ANG PAYO raw ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang sinusunod ng Anna Karenina leadingman na si Hiro Magalona na kailangang magsikap at magtrabaho nang maganda para umangat ang career.
“Hindi naman po, mas maganda ‘yung slowly but surely. Maganda ‘yung pinaghihirapan mo ‘yung career mo, hanggang sa makuha mo ‘yung gusto mong abutin. Aaminin ko po na gusto ko rin pong sumikat katulad ng ibang artista, pero hindi naman sa isang iglap sikat na sikat ka na.
“Sabi nga ni Ate Guy (Nora Aunor) nu’ng nakakuwentuhan namin sa dressing room dati sa taping ng Walang Tulugan With The Master Showman na kailangang maging matiyaga at pagbutihin ang trabaho para sumikat.
“At kailangan daw, may respeto sa kapwa artista at sa lahat ng taong makakatrabaho mo mula sa mataas ang posisyon hanggang sa pinakamababang posisyon sa industriya. Mas maganda raw kasi na mahal at gusto ka ng mga tao kaysa sa kinaiinisan ka.
“Kaya nga naging inspirasyon sa akin ‘yung sinabi ni Ate Guy para pagbutihin ang trabaho ko, makisama nang maayos sa lahat at maging professional sa lahat ng bagay.
“Kasi kung sisikat ka, sisikat ka. Kung hindi, magpasalamat ka na lang kasi nakapasok ka sa showbiz at nabigyan ng chance.”
John’s Point
by John Fontanilla