NOON AY napapanood lang natin sa sine o mga pelikula ang karakter na “hoodlum in uniform” kung saan ang mga kalaban ng ating bida ay ang mga nasa kapangyarihan o alagad mismo ng batas. Kung nakaaaliw man sa ating mga mapaglarong isip kung papaano tinatalo ng bida ang hoodlum in uniform, hindi naman ganito ang pakiramdam sa tunay na buhay.
Takot at kawalang kapanatagan sa kalooban ang bangungot ng ating mga kababayan sa mga kaganapang krimen ngayon sa ating bansa, kung saan ang palagiang nasasangkot ay mga pulis na silang dapat nagbabantay sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Kamakailan lamang ay isang pulis ang umamin sa krimen ng pagpatay sa isang sikat na karerista ng kotse na kilala maging sa ibang bansa. Isang pulis din ang walang habas na namaril sa isang paaralan na may kinalaman sa pagpapautang.
Ngayon ay may aabot sa siyam na pulis sa isang police station sa La Loma, Manila ang itinuturong sangkot sa isa na namang malinaw na kaso ng hulidap. Ang mas nakapangingilabot ay kasama rin sa mga sangkot na pulis maging ang ilan sa matataas na opisyal ng PNP, kung saan ay nakatanggap pa umano ito ng parangal bilang isang mahusay na pulis.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang lumalalang krimen sa bansa kung saan nasasangkot ang mismong dapat na tagapuksa ng mga kriminalidad. Pupuntuhan natin ang posibleng dahilan ng pagkabulok ng institusyong pulisya sa bansa na marahil ay nag-uugat mula sa recruitment at pagsasanay ng mga ito.
HINDI PALA kasing exciting ng sa pelikula ang mga tagpong ang mga bad boys at kontrabida ay mga alagad mismo ng batas o pulis. Hindi na kasi makuhang ngumiti ng mga Pilipino ngayon sa lumalalang krimen sa bansa lalo’t ang nasasangkot ay mga pulis. Paano ka kasi magsusumbong sa mga pulis kung may nagtatangkang magkidnap o pumatay sa ‘yo kung sila mismo ang gumagawa ng kasamaan sa mga mamamayan?
Ang mahirap sa kalagayan natin ngayon ay hindi naman nagiging makatotohanan ang mga bida sa pelikula gaya nina “Panday”, “Agimat”, “Palos”, at “Pedro Penduko,” habang ang “hoodlum in uniform” ay nagaganap na sa reyalidad ng ating lipunan. Kung walang super hero sa ating lipunan na susupil sa mga masasamang hoodlums in uniforms, paano natin ito mapaglalabanan?
Dapat ba tayong umasa sa sistemang panlipunan ng pagpapatupad ng batas at pagbibigay-proteksyon sa mga mamamayan? Paano mangyayari ito kung ang problema ay nagmumula sa tagabigay ng proteksyon? Lumalabas na ginagamit nila ang mga armas at kagamitang binigay natin sa kanila upang sana ay maproteksyunan tayo, ngunit ito mismo ang gamit nila laban sa atin.
MAYROONG TINATAWAG na internal intelligence na dapat ay nagbabantay sa mga kapulisan natin kung ginagawa ba nila nang tama ang kanilang mga gawain. Ngunit tila hindi ito nagiging epektibo sa tungkulin dahil sari-saring kriminalidad ang kinasasangkutan ng mga pulis ngayon. Para bang malaya silang gamitin ang kanilang kapangyarihan sa kasamaan. Kung hindi pa lalabas sa media at puputok sa kaalaman ng publiko ang mga krimeng kinasangkutan ng pulis, tila hindi yata malalaman ng pamunuan ng PNP ang reyalidad na may mga “hoodlums in uniforms” na sumisira sa imahe ng mga pulis.
Sana bago pa man makapaminsala ang mga bulok na “hoodlums in uniform” ay napigilan sila at masakote ng internal intelligence unit ng PNP. Ang problema ay baka naman may mas malalim na sabwatan dito. Kung ang isang opisyal na naparangalan pa ay kasabwat sa “hulidap” na ito, nakatatakot na isiping maaaring isa lamang siya sa maraming kagaya niya.
Mahirap na raw baliin ang sungay ng isang kalabaw o ang isang masamang sanga ng malaking puno. Kaya naman ang sabi ng mga matatanda ay dapat habang bata pa ang halaman, dapat tanggalan na ng mga bulok na sanga. Dapat siguro ay repasuhin ang pagkuha ng mga nagpu-pulis partikular ang recruitment sa Philippine National Police Academy (PNPA).
DAPAT TALAGANG gumawa sila ng isang malawakang pagbabago sa recruitment ng mga papasok sa PNPA. Dapat masigurado na bukod sa may katinuan sa isip ang mga ito ay may mabuti silang pagkatao. Mahalaga ang karakter kaysa sa kakayahan. ‘Ika nga ay mas mabuti pa ang isang matinong pulis na mahina ang kakayahan kaysa sa isang masamang pulis na magaling ang kakayahan dahil gagamitin lang niya ito para mang-abuso sa kapangyarihang ibinigay sa kanya bilang pulis.
Ang pagkuha ng mga magpu-pulis ay dapat nakabase sa isang mataas na panuntunan. Sila dapat ay katangi-tangi o exceptional dahil ilalagay sa kanilang kamay kalaunan ang buhay at kaligtasan ng mga mamamayan. Delikado kung mailalagay sa kamay ng mga taong walang mabuting kalooban ang kapangyarihan ng isang pulis.
Ito ay isang hamon sa PNPA na panahon na para higpitan ang pagkuha ng mga kadete ng PNPA. Paghusayan din at pag-ibayuhin pa ang edukasyon, training at paghuhulma sa mga kadeteng ito upang maging mabuting tao. Ang pagbabago sa hanay ng mga pulis ng PNP ay magsisimula sa pagbabago sa hanay ng mga kadeteng sinasanay para maging pulis.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo