ALAM N’YO ba na napakahirap makapasok sa Philippine Military Academy (PMA)? Gaya ng mga malalaking unibersidad at kolehiyo ay napakahirap ng entrance exam sa PMA. Kailangan ng galing at talas ng isip lalo na sa Math at Science. Hindi rin lahat ng nagnanais na makapasok sa PMA ay nakakalusot sa exam pa lang.
Kung tutuusin ay ito ang kolehiyo na may pinakamahirap na proseso para makasama sa listahan ng mga plebo bilang first year sa Academy. Bukod sa galing ng utak ay kailangan din ng lakas ng pangangatawan, tapang, determinasyon, tibay ng loob at diskarte sa buhay. Dapat ay isang well-rounded person ang kadete.
Kaya nauunawaan ko ang nararamdaman na panghihinayang at kawalang-hustisya para sa pamilya ni Jeff Aldrin Cudia sa pagkakatanggal sa kanya ng pamunuan ng PMA dahil umano sa pagsisinungaling nito. Hindi umano umaayon sa tinatawag nilang “honor code” ang ginawa ni Jeff kaya pinatalsik ito sa PMA. Hindi ba wala yata sa lugar at isang “hasty generalization” ang desisyon ng pamunuan ng Academy?
Hindi masama ang asamin ang pagiging perpekto at tuwid sa lahat ng pagkakataon ngunit hindi nakabubuti ang sobrang kahigpitan dahil hindi nito binibigyang-puwang ang pagtutuwid ng kamalian sa buhay. Ang lahat ng tao ay nagkakamali at dapat ay handa ang isang institusyon gaya ng PMA na wastuhin ang pagkakamali, hindi sa paraang kawalang-katarungan at nagpapasama sa kalagayan ng tao, kundi sa paraang magpapabuti sa kanya. “Rehabilitation” ang tawag dito.
ANG PAGIGING late ng dalawang minuto at pagsisinungaling ng isang beses ay sapat na ba para sabihing hindi na karapat-dapat si Jeff sa Academy? Kahit saang anggulo titingnan ay mali ang desisyong tanggalin si Jeff bilang kadete. Kung sa klase ay may isang nangongopya, ang ibig sabihin ba ay nangongopya na ang buong klase? Kung minsan kang na-late sa trabaho ay tardy employee ka na ba at dapat tanggalin sa trabaho? Kung may isang nagsinungaling na heneral ay sinungaling na ba lahat ng heneral? Kung may isang nagnakaw na heneral sa kaban ng bayan ay magnanakaw na ba dapat ang turing sa lahat ng heneral?
Hindi ito makatarungan maging sa mata ng sambayanang Pilipino na siyang tunay na nagpapaaral sa mga kadeteng ito sa Baguio. Masyadong malupit ang parusang pagtanggal sa estudyante at nakikisimpatya ang marami sa ating mga kababayan sa sinapit ni Jeff. Hindi ba dapat ay pakinggan ng pamunuan ng PMA ang pulso ng mga mamamayan na pinagsisilbihan ng ating Hukbong Sandatahan?
Dapat sana ay binigyan na lang ng mas magaan na parusa si Jeff kung ang punto nila ay pagpapahalaga sa “honor code” ng PMA. Pinag-“push-up” na lang sana ng marami at pinaglinis ng paaralan o iba pang pagpaparusa na angkop lamang sa pagkakamaling nagawa ni Jeff, ngunit hindi ang pagtanggal sa kanya sa Academy at pagwasak na rin sa pangarap ng batang ito.
NAGMAMALINIS YATA ang PMA sa hakbang na ito. Hindi naman kaila sa atin na ilang mga heneral ang nasasangkot sa mga korapsyon sa gobyerno. Hindi lang isa kundi marami sila at pawang mga nanggaling sa PMA lahat. Katunayan ay marami sa kanila ang nakakulong ngayon sa isang kampo dahil sa patung-patong na kasong korapsyon na kanilang kinakaharap.
Nasaan ang “honor code” na pinagmamalaki ng PMA? Hindi ba ang tunay na “honor code” ay sa matapat na serbisyo sa bayan pinatutunayan?
SA TOTOO lang ay napakaraming kalokohang nagaganap ngayon sa PNP at Military. Ilang comptroller ng Arm Forces of the Philippines (AFP) ang ngayon ay nahaharap sa kasong korapsyon at nakakulong sa kampo dahil walang piyansa ang kasong kinasangkutan nila.
Nandiyan ang iba’t ibang isyu ng pagnanakaw, katiwalian, pag-aabuso sa kapangyarihan at hindi pagiging tapat sa serbisyo. Ang isyu kay General Carlos Garcia na sinubukan pang makipagkuntyabahan sa Ombudsman para magsauli ng perang ninakaw nito upang hindi pumasok sa kasong pandarambong o plunder ang isasampa sa kanyang kaso.
Marami siyang bahay at ari-arian sa America at ang kanyang mga anak ay tila nagbubuhay prinsipe noon sa ibang bansa. Ito ba ang may paggalang sa “honor code” ng PMA?
Ang tinaguriang “Euro Generals” ay grupo rin ng mga heneral na dawit sa pagbili ng lumang choppers sa presyong bago, mga katiwalian sa pagpapaayos ng armored cars at marami pang kaso ng pagnanakaw sa PNP operations.
BAKIT KUNG sino pa ang mga graduate ng PMA ay sila pang sangkot sa mga nakawang ito sa kabang bayan. Ito yata ang natututunan nila sa tinatawag na “honor code” sa PMA.
Baka naman hindi lang natin nauunawaan ang kahulugan ng “honor code” na ito sa kanilang mga magkaka-“Mistah” o ang tawagan nila bilang brotherhood sa PMA. Kadalasan kasi ay tila ginagamit nila ang “honor code” na ito upang pagtakpan ang kani-kanilang baho at dumi sa serbisyo.
Ang “honor code” ang kanilang pinagkukunan ng katapatan sa isa’t isa upang hindi nila bukuhin ang mga pagnanakaw ng kanilang mga kabaro sa kaban ng bayan. Ang “honor code” ang kanilang sandalan para kunsintihin ng mga kapwa nila opisyal ang isa’t isa sa kanilang mga kayabangan, kapritso at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Kung ganito ang kahulugan nila ng “honor code” ay talagang hindi natin sila kailanman maiintindihan! Hindi “honor code” kundi “horror code” ito!
Ang tunay na “honor code” ay may sangkap na talino, puso at hustisya. Sa serbisyo sa bayan din ito higit na napapamalas at hindi lang sa loob ng paaralan!
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napanonood rin ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo