SHOPPING DAW ang isa sa mga paboritong libangan ng mga Pinoy dito sa UK. Damit ang number 1 sa kanilang shopping list! At ang kanilang madalas na shopping destination? Saan pa kung hindi sa Hennes and Mauritz o mas sikat sa tawag na H&M! Kaya hindi nakakapagtaka na sumikat rin ang H&M sa Pinas. Nito nga lang Oktubre, nagbukas ang pinakaabangang Swedish shop sa SM Megamall.
Bongga ang opening ng H&M Manila. Nagkaroon pa ng VIP night bago ang mismong araw ng pagbubukas. Dinaluhan ito ng mga celebrities, socialites, models at journalists kung saan binigyan sila ng exclusive shopping party. Bukod sa 20% discount ay entitled pa sila sa unlimited food and drinks. Sinorpresa pa sila ni Rachelle Ann Go na panandaliang nagbreak sa kanyang role bilang Gigi sa musical na Miss Saigon sa London para lang dumalo sa VIP night.
May mga nagcamped out pa sa labas ng Megamall ng 24 hours para lamang makasigurado na sila ang mauuna kapag nagbukas ang H&M sa publiko dahil tatanggap ng P6,000 worth of H&M gift vouchers ang pinakauna sa pila. Samantalang mabibigyan naman ng mula P200-P5,000 ang sumunod na 200 shoppers at kung di ka umabot sa first 200 ay mayroon ka namang maiuuwing limited edition ng H&M tote bags. Ang cool ng tote bag, magandang pamorma at pwedeng-pwedeng pangregalo! May malaking countdown screen sa harap, at hindi ka naman maiinip sa pila dahil may upbeat sound na tumutugtog sa labas. Malilibang ka rin sa panonood ng iba’t-ibang klase ng shoppers na sumugod sa grand opening na ito; mga Fashionista, mga sosyal na Inglesera, mayroon ring mga balikbayan na dinig na dinig mo ang pinag-uusapan—kung gaano kamura ang H&M sa UK at kaya lang pumunta doon ay para mausisa kung ano ang meron sa H&M Manila, Meron rin namang nagmemeron lang at nagbabakasakaling makakuha pa ng vouchers! Aba marami-rami narin naman ang mabibili sa 6k kung sakaling mabigyan ka ng GC lalo na’t halos half-price ang mga paninda.
Impunto alas-nueve ay nagpapasok na ng mga nakapila. Maayos ang sistema ng pagpapapila, may sapat rin na mga gwardiya para masigurado rin ang safety ng mga shoppers. Tatlong palapag ang H&M Manila pero sa sobrang dami ng tao, per batch ang pagpapasok sa loob. Talagang masasabik ka dahil sa pag-aantay habang pinapanood mo ang mga taong nauna na.
Kanya-kanyang dampot ng mga basket at hindi magkamayaw ang mga shoppers, hindi alam kung anong section ng shop ang uunahin. Pambabae, sapatos at accessories ang first floor hanggang second floor. Ang isang bahagi ng 2nd floor ay para sa sports wear at under wear. Sa 3rd floor naman matatagpuan ang panlalake at pambata. Hindi shempre mawawala ang mga panlamig na mas mahal shempre. Kagaya ng sa UK, may mga shopping baskets rin, kaya naman talagang gaganahan kang mamili. Nakakahiya naman kase kung iisang piraso lang ang bibilhin mo. In fairness, madami-dami naman ang 50 percent off. May mga limited offer pa nga na nagkakahalaga lang 300 pesos! Pinagkaguluhan ang mga pantalon na wala pang 500 pesos! May mga mabibili kang mga bestidang pambata na 300 pesos lang, dinaig pa ang Divisoria tapos H&M pa!
Nakakagulat talaga ang pagkasikat ng H&M sa Pinas! Paano masasabi na naghihirap ang mga Pilipino samantalang lumalabas ang pera tuwing may sale at may nagbubukas na International brand. Tiyak ngayong darating na Pasko, mas madaming mamimili sa H&M dahil ang mga Pinoy, hindi papahuli sa uso!