TAMA ANG bagong programa ng MMDA laban sa mga jaywalkers. Panahon na para magkaroon ng pangkalahatang disiplina sa ating mga lansangan na hindi lamang para sa mga motorista kundi maging sa mga taong pasaway sa kalsada.
Dapat pa ngang taasan ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang pagpataw ng multa sa mga jaywalkers mula P150 at gawin itong P426 – ang katumbas na halaga ng isang araw na minimum wage ng isang ordinaryong manggagawa.
Kapag walang pambayad para sa nasabing multa ang isang jaywalker, dapat buong araw o katumbas ng walong oras na magbigay siya ng community service tulad ng pagwawalis ng kalsada o paglilinis ng mga estero, atbp.
Ako mismo ay saksi sa ilang beses nang muntik-muntikang makasagasa ng aking driver ng ilang taong biglang tumawid patakbo sa EDSA. Ang hindi ko maintindihan ay bakit sa kabila ng may malaking karatulang nagsasabing “Bawal Tumawid, Nakamamatay” sa lugar na iyon at ilang metro lamang ang layo ng footbridge ay tumawid pa rin sila at hindi isinaalang-alang ang nakaabang na panganib. Hindi ba sila takot mamatay?
Ang masama pa nito kapag nasagasaan mo sila, kahit na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtawid sa lugar na iyon, ikaw pa ang makakasuhan ng reckless driving.
ANG DAPAT isunod na programa ng MMDA, sa pakikipag-ugnayan sa DSWD, ay ang pagsagip sa mga paslit na nag-lilimos, nagpupunas ng door window ng mga sasakyan at nagkakaroling sa gitna ng kalsada.
Bigla na lang sumusulpot ang mga paslit na ito sa mga stoplight kapag naka-red at bigla ring tatakbo patawid kapag nag-green. At dahil maliliit sila at natatakpan ng mga malalaking sasakyan, mahirap silang mapansin kapag biglang tumakbo patawid.
‘Pag nadala na sa DSWD ang mga paslit na ito, dapat ipatawag ang kanilang mga magulang at sila ang kailangang multahan dahil sa pagiging pabaya. Dapat kasi ang mga paslit na ito ay nasa eskuwelahan at hindi pagala-gala sa lansangan.
Isama na rin ng MMDA at DSWD ang pagsagip sa mga rugby boys.
ISA RIN sa mga dapat pagtuunan ng pansin ng MMDA ay ang paghuli sa mga sasakyan na gumagamit ng halogen headlights na sobrang nakakasilaw.
Ilang sumbong na ang aking natanggap mula sa mga driver ng sasakyan na nabangga dahil saglit na nabulag sila sa sobrang nakakasilaw na ilaw na nanggaling sa kasalubong nilang sasakyan.
Ang paghuli sa mga gumagamit ng sobrang nakakasilaw na halogen headlights ay mahirap gawin sapagkat sa gabi lamang ginagamit ito kung kailan halos kokonti na lamang ang mga MMDA traffic enforcers sa mga lansangan.
Kailangan makipag-ugnayan ang MMDA sa iba pang ahensiya ng ating pamahalaan para tukuyin ang mga tindahan na nagbebenta nito at kumpiskahin.
Dapat ding paghuhulihin ng mga MMDA traffic enforcers ang mga bus na may animo’y headlight sa bandang itaas ng kanang side mirror at nakatutok sa likod. Ang mga sasakyan lalo na ang mga kotse na nakabuntot dito ay masisilaw at madidistract, at posibleng maaksidente.
BAKLASIN DIN dapat ng MMDA ang mga billboards na gumagamit ng sobrang nakakasilaw na halogen bulbs sa kahabaan ng Edsa. Ito ay isa ring uri ng distraction sa kalye para sa mga motorista na maaaring makapagsanhi ng disgrasya.
Isa pang dapat baklasin ng MMDA ay ang mga billboard na malalaswa. Ito’y malaking distraction sa mga manyakis na driver na magiging dahilan ng kanilang pagkakadisgrasya.
Shooting Range
Raffy Tulfo