Hindi Tapat sa SAL

Dear Atty. Acosta,

ISA PO akong administrative officer ng isang ahensiya ng gobyerno. Nagkaroon po ako ng pagkakamali sa paglagay ng aking impormasyon sa aking Statement of Assets and Liabilities (SAL). Ang nailagay ko sa aking civil status ay “single” subalit ang totoo ay matagal na kaming kasal ng misis ko. Natatakot po ako dahil kinausap ako ng aking supervisor ukol dito. May kaparusahan po ba ito? Ako lang po ang inaasahan ng pamilya ko kaya hindi ako maaaring mawalan ng trabaho. Sana po ay mapaliwanagan ninyo ako.

Umaasa,

Hans

 

Dear Hans,

SA ALINMANG aspeto ng ating buhay ay kaila-ngan nating maging matapat sa ating sarili at sa ating kapwa. Maliban sa ito ay nagpapakita ng uri ng ating pagkatao, ang pagiging matapat at totoo ay obligasyon na nakasaad sa probisyon ng ating batas. Alinsunod sa Artikulo 171 at 172 ng Revised Penal Code, maaaring maparusahan ang isang kawani ng gobyerno, notaryo publiko, ecclesiastical minister, o isang pribadong indibidwal kung maglahad siya ng mga impormasyon o salaysay na walang katotohanan sa isang pampublikong dokumento gayong responsibilidad niyang ilahad ang katotohanan. Ang kaparusahan sa paglabag ng batas na ito ay ang pagkakakulong at pagbabayad ng angkop na fine. Ang basehan ng pagbibigay ng parusa sa paglabag sa nabanggit na mga artikulo ay ang pagtalikod sa tiwalang ibinibigay sa kanila at ang pagtatago ng katotohanan na kailangang nakasaad sa pampublikong dokumento.

Sa iyong sitwasyon, isinulat mo sa iyong Statement of Assets and Liabilities na ang iyong civil status ay “single” gayong alam mo na ikaw ay mayroon nang asawa. Maaari mong ipalagay na isang detalye lamang ito na hindi makakaapekto sa iyong tungkulin bilang administrative officer. Subalit ang bawat detalye sa Statement of Assets and Liabilities ay mahalaga. Kung kaya’t mahalaga rin na tama at totoo ang iyong ilalahad dito. Bagama’t hindi mo nasabi sa iyong sulat kung bakit mo ito ginawa, sa a-

ming palagay ay hindi na ito mahalaga sapagkat, base sa iyong salaysay, ay nagkulang ka at tinalikuran mo ang iyong obligasyon bilang kawani ng gobyerno na magsabi ng katotohanan sa nabanggit na dokumento.

Makabubuti na magsumite ka ng Amended Statement of Assets and Liabilities. Kalakip nito ang iyong liham na nagsasabing kaya mo ito dapat gawin ay dahil sa may di-sadyang pagkakamali sa iyong naunang isinumiteng SAL at ito ay itinatama mo upang maging angkop sa probisyon ng R.A. No. 6713. Ito ang magpapahiwatig na ikaw ay may good faith. Marahil ay mayroon ka pang pagkakataon na ituwid ang iyong pagkakamali lalo at wala ka namang nabanggit kung mayroon na bang nakasampang reklamo laban sa iyo. Mahalaga rin na maging tapat ka sa pagsasaad ng mga impormasyon ukol sa iyo o sa iyong pamilya sa mga susunod na pampublikong dokumentong iyong isusumite.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleKC Concepcion, inilihim kay Gabby Concepcion ang sexy calendar
Next articleBabala sa mga “Gimikerong” Kalalakihan

No posts to display