INAATAKE NGAYON ng ilang friends ng namayapang si Tado Jimenez si Willie Revillame, dahil sa sinulat sa Philippine Star ni Tito Ricky Lo kaugnay ng pagluwas ng mga labi ni Tado mula Bontoc, Mountain Province hanggang Manila na si Willie daw ang gumawa ng paraan, sabi ng aide ng TV host.
Normal na mag-react ang mga kaibigan ni Tado, lalo na sa nakaaalam ng totoong kuwento. At alam ko ring mga personal na kaibigan ni Tado ang naghirap na puntahan ang mga labi ng komedyante para ihatid dito sa Manila mula sa bundok.
Personally, naiintindihan ko ang ilang netizens sa kanilang bugso ng galit na kalaunan ay dinilete din ang kanilang tweet at na-realize na hindi siguro magugustuhan ni Tado na ang kanyang mga kaibigan ay nagagalit sa halip na nagluluksa.
Medyo sasawsaw na po ako sa isyu since ang alam ng ibang taga-industriya ay ako pa rin ang manager ni Tado.
Si Carina C. Martinez na common friend namin ni Willie Revillame ay tumawag sa akin nu’ng Sunday, dahil kinukulit daw siya ni Willie na i-research kung saan nakaburol si Tado, dahil gustong puntahan ni Willie at makiramay sa pamilya ng komedyante.
Ibinigay ko ang detalye ng burol ke Karen at nu’ng sabihin nitong, “Gusto kasing sagutin ni Willie ang lahat ng gastos sa lahat-lahat para daw kahit paano, makatulong siya”…..
Ang sabi ko ke Karen, “Pakisabi kay Willie, mare, maraming salamat. Kahit ayaw niya, itu-tweet ko ang kabutihan niya kay Tado.”
Gustung-gusto raw ni Willie si Tado dahil napakasimple raw nito.
“Pupuntahan siya sa dressing room ‘pag nagge-guest ‘yan, makikipagkuwentuhan lang. At hindi ‘yung pupunta lang du’n para manghingi lang sa kanya ng pera.
“Si Tado raw, matalino pang kausap at naaaliw siya.
“’Pag yayayain nga ni Willie kumain ‘yan sa dressing room, ang isinasagot niya, ‘Hindi ako sanay sa pagkain ng mayayaman. Wala ka bang steak diyan?’ Tatawa na no’n si Willie.”
Nanggaling na roon si Willie nu’ng Sunday evening para mag-abot ng kanyang share, pero hindi pa nakuntento, pinapunta pa nito si Karen kinabukasan (nandu’n din ako) para alamin naman ang lahat-lahat ng gastos para hindi na intindihin pa ng maybahay ni Tado ang problema sa mga bayarin.
Ipinasa ni Lea si Karen kay Lenny Velasco ng Dakila (kasama si Tado na itinayo ito) at sinabi rin ni Karen kay Lenny na kung me babayaran pa sa ospital sa Bontoc hanggang sa makarating ang mga labi ni Tado sa Maynila ay isama na rin dahil ‘yun ang bilin nga ni Willie.
Very appreciative pa sa naging gesture at effort ni Willie si Ms. Lenny na gaya ng ipinangako ni Willie nu’ng unang gabi sa misis ni Tado, okay nang lahat ngayong Tuesday.
Ito siguro ang nais sabihin ni Tito Ricky Lo sa kanyang kolum. Walang intensiyon si Willie na mang-angkin ng kredito, dahil sa akin mismo ay naiiyak na ikinuwento ni Lea na hindi na siya pinaluwas pa sa Mountain Province ng mga kaibigan ni Tado at bahala na ang mga ito na magluwas kay Tado mula Bontoc hanggang Manila.
“Grabe, an’dami pala talagang nagmamahal sa asawa kong ‘yan. Ganyan siya kayaman sa kaibigan dahil kahit saang lugar siya mapunta, me kaibigan.”
Actually, wala po akong balak ikwento ang pangyayaring ito, pero para rin sa kaliwanagan ng lahat at ikangingiti ni Tado sa kanyang huling higaan ay marapat lang na maikuwento ko.
Kahit ako man ay aminadong pinupuna ko si Willie nitong nakaraan dahil sa isyu ng kanyang pagka-casino.
Pero hindi rin naman ako puwedeng magbulag-bulagan sa effort at gesture ni Willie na makatulong sa pamilya ni Tado na sinasaluduhan ko.
The mere fact na napakaraming nagmamahal kay Tado na kung saan-saan pa nanggaling ‘yung iba na minsan isang panahon ay natulungan at napangiti ni Tado ay isang pagpapatunay ‘yon na bukod sa prinsipyo at paninindigan, isang mabuting anak, kapatid, asawa, ama at kaibigan si Arvin “Tado” Jimenez.
Kaya smile na lang tayong lahat, dahil ayaw ni Tado ng naha-highblood.
Oh My G!
by Ogie Diaz