Hirap Para Sa Maka-Erap

MAHIGIT 40 anyos na simula nang iluklok sa puwesto ng mga taga-San Juan ang magaling umarte na si Joseph Ejercito “Erap” Estrada.

Umpisa nilang sinuportahan si Estrada bilang alkalde dahil sila’y napapaniwala nito sa kanyang “punchline” na “Erap para sa mahirap.”

Ngunit natapos na lang ang kanyang napakatagal na termino bilang mayor ay sandamakmak pa rin ang mahihirap sa San Juan.

Katunayan, natapos na rin ang tig-tatlong termino ng kanyang mga anak na sina Jinggoy Estrada at JV Ejercito ay talamak pa rin ang kahirapan sa San Juan!

Op kors, parekoy, naglipana pa rin ang kahirapan sa nasabing lungsod hanggang ngayon na ang “waswit” naman ni Erap na si Guia Gomez ang nakaupong alkalde.

Nagkanda-tigbak na lang ang matatanda na unang umasam sa ipinangakong “paraiso” noon ni Erap…

Awa ng Diyos… hanggang sa kanilang mga apo ngayon, itong “Erap para sa mahirap” ay patuloy na namamayagpag!

Patuloy na nagpapaasa… at patuloy na nambobola! P’we!!!

Kung sana ay may hiya man lang o kunsensiya, alam ni Erap na wala na siyang maikakatuwiran sa ating mahihirap na dati ay napapaniwala sa kanyang mga nilubid na kasinungalingan o pangako!

Bakit? Aba eh, naging senador, bise president at naging pangulo na’t lahat ay heto pa rin tayong mga bumoto sa kanya… hanggang ngayon ay lublob sa kahirapan!

Hindi kaya nagkamali lang tayo ng pandinig, parekoy?

Baka naman ang ibig niyang sabihin ay… “Hirap para sa maka-Erap”!!!

Tahasan kong sasabihin, parekoy, na kung makikita lang sana sa “x-ray” ang nilalaman ng puso ni Erap… tiyak ayaw na ayaw niya na mawala ang kahirapan sa ating bansa!!!

Dahil habang may mahihirap ay mayroon siyang mabobola!

Habang may mahihirap ay mayroon siyang mapapaasa!

Habang may mahihirap ay may karapatan siyang maghangad ng anumang posisyon…

Dahil nga d’yan sa lintek na “punchline” na ‘yan… “Erap para sa mahirap”!

Samantalang ang tunay na kaganapan ay… “Hirap para sa maka-Erap”!!!

Hanggang kailan kaya tayo magigising sa matinding bangungot na ‘yan?

Sandali, parekoy, nagising na pala ang mga taga-San Juan.

Dahil noong 2010 national elections ay hindi na siya tinangkilik ng kanyang mga kababayan!

Alam ba ninyo na sa mismong San Juan pala ay tinalo ni P-Noy itong si Erap sa pagka-Pangulo?

Ibig sabihin, bistado na at nagsawa na rin sa wakas ang mga taga-San Juan dito sa “punchline” ni Erap…

Hmm… kaya naman pala sa Maynila naman niya gustong ikalat ang lagim nitong lintek na punchline na “Hirap para sa maka-Erap”!!!

‘Yun nga lang, parekoy, mas matalino pa kaysa matsing ang mga taga-Maynila…

Sabi nga ng isang taga-Tondo na nakausap natin… kung may ibibigay siya, tatanggapin namin, pero huwag siyang umasa na iboboto namin… neknek n’ya!

Hak, hak, hak! Bhe, buti nga!!!

Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.  

 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleRufa Mae Quinto, binarat sa show ni Willie Revillame?!
Next articleZanjoe Marudo, nagagawaan ng paraan na mapanatiling matibay ang relasyon nila ni Bea Alonzo

No posts to display