MATUNOG NA matunog ngayon ang naganap na pulong sa pagitan nina Pangulong Noynoy Aquino at Senator Grace Poe. Hindi naman nais ng administrasyong Aquino na banggitin ang detalye ng pulong na ito, ngunit malakas ang kutob ng marami na may kinalaman ito sa darating na Presidential elections sa 2016. Ang pagpili ni PNoy kay Sen. Poe ay hindi malayong mangyari dahil bukod sa magandang performance rating, reputasyon bilang mahusay na senador, at mataas na survey results, tila siya ang may personalidad na magdala at magtuloy ng tema na “tuwid na daan” dahil sa tingin ng marami ay “honest” ang senadora.
Hindi naman kaila sa ating lahat na pumapangalawa ngayon sa survey si Sen. Poe. Nanatiling nasa unang puwesto si VP Jejomar Binay ngunit patuloy rin ang pagbaba ng popularity rating niya dahil sa sunud-sunod na isyu ng katiwalian ang ipinipukol sa kanya. Samantala, patuloy naman ang pagtaas ng popularity at performance rating ni Sen. Grace Poe. Hindi rin malayo na sa nalalabing panahon bago mag-eleksyon ay mangunguna siya sa presidential race rating lalo na kung magbibigay na siya ng pahayag na tatakbo sa pagkapangulo.
Ang isyu ng “honesty” ang malaking bahagi ng karerang VP Binay at Senator Poe. Ang lahat ng kontrobersiya na nagpapababa sa rating ni VP Binay ay nag-uugat sa isyu ng pagiging matapat sa serbisyo. Habang ipinakikita ng mga kritiko ni Binay ang pagiging “dishonest” niya, sa kabilang banda ay nagtatagumpay naman ang mga tagasuporta ni Poe sa pagpapataas ng rating niya dahil sa kanyang katapatan o honesty. Patok na patok dito ang kasabihang “Honesty is the best policy.”
SA KASABIHANG “honesty is the best policy” rin siguro nagkaroon ng pagkukulang ang Team Pacquiao kaya nahaharap si Pacman ngayon sa patung-patong na asunto na isinampa ng mga pumusta sa kanya sa tinaguriang “Fight of the Century”. Nanganganib din na masuspinde o ‘di kaya’y matanggalan ng lisensya si Manny sa pagba-boxing. Isa na siguro ito sa mabigat na pagsubok niya sa buhay bilang isang boksingero.
Hindi rin naman lubusang masisisi si Manny kung inilihim niyang may injury siya sa balikat dahil matagal niyang inasahan ang laban at marahil ay iniisip niya ang mga fans ng boxing na matagal ding naghintay sa labang ito. Hindi biro ang perang nagastos para sa paghahanda ng Fight of the Century. Abot-kamay na rin ang pangarap ng mga sumusuporta kay Manny na matuldukan na ang kayabangan ni Floyd Mayweather, Jr. Dahil dito kaya rin siguro napakahirap kay Manny na ipagpaliban pa ang nasabing laban.
Ang problema ay may mga implikasyon ang hindi pagpili sa pagsasabi ng katotohanan at pagbibigay ng halaga sa kung ano ang sa tingin nila ay may benepisyo para sa marami noong inilihim nila ang lahat ng ito. Dagdag pa siguro ang pagtitiyak ng mga doktor ni Manny na kaya naman niya ang sakit at hindi ito magiging hadlang sa kanyang laban. Marahil sa pagtaya ni Manny sa pagpili na tiisin ang iniindang sakit at ituloy ang laban ay mas nakita niyang marami ang mapaliligaya niya kaysa sa sariling kapakanan at kaligtasan.
SAAN NGA ba nagkulang si Manny at ang Team Pacquiao? Sa pagiging matapat ba? Honesty nga siguro ang best policy sa sitwasyon ni Pacman. Kung hindi siguro inilihim ni Manny ang iniindang injury sa balikat ay malaking posibilidad na napabagsak niya si Floyd sa laban. Isipin na lang natin na sa kabila ng iniindang injury sa balikat ay pinahirapan ni Manny si Floyd kaya’t walang nagawa ito kundi magtatatakbo palayo kay Pacman.
Kung sinabi ng Team Pacquiao ang tunay na kalagayan ni Manny ay nagkaroon sana ng pagkakataon na magpagaling si Manny at maging 100% sa laban. Hindi naman siguro matagal ang isa o dalawang buwan na pagkakaantala ng laban para magpagaling si Manny kumpara sa halos 6 na taong paghihintay sa Fight of the Century. Tiyak na tiyak ang mas maatikabong suntok ni Manny at pagbagsak ni Floyd dahil sa mga malalakas na suntok mula rito, kung hindi magtatatakbo palayo kay Pacman.
MAY KARAPATANG magsampa ng reklamo ang mga mananaya na pumusta kay Manny dahil umasa sila na nasa magandang kondisyon si Pacman. Kung nalaman nila na hindi pala siya 100% sa pisikal na kondisyon ay marahil hindi pupusta ang marami kay Pacman. Malaking bagay ang pagsasabi ng katotohanan kahit pa mangangahulugan ito ng pagkaantala ng Fight of the Century, dahil tiyak na mas malaking problema ang ihahatid nito sa huli.
Sa parehong konteksto ay mahalaga na maging tapat sa atin ang mga kakandidatong pangulo sa 2016. Kung talagang may balak na si Sen. Poe na tumakbo sa pagkapangulo ay dapat siyang maging matapat sa layuning ito gaya ng pagiging matapat niya sa mga hinawakan niyang trabaho sa Senado.
Gayun din naman ay dapat mapatunayan ni VP Binay ang kanyang katapatan bilang pulitiko sa mahabang panahon at malinis ang sarili sa lahat ng alegasyong ipinupukol sa kanya ngayon.
Ang pagbabale-wala ay hindi pagsasabi ng katotohanan, bagkus ay pag-iwas sa katotohanan lamang. Ang pagiging honest o matapat pa rin ang pinakamagandang katangian ng isang lider ng bansa.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Panoorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo