ISA SA mga kontrobersyal na sinabi noon nang nag-resign na Santo Papa na si Pope Benedict ay ang mga katagang “using condom is a lesser evil than inflicting HIV or AIDS to someone else.” Binanggit ito ni Pope Benedict noong mainit ang usapan sa paggamit ng condom at paglala ng problema sa HIV at AIDS sa buong mundo.
Minsan hindi talaga maiiwasan ang pagtimbang nang tama o mali sa iba’t ibang perspektibo. Mayroong ang pagtingin sa tama at mali ay dumidepende sa pagiging praktikal sa buhay. Gaya ng ginawang pagtingin ng dating leader ng Simbahang Katolika na si Pope Benedict sa isyu ng AIDS at contraceptive. Gaya ni Pope Benedict, sa tingin ko ay naging praktikal lamang si Mayor Duterte sa pagtimbang niya sa mga problema sa Pilipinas at hindi sinasadyang makasakit ng kalooban ng ilang mga tao.
Ang problema sa AIDS ay mas lumalala hindi lamang sa buong mundo kundi pati na rito sa Pilipnas. Kaya hindi masamang maging praktikal tayong mga Pilipino sa pagsugpo ng sakit na AIDS. Lalo na ngayong isa nang batas ang Health and Reproductive Law (RH law). Puwede nating sabihing isa itong “lesser evil” sa diskurso sa Theology. Ang pagiging praktikal naman ni Mayor Duterte sa pagresolba ng mga problema sa pulitika at lipunan ay maaari rin nating tingnan sa parehong liwanag na isa itong “lesser evil” sa mundo ng maruming pulitika at kriminalidad.
ANO NGA ba ang estado ng problema sa HIV at AIDS dito sa ating bansa? Ano ang mga hakbang na ginagawa ng gobyernong Aquino sa problemang ito? Papaano ba natin ito masusugpo o bibigyang-solusyon?
Kailan lang ay lumabas sa maraming pahayagan ang naitalang kaso ng sakit na HIV para sa buwan ng November base sa pag-aaral at datos na nakuha ng Department of Health (DOH). Nakapagtala muli ng isang “record high” sa kaso ng HIV patients sa buwan lamang ng November sa taong kasalukuyan.
Ang ibig sabihin ay para sa buwan ng Nonember ay mayroong taong nahahawa ng HIV bawat araw o isang Pilipino ang nagkakaroon ng HIV kada isa’t kalahating oras. Mataas at malayo ito kung ikukumpara sa datos noong nakaraang taon na kaso ng HIV sa parehong panahon.
Mula sa mga kasong ito ng HIV ay 38 ang nauwi sa full blown AIDS ayon sa datos ng DOH at may naitalang 5 kaso ng pagkamatay sa mga pasyente na may HIV para sa buwan ng November. Karamihan din sa mga pasyenteng may HIV ay nabibilang sa tinatawag nating “third sex” kung saan may naitalang 382 cases o 86%. Ang pagkakahawa sa HIV ay kadalasang dulot naman ng pakikipagtalik na may talang 445 cases o 90%.
Ngayon, ang Pilipinas ay may 4,072 na kabuuang kaso ng HIV para sa taong kasalukuyan. Ganito katindi ang estado ng problema sa HIV at AIDS ngayon. Ano ba ang mga kongkretong hakbang na ginagawa ng pamahalaan para sa problemang ito?
NAKIISA MAN ang pamahalaan sa selebrasyon ng “World’s AIDS Day” ay wala namang ipinatutupad na kongkretong solusyon ang gobyerno sa lumalaking bilang ng mga Pilipinong may HIV at AIDS.
Sinasabi lang ng pamahalaan na mayroong massive education at all-out awareness campaign ang gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng HIV sa ating bansa. Ngunit, wala naman akong napupuna na programa ng pamahalaan gaya ng TV advertisement man lang na nagsusulong ng isang awareness campaign para sa problemang ito.
Ang laganap na prostitusyon sa ating bansa partikular sa malalaking lugar gaya ng Maynila at Quezon City ang mas nagpapalala sa problemang ito. Gabi-gabi ay nagkalat ang mga sex workers sa mga lansangan. Sa Congressional Avenue ng Lungsod Quezon, dumarami ang mga bakla na nag-aabang sa kalsada para makakuha ng mga kostomer na tulad nila. Dapat ay maging aktibo ang local government para pigilan ang prostitustyon sa kanilang mga lugar.
Ayon naman sa Department of Health (DOH) ay malaking tulong ang paggamit ng condom para makaiwas sa pagkahawa ng HIV. Bukod sa pagkakaroon ng iisang sexual partner ay mas mapoproteksyonan ang isang tao sa HIV kung gagamit ito ng condom sa pakikipagtalik.
Ang problema lang sa paggamit ng condom ay ang patuloy na pagkondena sa paraang ito ng simbahan. Kung ang paggamit ng condom ay isang “lesser evil” ayon sa dating Papa ng Simbahang Katolika, marahil ito ay dahil sa dami ng buhay na naapektuhan ng sakit na HIV at AIDS.
Kasalanan mang ituring ang paggamit na condom, mas malaking kasalanan siguro ang hindi gumawa ng paraan para masalba ang buhay ng maraming tao!
KAYA HINDI rin masisi ng maraming tao ang pagtingin, paggalaw, at pananalita ni Mayor Duterte sa mga problema at isyu ng bansa. Maaaring “misquoted” o “taken in a wrong context” lamang ang mga lumalabas sa social network na sinabi umano ni Mayor Duterte. Malamang ay sinasamantala lamang ito ng mga katunggali niya sa pulitika dahil malakas ang laban niya ngayong nagdeklara na siya ng kandidatura para pagkapresidente ng bansa.
Noon ay wala namang lumalabas na ganitong isyu laban kay Mayor Duterte. Ang lumalabas noon sa balita at social network ay ang pagiging mahusay lamang niyang mayor at pagdadala sa Davao sa isang karangalan bilang nabibilang sa mga siyudad sa buong mundo na matahimik, malinis, maunlad, at halos walang kriminalidad. Kaya naman ang Davao ay itinuturing din na isa sa mga pinakaligtas na lugar sa buong mundo para manirahan. Ito ay dahil sa pamumuno ni Mayor Duterte.
Maaaring minsan ay pinili nila ang “lesser evil”, ngunit gaya ni Pope Benedict, hindi masamang tao si Duterte.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo