Pinay na fashion bloggers. Buhay na buhay ang crowd sa pagpapasiklab kapag kuwan ng UE Pep Squad at Philippine All-Stars.
Lahat sila ay naka-Coca Cola Originals by Bench na ang mga disenyo ay kaugnay sa pagdiriwang ng ika-100 kaarawan ng Coke sa bansa. Bongga ang pagrampa ng mga modelo at artista like Rocco Nacino, Enzo Pineda, Steven Silva, Joseph Marco, Kathryn Bernardo at Julia Montes at Enchong Dee. Sina Enchong, Julia, Kathryn at Joseph ang bagong liga ng Happiness Ambassadors.
DEADMA LANG daw sa ratings game ng mga programa ang mabait at very generous na Attorney ng Bayan na si Atty. Persida Rueda-Acosta. Dahil mas priority raw nito ang makatulong through his show Public Atorni: Asunto O Areglo na napapanood sa TV5.
Kaya naman kahit nagpalit sila ng timeslot ng Face To Face ni Amy Perez simula kahapon, Lunes, ipinagdiinan niyang walang kumpetisyon at wala silang away ng TV host-actress.
At kung dati ay once a week lang napapanood ang show ni Atty. Persida, ngayon ay araw-araw na ang “mediation on air” program ng Public Attorney’s Office Chief. Pero walang conflict sa show nila ni Amy na halos magkapareho ng tema.
Tsika pa ni Atty. Persida na walang conflict sa trabaho niya ang taping ng kanyang show dahil tuwing Sabado at Linggo ang pakikipagharap niya at paggawa ng solusyon sa mga taong hindi nagkakaunawaan.
MAY MGA sandaling naiiyak pa rin ang isa sa star ng Alice Bungisngis na mapapanood sa Feb. 06 na si Jake Vargas sa tuwing maaalala niya ang kanyang yumaong ina. Tsika ni Jake na sobrang close siya sa kanyang ina at ito nga raw ang kanyang nagiging inspirasyon para magtrabaho nang magtrabaho, dahil ang ina niya ang talagang may pangarap na maging artista at singer siya.
Kaya naman daw nang ma-bigyan siya ng pagkakataong maging artista at singer, ang kanyang ina ang unang naging masaya. Kaya naman daw ngayon kung saan sobrang dami ng kanyang show – Party Pilipinas, Master Showman, Tween Hearts, Pepito Manaloto, at ang aabangang Alice Bungisngis – ang ina pa rin niya ang kanyang inspirasyon sampu ng kanyang pamilya.
Kahit wala na nga raw ang kanyang ina ay ang pagtulong naman sa kanyang pamilya ang ginagawa nito ngayon. Hinabilin kasi ng kanyang ina bago ito yumao na ‘wag niyang papabayaan ang kanyang mga kapatid at pamangkin, kaya naman ito raw ang ginagawa ni Jake sa ngayon.
John’s Point
by John Fontanilla