Dear Atty. Acosta,
AKO PO AY may problema sa aking mister. Isa siyang seaman at may tatlong (3) buwan na siyang nasa ibang bansa, ngunit ngayon lamang siya nagpadala ng pera para sa amin ng mga bata. Kasal kami ngunit nang kami ay maghiwalay ay hindi na naging maayos ang pagbibigay niya ng sustento sa amin. Tuwing umuuwi rito sa bansa ang aking mister ay nagtatago siya sa amin at hindi nagbibigay ng sustento. Sinasarili niya lang ang kanyang pera habang kami ng mga bata ay nagugutom. Ano po ang dapat kong gawin?- Maria Mercedes
Dear Maria Mercedes,
ANG MAG-ASAWA AY may obligasyon na magsama habang buhay, sa hirap at sa ginhawa. Nakakalungkot isipin na may mga mag-asawa na naghihiwalay at mga pamilya na nagkakawatak-watak. Magkagayon pa man, ang obligasyon na magbigay ng suporta sa pamilya ay hindi nahihinto sa paghihiwalay ng mga magulang.
Ang maybahay at ang mga anak ay mayroong karapatang humingi ng suportang pinansiyal sa ama ng tahanan. Ayon sa Article 195 ng Family Code of the Philippines, nakasaad na “Subject to the provisions of the succeeding articles, the following are obliged to support each other to the whole extent set forth in the preceding article: (1) The spouse; x x x (3) Parents and their legitimate children x x x (4) Parents and their illegitimate children x x x”
Samakatuwid, ang iyong mister ay may obligasyon pa rin na ibigay sa inyong mag-anak ang pinansiyal na suporta upang ma-tustusan ang gastusin sa bahay at sa pag-aaral ng inyong mga anak.
Sa iyong parte, mahalaga na ipagbigay-alam mo sa iyong asawa kung ano ang mga pinagkakagastusan ninyo ng inyong mga anak. Kahit pa may obligasyon ang iyong mister na suportahan kayo, responsibilidad mo na hingin sa kanya ito. Ayon sa Article 203 ng Family Code “The obligation to give support shall be demandable from the time the person who has the right to receive the same needs it for maintenance, but it shall not be paid except from the date of judicial or extrajudicial demand.” Kaya nararapat lamang na kausapin mo muna ang iyong asawa at ipaliwanag mo sa kanya ang inyong mga pangangailangan. At kung hindi siya magbigay ng suportang pinansiyal matapos mo itong hingin sa kanya, maaari mong idulog sa korte ang iyong hiling sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong sibil na Action for Support laban sa iyong mister.
Magkagayon pa man, dapat ding tandaan na mayroong limitasyon ang suporta na maaaring hingin o ibigay. Ito ay depende sa kakayahan ng taong magbibigay, gayon na rin sa pangangailangan ng humihiling. (Article 201, Family Code).
Atorni First
By Atorni Acosta