Holiday Pay

Dear Atty. Acosta,

NAIS KO pong isangguni sa inyo ang naging problema ko sa a-ming opisina. Nagtatrabaho ako bilang accounting clerk sa isang pribadong kumpanya. Noong nakaraang Hunyo 14, 2010, idineklara itong holiday dahil sa ito ay araw ng kalayaan kung kaya’t hindi ako pumasok ng opisina. Nagulat ako nang kausapin ako ng aming manager at sinabi niyang babawasan ang sahod ko dahil sa hindi ko pagpasok. Tama po ba iyon? Hindi po ba’t karapatan ko na hindi pumasok nang araw na iyon? Sana ay maliwanagan ninyo ako. – Janjan

 

 

Dear Janjan,

ANG HOLIDAY pay ay isa sa mga benepisyo na ipinagkakaloob ng ating batas sa mga manggagawa. Alinsunod sa Artikulo 94 ng Labor Code, isa sa mga araw na walang pasok o holiday ang Hunyo 12 ng bawat taon bilang paggunita sa Araw ng Kalayaan o Independence Day ng ating bansa. Ang bawat manggagawa na hindi papasok sa nasabing araw ay kailangan pa ring bayaran ng kanyang sahod sa araw na iyon, maliban na lamang kung siya ay isa sa mga sumusunod: (1) kawani ng pamahalaan; (2) namamasukan sa isang retail establishment na ang bilang ng mga manggagawa ay hindi hihigit sa sampu; (3) kasambahay; (4) managerial employee; o (5) field personnel. (Book III, Rule IV, Section 1, Implementing Rules, Labor Code)

Bagama’t ang Hunyo 14 ng taong ito ay hindi ang mismong araw ng kalayaan, idineklarang walang pasok ang araw na iyon sapagkat iyon ang pinakamalapit na Lunes sa araw ng Hunyo 12 na pumatak naman sa araw ng Sabado. Batay sa Presidential Proclamation No. 1841, “holidays, except those which are religious in nature, are moved to the nearest Monday unless otherwise modified by law, order or proclamation.” Samakatuwid, kung ikaw ay hindi nabibilang sa isa sa limang uri ng manggagawang nabanggit, dapat ka lamang bayaran ng iyong sahod para sa araw na iyon kahit na ikaw ay hindi pumasok ng opisina. Subalit nais naming bigyang-diin na kailangan ay pumasok ka sa working day bago at matapos ang nasabing holiday. Kung hindi ka pumasok sa mga nasabing araw o kaya naman ay hindi ka naka-leave of absence with pay nang mga araw na iyon ay hindi ka maaaring makatanggap ng sahod o holiday pay. (Book III, Rule IV, Section 6, id)

Makabubuti na makipag-usap ka muna sa inyong manager upang mapagpaliwanagan mo siya. Marahil ay nagkamali lamang siya o nakalimutan niya ang nilalaman ng ating batas, o kaya naman ay mayroong balidong dahilan ang inyong kumpanya kung bakit ka hindi bibigyan ng nasabing sahod.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleSpoelstra
Next articleAng Untouchable na si Chen Li Qun!

No posts to display