NANINIWALA BA kayo sa hipnotismo? Isa ako sa mga hindi naniniwala na ang pag-iisip at kilos ng isang tao ay kayang manipulahin ng kanyang kapwa – at maging sunud-sunuran na lamang, sa pamamagitan ng hipnotismo.
Hindi ko na mabilang ang mga taong dumulog sa programa kong Wanted Sa Radyo na naging biktima ng iba’t ibang modus operandi ng mga grupo ng kawatan – tulad ng Budul-budol Gang, Salisi Gang, Dugu-dugo Gang, atbp.
SA MANIWALA kayo’t sa hindi, ilan sa mga biktimang ito na lumapit sa akin ay hindi mga pangkaraniwang tao at mataas ang kanilang mga pinag-aralan tulad ng doktor, arkitekto at maging abogado.
Matapos nilang maibigay ang kanilang mga salaysay at bago pa man ako makapagbato ng katanungan, agad nilang sinasambit ang salitang hipnotismo. Sila raw kasi ay na-hypnotized. Para ‘di sila mainsulto, tumatango na lang ako.
Pero sa aking sarili, iniisip ko na iyon ay palusot lamang nila para maikubli ang kanilang kahinaan.
Bukod pa riyan, nakahihiya nga naman na sila ay mapahilera sa mga probinsyano’t kasambahay na kulang sa pinag-aralan at paboritong biktimahin ng mga nasabing gang.
Ngunit ang sumbong na natanggap ko noong Miyerkules ay bukod-tangi sa lahat ng sumbong na aking napakinggan mula sa mga naging biktima na nagsabing sila ay na-hypnotized ng mga kawatan.
SI GEMMA Montives ay isang OFW na dumating ng NAIA Terminal 2 noong August 20 mula Japan. Nang makuha niya ang kanyang bagahe, naghanap siya ng money changer. Nakakita siya nito paglabas ng terminal.
Pero napansin niya ang isang lalaki na palaging sumusunud-sunod sa kanya. Habang nagpapapalit siya ng kanyang Yen, ang lalaking kanina pa nakabuntot sa kanya ay tinapik daw siya at nakipagkuwentuhan.
Sinabi ng lalaki na magkasakay raw sila sa eroplano. May dala rin itong bagahe. Tinanong si Gemma ng lalaki kung taga saang probinsya siya. Nang sabihin ni Gemma na siya ay taga-Bacolod, sinabi ng lalaki na magkababayan pala sila.
Simula noon ay naging kampante na si Gemma sa lalaki bagama’t hindi man lang niya natanong o napag-alaman ang pangalan nito.
TINANONG NI Gemma sa lalaki kung alam nito ang pinakamalapit na public phone para matawagan niya ang kanyang hinihintay na sundo – ang kanyang boyfriend/live-in partner na si Bernard. Nagboluntaryo ang lalaki na siya na lang ang tatawag kay Bernard gamit ang kanyang cellphone.
Natawagan ng lalaki si Bernard at napag-alaman niyang nasa kalapit na Jollibee lamang ito at hinihintay si Gemma. Pinuntahan ng lalaki at ni Gemma si Bernard sa nasabing Jollibee.
Nang magkita-kita na ang tatlo, hindi na nakuhang ipakilala ni Gemma kay Bernard ang kasa-kasama niyang lalaki. Hindi na rin nakuhang magtanong ni Bernard kung sino ang lalaking nakabuntot sa kanyang live-in partner.
Sa halip na magtanong sa kanyang live-in partner kung saan sila kakain dahil siya ay nagugutom na, tinanong ni Gemma ang lalaki kung saan nito gustong kumain. Sinabi ng lalaki na gusto niyang kumain sa restaurant sa Mall Of Asia (MOA).
Pumara ng taxi si lalaki. Nang huminto ang taxi, pumasok at umupo sa likuran si Gemma at tumabi sa kanya ang lalaki habang si Bernard naman, matapos mailagay ang bagahe sa compartment, nagpaubaya na lamang ito at umupo na lang sa front seat.
HABANG BUMIBIYAHE patungong MOA, sinabi ng lalaki kay Gemma na mag-ingat dahil maraming mga snatcher sa kanilang pupuntahan kaya dapat paghuhubarin niya ang lahat ng kanyang suot na alahas at isilid ito sa kanyang bag. Agad namang ginawa ito ni Gemma.
Pagdating ng MOA, dumiretso sila sa KFC. Nakahanap sila ng mesa sa labas nito. Inutusan ng lalaki si Bernard na pumuwesto na roon. Inutusan din niya si Gemma na iwan ang kanyang bag kay Bernard. Pagkatapos noon, hinikayat ng lalaki si Gemma na pumasok silang dalawa sa loob para umorder ng pagkain. Sinabi ng lalaki na siya ang manlilibre.
Sa loob, bago dumating ng counter, inutusan ng lalaki si Gemma na umupo sa isang mesa roon habang siya naman ay gagamit daw ng banyo. Nang halos mamuti na ang mata ni Gemma sa kahihintay sa paglabas ng lalaki sa banyo, nainip na ito at pinuntahan niya si Bernard.
TINANONG NI Gemma kay Bernard kung nakita niya bang lumabas ng banyo ang lalaki at nasaan na ito. Sinabi ni Bernard na pinuntahan siya ng lalaki para kunin ang bag ni Gemma. Ibinigay naman ni Bernard ang bag dahil inakala niyang pinakukuha ni Gemma ito sapagkat kailangan niya ng pera pambayad sa mga inorder.
Nang marinig iyon ni Gemma, halos himatayin siya. Doon pa lamang niya napag-alamang nadenggoy na siya ng mahigit P400,000.00 na halaga ng Yen, pati na ang mga suot niyang alahas na naisilid niya sa kanyang bag.
Tulad sa iba pang mga biktima na nakapagsumbong na sa akin, sinabi ni Gemma na siya ay naniniwalang biktima silang dalawa ni Bernard ng hipnotismo ng lalaking tumangay ng kanyang bag.
Kaya muli ko kayong tatanungin, naniniwala ba kayo sa hipnotismo?
KUNG ANUMAN ang inyong paniniwala hinggil dito, isa lang ang masasabi ko para hindi mabiktima ng anumang klaseng modus operandi ng pandarambong ng mga kawatan lalo na pagdating sa labas ng inyong tahanan. At ito ay ang sundin ang palaging tagubilin ng ating mga magulang noong tayo ay mga paslit pa lamang na “do not talk to strangers”.
Dahil kung hindi sana pinansin at kinausap ni Gemma ang lalaking lumapit sa kanya sa NAIA, hindi siya naging biktima.
Ganito rin ang nangyari sa ilang mga biktima na aking nakausap na nilapitan sa labas ng bangko, grocery store, atbp. ng mga tao na kunwari ay nagtatanong o dili kaya ay humihingi ng tulong hanggang sa sila ay makipag-usap sa mga ito at mahulog ang kanilang kalooban.
SA GANANG akin, tanggapin man natin o hindi, bagama’t halos lahat ng mga kawatang ito ay hindi man lang nakatuntong ng high school, mas matalas ang utak kaysa sa mga taong nakapagtapos ng kolehiyo pagdating sa pagiging tuso. Ang tawag sa kanila ay street smart.
Huwag nating sabihin na na-hypnotized ni Janet Lim-Napoles ang ating buong gobyerno kaya nadugasan niya ito ng bilyun-bilyong piso! Si Napoles ay hindi nakapagtapos ng high school.
Ang Wanted Sa Radyo ay mapakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo