INIIWASAN NI Lorna Tolentino na pag-usapan pa kung ano ang tulong na binibigay nito sa pinsan niyang si Zsa Zsa Padilla na nagdadalamhati ngayon sa pagkawala ni Mang Dolphy.
Sabi nga ni Zsa Zsa, ngayon pa lang nagsisimula ang battle niya kung paano malagpasan ito. Mabuti at nandiyan ang pamilya at ang mga malalapit na kaibigan na umaalalay sa kanya.
Sabi naman ni Lorna, hindi na raw kailangang ipakita pa o pag-usapan ang pakikiramay mo sa isang tao.
Lalo na kay Zsa Zsa na pinsan naman niya ito, nagkakaintindihan na raw silang dalawa.
Tuwing dumadalaw nga si Lorna kay Rudy sa Heritage Memorial Park, nagti-text ito kay Zsa Zsa na sinasabi niyang dumaan siya sa puntod ni Mang Dolphy. Tinanong nito kung pupunta ba siya para samahan niya ito.
Araw-araw yatang dumadalaw si Zsa Zsa sa Heritage kaya medyo may kahigpitan doon sa mga media na gusto pa ring kunan ang pagpunta ng buong pamilya.
Pa-siyam na nga nu’ng kamakalawa lang at nagkaroon daw ng misa na ginanap du’n sa Heritage.
Kasama ni Zsa Zsa ang dalawa niyang anak na sina Nicole at Zia, pati ang ibang anak ni Mang Dolphy at mga malalapit na kamag-anak at kaibigan.
Umiiwas na muna si Zsa Zsa na magpa-interview dahil lalo lang siyang nasasaktan na parang tinu-torture mo na lang ang sarili mo.
Kaya mabuti nga sigurong respetuhin na lang ang kanyang pagdadalamhati.
MABUTI NA lang hindi na ako nakapunta sa press conference ng TV5 nu’ng nakaraang Martes, at baka matalbugan ko pa ang ibang artista du’n na kasali sa presscon.
Nandu’n nga si Lorna na kasali sa Third Eye, at judge ito sa Artista Academy. Pero tungkol pa rin sa pagpapa-stem cell nito ang pinag-usapan.
Parang kami na nga ang nag-i-endorse nito dahil sa kadadaldal namin, ang dami na tuloy ang naengganyong pumunta ng Germany para magpaturok na rin ng stem cell.
Balak nga ni Lorna na bumalik doon para masundan pa siya ng stem cell. Pero hindi naman agad-agad, dahil maghihintay pa ito ng ilang buwan bago lumabas ang resulta ng stem cell.
May narararamdaman naman daw siya ngayon na mga pagbabago pero mga 3 to 4 months pa talaga bago maglabasan ito lahat.
Pero si Lorna ay talagang mag-iipon pa raw nang bonggang-bongga para may panggastos siya sa susunod na treatment ng stem cell.
Kaya siguro dapat ilbre na kami ni Lorna ng Villa Medica na siyang nagsasagawa nito sa Germany, dahil sobrang promote na promote namin, ha?
Anyway, abangan n’yo na lang pala sa July 30 dahil doon na magsisimula ang mga bagong programa ng TV5 sa bago nilang timeslot. Alam ko, mauuna munang iere ang Enchanted Garden, kaya maganda nang timeslot nito dahil malakas ‘yan ng ganu’ng oras.
Si Lorna naman ay kabisang-kabisado na ang mga medical terms at pinag-aralan nito nang husto itong stem cell na ‘to
Ang nakakaaliw pa pala, magka-cell mates daw kami nina Lorna at Wilma Galvante pati ang ilan pa naming kasama. Kasi iisang black mountain sheep lang ang pinanggalingan ng stem cell na itinurok sa amin.
Hay, naku! Lalong pag-uusapan ‘yang stem cell na ‘yan lalo na ‘pag sina Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez ang magpapaturok.
Alam ko, sa September na sila naka-schedule. Sana nga matuloy na sila at baka mabawasan na ang mga kaaway ni Bisaya at matuturukan na siya ng stem
cell ng isang maamong tupa!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis