PATOK NA patok ang electronic commerce o social commerce sa mga bagets ngayon. Ito ay isang uri ng komersyo na pinatatakbo ng electronic media, sa madaling salita, pamimili online. Kung dati, akin na ring naisulat ang tungkol sa online shops, may kaibahan ito sa paksa ko ngayon dahil ako ay magbibigay-diin sa mga group buying sites tulad ng Lazada, Ensogo, Cash Cash Pinoy, Metro Deal, Deal Grocer at Groupon.
Tulad ng online shops na nasa Facebook at Instagram, hindi rin nakapapagod ang mamili rito dahil hindi mo na kinakailangan libutin ang malls para lang mabili ang mga gusto mo, dahil puwedeng-puwede ka na lang mag-Internet. Ang kinaibahan nga lang, sa online shops, gamit mo ang iyong personal na account sa Facebook at Instagram, kahit hindi mo friend o ni-like ang page ng isang shop, maaari ka pa ring makabili sa kanila. Sa group buying sites naman kasi, kinakailangan mong mag-sign up at gumawa ng sarili mong account sa kanilang website mismo. At kapag ikaw ay may account na, iyon pa lang ang pagkakataon na makabili ka mula sa kanila dahil ikaw ay certified member na!
Kahit ako mismo ay miyembro ng mga group buying sites na ito dahil ako ay naaliw sa uri ng e-commerce na ito. Hindi pa ako mahuhuli sa mga bagong baon ng bawat group buying site dahil hindi nila ako nakakalimutan i-update sa pamamagitan ng pag-send nila ng mga e-mail sa akin. Mas level up din ito kaysa sa mga online shops sa Facebook at Instagram dahil pati bakasyon grande package mayroon sila! Discounted pa ito mapa-local man o international mayroon sila.
Hindi ka pa mahihirapan mamili sa websites nila dahil ito ay nakaayos ayon sa pagkakapareha nila. Gawin nating halimbawa ang Metro Deal. Kung ang hanap mo ay papogi at paganda package, i-click mo lang ang tab ng “Spa, Beauty and Wellness”. Kung mga kainan naman, “Restaurants” ang i-click. Kung bakasyon grande package tulad ng aking nabanggit kanina, “Travel and Getaways” naman. Kung mga kagamitan at produkto tulad ng relo, sapatos, damit, at kung ano ano pa, “Shopping and Products” ang pipindutin. Kung mga kakaibang karanasan ang hanap mo, mayroon din sila para riyan basta’t “Exciting Activities” ang iyong i-click. Mayroon din silang “Learning and Services” tab para naman sa mga learning sessions tulad ng photography class, hair and make-up class, singing class at marami pang iba. At kung ang trip mo lang naman ay mag-window shopping, “All Deals” ang iyong i-click para makita mo lahat ang ibinibida nilang deals para sa iyo. Tingnan ko na lang kung hindi pa mabusog ang iyong mga mata.
Lahat ng group buying sites ay bibigyan ka ng mga ilang araw para maproseso ang iyong pagbili. Kung hindi ka nakapagbayad sa deadline na kanilang binigay, walang problema ‘yun dahil hindi ka naman nila aakusahan na bogus buyer tulad ng nagaganap sa mga online shops sa social media. Dahil sa group buying sites, kung hindi ka nakapagbayad, eh, ‘di hindi ka makakakuha ng iyong in-order. Ganoon lang kasimple. No hassle na, no strings attached pa.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo