PAPALAPIT NA ang Nobyembre, ang buwan kung saan nabubuhay ang mga katatakutan. Mga kuwentong katatakutan na mula sa totoong karanasan ng mga tao, at ang iba naman ay mula sa kathang isip lamang. Ngayon ay buwan ng Setyembre pa lamang pero napaaga yata ang mga pagpapalabas ng horror films sa ating bansa. Nariyan ang Dementia, The Babadook, at ang aking tatalakayin ngayon na Maria, Leonora, Teresa at Anabelle.
Ang Maria, Leonora, Teresa ay ginawa ni Director Wenn V. Deramas. Ayon sa director ay ito ang unang horror film na kanyang ginawa dahil kilala natin siya sa paggawa ng mga comedy films tulad ng Ang Tanging Ina, Praybeyt Benjamin, Sisterakas, Girl Boy Bakla Tomboy, at iba pa. Mahilig tayong patawanin ni Director Wenn V. Deramas. Pero ngayon naman ay tinakot niya tayo sa kanyang unang horror film na Maria, Leonora, Teresa na ipinalabas noong ika-17 ng Setyembre na tinangkilik at pumatok sa takilya. Sa mga ‘di pa nakanonood, huwag nang magpahuli sa blockbuster na Maria, Leonora, Teresa sa kanyang pangalawang linggo sa mga sinehan.
Ang Maria, Leonora, Teresa ay kuwento ng tatlong manika na ibinigay ng isang psychiatrist upang mapawi ang lungkot, sakit at pangungulila na nararamdaman ng mga magulang na ginampanan nina Iza Calzado bilang si Faith Pardo, ang nanay ni Maria; Zanjoe Marudo bilang si Hulio Sacdalan, ang tatay ni Leonora; at si Jodi Sta. Maria bilang si Stella De Castro, ang nanay ni Teresa. Ang kanilang mga anak ay naaksidente sa isang trahedya na nangyari nang sila ay magpi-field trip. Ang mawalan ng anak ay walang kasing sakit kaya ang tatlong manika na ito na ibinigay ng isang psychiatrist ay magandang pamalit sa kanilang pangungulila, ngunit ang mga manika na ito ay may masamang elemento na nasa loob ng mga ito.
Sa likod ng tagumpay ng palabas na ito, hindi maiwasan ang mga issue na sinasabi ng iba na ginaya raw ito sa pelikulang Annabelle na ipalalabas pa lamang sa unang araw ng Oktubre. Kung ating matatandaan, si Annabelle ay ang manika sa pelikulang The Conjuring, ngayon naman ay ipakikita sa ika-1 ng Oktubre na bago nagsimula ang The Conjuring, ay may Annabelle na noon. May mga haka-haka na kaya ipinalabas nang mas maaga pa ang Maria, Leonora, Teresa ay para ‘di masabi na ginaya ito sa Annabelle. Ang dalawang pelikula ay parehong tungkol sa manika kaya nasabing ginaya, ngunit ang pinagkaiba lamang ay tatlong manika ang nasa Maria, Leonora, Teresa, at iisa lang sa Annabelle. Ngunit kung ating titingnan magkaiba naman ang kuwento ng dalawa.
Huwag nating lagyan ng issue ang bawat gawa ng ating mga kababayan, maging proud tayo sa kanilang mga nililikhang pelikula para magbigay ng saya, takot, at ano pang emosyon sa bawat isa sa atin gamit ang kanilang mga malawak na kathang isip. Maging proud tayo sa ating sariling gawa na mga pelikula, maging proud tayo sa ating sarili at kapwa. Lagi nating tangkilikin ang mga talento ng mga Pilipino at ang magagandang gawa ng bawat Pinoy.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo