HINDI NAIWASANG maiyak ng Tweenstar na si Hiro Magalona sa isang segment ng Hot TV, kung saan ikinuwento nito ang ginawang pagpaparamdam sa kanya ng nakakatandang kapatid na ilang taon na ring namayapa.
Masyadong close kasi si Hiro sa kanyang Kuya Benjie na mas naunang pumasok sa kanya sa showbiz at nagkaroon ng mangilan-ngilang proyekto, pero ‘di pinalad na maka-penetrate sa showbiz, ‘di tulad ng nangyari kay Hiro.
Maraming pagkakataon daw na nagpapakita kay Hiro ang kanyang Kuya Benjie sa panaginip, at kung minsan kahit gising siya ay may mga sandaling namamalik-mata siya at nakikita niya ito at nakangiti sa kanya. Kung minsan naman, may mga panaginip siya na nag-uusap silang magkapatid. Nakikita niya raw na nakangiti ang kanyang kuya, alam daw ni Hiro na masaya ito sa magandang nangyayari sa kanyang career.
Dagdag pa ni Hiro na itinutuloy niya lamang ang naumpisahan ng kanyang kuya na pag-aartista, damang-dama raw ni Hiro na lagi niyang kasama at igina-guide siya ng kanyang kapatid sa kanyang pag-aartista.
Katulad nga ng sinabi nito sa kanyang interview na hanggang ngayon ay walang closure sa nangyaring pagkamatay ng kanyang kuya, at naniniwala itong darating din ang time na malalaman niya ang ugat at tunay na dahilan ng maagang pagkamatay ng kanyang pinakamamahal na kapatid.
MAGIGING MANINGNING ang nalalapit na 4th Star Awards for Music ng Philippine Movie Press Club, Inc. na gaganapin sa Meralco Theater, Ortigas Ave., Pasig City sa Sept. 9, 6 p.m. sa pamumuno ng ama ng Star Awards for Music at pangulo ngayon ng PMPC na si Roldan Castro.
Dahil ngayon pa lang, pinaghahandaan na ng buong club ang pagtatanghal nang sa ganu’n ay lalong maengganyo ang mga nasa larangan ng musika sa paggawa ng mga OPM (Original Pilipino Music) na kanilang ilalahok sa music awards sa mga susunod na taon.
Para sa kaalaman ng buong music industry, lalong pinalaki ang Star Awards for Music dahil nagdagdag ng kategorya ang PMPC para sa Male and Female Concert Performer of the Year, Duo/Group Concert Performer of the Year.
Ang mga host ng music awards ay sina Richard Gomez, Pops Fernandez, Xian Lim at Maja Salvador. Sa opening number pa lang ay tiyak nang titilian ang mga mahuhusay na singer na sina Jed Madela, Christian Bautista, Yael ng Spongecola, Sam Milby, Juris, Erik Santos, Ryan Cayabyab Singers at Bamboo (pawang mga Song of the Year nominees) ang mapapanood, kung saan bukod sa nominadong kanta nila ay kakantahin din nila ang themesong ng Star Awards for Music na composed ni Boy Christopher.
Ang pinasikat na kanta nina Vehnee Saturno, Lito Camo at Boy Christopher ay kakantahin nina Marcelito Pomoy, Jovit Baldovino at Mocha Girls, kung saan ay gagawaran sila bilang natatanging alagad ng musika. May special number din sina Jose Manalo at Wally Bayola. May 12 Natatanging Alagad ng Musika na pararangalan ang PMPC bukod sa tatlong nabanggit na composers. Ito ay sina Gary Valenciano, Kuh Ledesma, Lea Salonga, Martin Nievera, Ogie Alcasid, Pops Fernandez, Regine Velasquez, Sharon Cuneta, at Zsa Zsa Padilla. Mga anak ng Icon singers na sina Robin Nievera, Paolo Valenciano, Isabella at Karylle ang haharana para sa mga Alagad ng Musika.
Aawitan naman nina Zia Quizon, Yeng Constantino, Angeline Quinto at Christian Bautista ang Lifetime Achievement Awardee na si Jose Mari Chan.
Mapapanood ang 4th Star Awards for Music sa Sept. 16 sa Sunday’s Best ng ABS-CBN under Airtime Marketing ni Ms. Tess Celestino-Howard. Ito’y sa direksyon ni Al Quinn.
John’s Point
by John Fontanilla