HINDI naging mahirap para award-winning actor na si Allen Dizon ang tanggapin ang naging pagkatalo niya bilang best actor sa Cairo International Film Festival kung saan nanalo namang best actress ang kapareha niya sa pelikulang Mindanao na si Judy Ann Santos.
“Hindi naman puwede na palaging ikaw. Bigyan mo rin naman ng chance ang iba,” reaksyon ni Allen sa interview namin.
Patuloy ng aktor, “Yung ibang mga international film festival na sinalihan ng mga pelikula ko, minsan may time na nananalo ka kasi ikaw talaga yung mismong bida sa pelikula at yung focus ng story nasa ‘yo, so pag nanalo ka, alam mo mismo sa sarili mo na may chance ka talaga and well-deserved.
“Dalawang beses akong na-nominate do’n dalawang international film festival pero dalawang beses din akong natalo kahit nando’n ako.”
Nadi-disappoint pa ba siya kapag hindi nananalo ng acting award?
“Hindi naman yung nadi-disappoint. May time lang na siyempre malulungkot ka pero proud ka naman kasi nanalo yung kasama mo sa pelikula. Pero siyempre, kahit papaano, tao ka lang din kasi, eh, may mga time na nalulungkot ka para sa sarili mo dahil ginawa mo naman yung best mo sa pelikula pero hindi ka pinalad.
“Pero nag-move-on na ako… nag-mo-move on na agad ako right after, so next festival naman, next award giving bodies naman kung saan ako puwedeng pansinin do’n na lang ako. Hindi naman ako parang wala na akong ganang gumawa ng pelikua. Kumbaga, as a human being, as an actor, siyempre kahit papaano may mga sakit pa rin yon,” paliwanag ni Allen.
Ang Mindanao ay official entry sa 2019 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa Dec. 25. Matunog na makakalaban niya for best actor si Aga Muhlach ng Miracle in Cell No. 7.
Sa palagay ba niya ay makakabawi siya sa MMFF this year?
“Ayokong sabihin na makakabawi ako, pero may chance naman siguro ang lahat na kasama sa pelikula, kasama sa film festival, dahil lahat naman yan magagaling din, pero hindi pa rin ako mag-i-expect. Kasi pag nag-expect ka parang masakit, eh.
“Ang sa akin na lang, sana lumaban yung pelikula, sana panoorin din ng mga tao at ma-appreciate nila yung pinaghirapan namin,” pahayag ng magaling na aktor.