NO COMMENT na lang daw ang Tween star na si Hiro Magalona sa isyung kinasasangkutan ng kapwa nito Kapuso Teen star na si Bea Binene na kasama niya sa up-coming daytime soap ng GMA 7 na Del Cielo Angelina na mapapanood na sa Oct. 22.
Wala naman daw kasi siyang alam sa nasabing issue kaya naman wala siyang masasabi dito. Mas gusto na lang daw nitong pag-usapan ang soap na pagbibidahan nila nina Jake Vargas at Bea Binene.
Tsika ni Hiro na siya raw ang magiging ka-love triangle ng Jabea loveteam, kung saan ginagampanan daw nito ang role ng isang mayaman na teenager na malilink kay Angelina na ginagampanan naman ni Bea.
Pauna lang ni Hiro sa Jabea fans na trabaho lang daw ang kanilang gagawin at walang personalan. Kaya naman daw ‘wag magalit sa kanya ang mga solid Jabea. Baka kasi raw magalit at awayin siya ng mga ito sa pagpasok niya sa loveteam ng dalawa.
PANG-INTERNATIONAL ANG arrive ng Tiktik: The Aswang Chronicles na marami ang napabilib nito at namangha nang mapanood ang trailer nito. Ang pelikulang ito nga raw ni Direk Erik Matti ang hindi nakakahiyang ipantapat sa mga naglalakihang pelikula na gawa sa Hollywood, dahil na rin sa ganda ng pagkakagawa nito.
Malaking halaga ang ginastos para rito na ang pagkakaalam namin ay umabot na sa P80 million. Kaya naman sa laki ng gastos nito, ito na ang maituturing na pinakamagastos na pelikula sa Pilipinas na mapapanood na simula sa Oct. 17.
Pero ayon na rin sa mga producer ng nasabing pelikula, masaya naman daw sila sa naging resulta ng pagkakagawa ng Tiktik: The Aswang Chronicles, dahil napakaganda ng pagkagawa nito at puro papuri ang kanilang natatanggap sa mga taong nakapanood ng trailer nito.
Kahit nga ang mga artistang kasama rito na sina Dingdong Dantes, Lovi Poe, LJ Reyes, Joey Marquez, Janice De Belen atbp. ay namangha sa ganda ng kanilang pelikula. Marami nga ang umaasang mapapansin ito ng buong mundo nang sa ganu’n ay ito ang magbukas ng pinto mga pelikulang Pinoy na magkaroon ng regular showing sa iba’t ibang sinehan sa iba’t ibang bansa katulad ng Hollywood movies.
NGAYONG OKTUBRE, magsisimula na ang bagong season ng premyadong talent search sa bansa — ang Talentadong Pinoy. Ang hinirang na Best Entertainment Program sa 34th Catholic Mass Media Awards (CMMA) ay babalik na mas malaki, mas bongga at mas masaya dahil dalawang Talentadong Pinoy ang mapapanood sa TV5 — ang Talentadong Pinoy Worldwide at Talentadong Pinoy Junior.
World-class Pinoy talents ang matutunghayan tuwing Sabado sa Talentadong Pinoy Worldwide. Maging ang mga Kapatid sa ibang bansa ay magkakaroon ng pagkakataon na ipamalas ang kanilang angking galing sa programa. Ang tatanghaling Ultimate Talentado ang tatayong representative ng bansa sa prestihiyosong World Championships of Performing Arts (WCOPA) na ginaganap bawat taon. Ang mananalo ay mag-uuwi rin ng mas pinalaking premyo na aabot sa P8 milyon.
Tuwing Linggo naman mapapanood ang Talentadong Pinoy Junior. Ang show na ito ay para sa mga cute at bibong mga chikiting na may edad 12-taong gulang pababa. Katatapos pa lamang ng Talentadong Pinoy Kids ngunit ngayon pa lang ay marami na ang umaasang babalik agad ang mga talentado kids.
Muling magbabalik bilang celebrity Talent Scouts ang mga hinahangaang beterano sa industriya tulad nina Audie Gemora, Joey Reyes, Tuesday Vargas, John Lapus, Arnell Ignacio, Ruby Rodriguez at Lucy Torres Gomez.
Punung-puno ng talento at saya ang hatid ng TV5 ngayong Oktubre. Samahan ang talentadong host na si Ryan Agoncillo sa unang pasabog ng Talentadong Pinoy Worldwide Tuwing Sabado, 7:30pm at Talentadong Pinoy Junior tuwing Linggo, 7:30pm sa TV5.
John’s Point
by John Fontanilla