SA PANAHON ngayon, parami na nang parami ang mga bagets na fashionista. Kahit saan ka lumingon, kahit bumili ka lang ng softdrinks sa kanto, may makikita at makikita kang in-effort-an ang pananamit. Ang pagkakaroon ng fashion sense ay puwedeng mangahulugan ng tatlong bagay.
Una, isa itong pamamaraan para maipakita sa lahat kung sino ka talaga o ating tinatawag na self-expression. Ikalawa, isa ka talagang self-declared fashionista o ‘yung para bang may pagsambang nagaganap sa bagong trends sa fashion. Ikatlo, ang pagiging fashionista ay isang art. Kaya nga naman nang umusbong ang balita na dadalhin dito sa ating bansa ang pinakasikat sa buong mundo na clothing line, ang H&M, hindi na magkamayaw ang mga fashionistang bagets natin.
Matatandaan na dalawang taon na ang nakalilipas nang ito ay pormal na inanunsyo. Kaya paniguradong noong mga panahong iyon, ang ating mga kaibigang fashionista ay hindi na makatulog sa kahihintay.
Hindi naman kataka-taka na tinarget ng CEO ng H&M na si Karl Johan Persson na maglagay ng H&M stores sa malalaking malls sa Pilipinas. Dahil bukod sa tatlong palapag na aabot sa tatlong libong metrong H&M store sa Mega Fashion Hall, magkakaroon sila ng apat pang branches sa SM Makati, SM North EDSA, Robinsons Magnolia, at Robinsons Place Manila. Ganoon kalaki ang market ng H&M sa bansa.
Noong Biyernes, Oktubre 17 ginanap ang unang pagbubukas ng H&M sa bansa at ito ay ang branch na nasa SM Megamall. Pero bago pa man mag-Oktubre 17, marami nang nangyari. Marami nang hindi na nakapaghintay. Marami nang pumila. At marami ang nagpalipas ng gabi sa Megamall. Bakit nga ba? Ito ay dahil sa pakulo ng H&M Philippines na akin nang tatawaging kanilang marketing strategy. Kanilang inanunsyo na ang unang 200 na customers ng H&M Philippines ay makatatanggap ng maraming sorpresa. Gift Certificates na aabot hanggang 6,000 worth of clothes, 50% dicounts at mga exclusive H&M perks.
Nang dahil sa mga nakasisilaw na sorpresa ng H&M, hindi kataka-taka kung bakit maraming bagets ang nag-camping na sa Megamall. Aba, kudos to H&M Philippines! Effective ang kanilang marketing strategy.
Aminin natin sa ating sarili na ang mga damit sa H&M ay may kamahalan. May karapatan naman silang magdeklara ng mahal na presyo dahil sa quality at style ng H&M, kakaiba talaga, worth the price ‘ika nga.
Fashion at comfort in one nga itong H&M. Pagsuot mo ang kanilang mga damit, talaga nga namang nagiging isa ka ng certified fashionista. Plus points pa dahil masarap pa itong suotin sa katawan ‘di gaya ng ibang mga damit, maganda nga ang design at style, tiis ganda ka naman. Hindi tulad sa H&M, puro ganda nga lang. Sulit ang bawat sentimos na ibinayad.
Mga bagets, kahit ako hindi ko rin kayo masisisi kung bakit humaling na humaling kayo sa H&M. Pero paalala lang, huwag maging shopaholic na ultimo baon at tuition fee sa eskuwela ay nasasakripisyo na.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo