SA ILALIM ng Tydings-McDuffie Law noong 1935 ay itinayo ang isang transitory government sa Pilipinas upang bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na matutong pamunuan ang sarili nating bayan. Ang pagkakadismaya ng unang republika noong 1898 na itinayo nina Pangulong Emilio Aguinaldo ay nauwi sa isang madugong digmaan laban sa mga Amerikano. Dito rin nagsimula ang ikalawang kolonyalismo sa Pilipinas sa ilalim ng bansang Amerika.
Ang pagkakatatag ng Commonwealth government noong 1935 bilang isang transitory government ay nagbigay ng daan sa atin para magkaroon tayo ng karapatang bumoto at pumili ng ating mga pinuno sa pamahalaan. Si Pangulong Manuel L. Quezon ang nailuklok sa pagka-pangulo nang talunin niya si Emilio Aguinaldo sa eleksyon para sa pagtatatag ng Commonwealth government.
Sa proseso ng unang eleksyon sa Pilipinas ay ginamit ng mga Amerikano ang talino at kakayahan ng mga guro sa pampublikong paaralan upang maisagawa ang unang botohan sa ating bayan. Kaya naman simula noon hanggang ngayon ay ang mga masisipag nating guro sa mga public school ang nangangasiwa sa mga presinto sa tuwing sasapit ang eleksyon. Sa paglipas ng mahabang panahon, tila babaguhin na ang kasaysayang ito sa pamamagitan ng House Bill (HB) 5412.
NITONG NAKARAANG linggo lamang ay pumasa na sa ikalawang pagbasa ang HB 5412 na naglalayong tanggalin na ang mandatory service ng mga guro sa public schools para pamunuan ang bilangan sa mga presinto tuwing may eleksyon. Bahagi ng pagiging guro sa isang public school ang pagsisilbi rin bilang mga election officer na nag-aasiste at bumibilang ng boto sa tuwing eleksyon. Ngayon, ang mga gurong ito ay maaari nang tumanggi kung hindi na nila nais gawin ang trabahong ito.
Marami na ring mga insidente mula noong panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at sa kasalukuyan kung saan napapahamak ang mga guro sa proseso ng eleksyon. Marami sa kanila ay napapatay, nasusugatan, at nakagagalitan pa madalas ng mga tao sa araw ng botohan.
Marami ang nagbuwis na ng buhay lalo na noong panahon ni Marcos. Hindi talaga biro ang sakripisyo ng mga gurong ito, ngunit sa kabila ng kanilang mga hirap ay tila binabalewala sila ng pamahalaan dahil hindi rin naman sila binabayaran nang sapat at tama sa panahon.
Tuwing sasapit ang eleksyon ay laging sila ang pinakapagod sa araw na ito ngunit hindi naman sila kagyat na binabayaran sa kanilang serbisyo. Kaya naman madali ring unawain kung ang ilan sa mga gurong ito ay hindi na nais magsilbi sa eleksyon.
Sa HB 5412, ipinaliwanag ni Capiz Representative Fredenil Castro, ang chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral reforms, hindi kailangan obligahin ang mga guro para sa gawaing ito. Maaari na itong buksan sa ibang mga kawani ng gobyerno at maging sa mga propesyunal na nasa pribadong sector.
MAAARI SIGURONG napapanahon na ang pagbabagong ito sa ating sistema ng eleksyon. Noon kasi ay maliit na porsiyento lamang ang literacy sa bansa kaya obligado ang mga guro na pamunuan ang eleksyon sa mga presinto upang asistihan ang mga hindi marunong bumasa at sumulat na botante. Ngayon ay mayroon nang 97% literacy sa bansa, pinakamataas sa kasaysayan, maaari nang ipasa ang gawaing ito sa marami nating kababayan.
Sa ilalim ng HB 5412, bukas na sa lahat ng propesyunal, na gustong maging bahagi ng botohan bilang mga tagapangasiwa sa loob ng presinto, ang dating gawaing pinamumunuan ng mga guro. Ang sinumang nagnanais na maging kabahagi sa gawaing ito ay sasailalim sa isang screening at competency test. Ang mga guro naman na nais na manatili bilang bahagi ng Commission on Election (COMELEC) personnel sa araw ng eleksyon ay maaaring magpatuloy sa gawain ito.
Mas mabuti kung tuluyannang maisasabatas ang HB 5412 dahil matitiyak ang pondo para rito na pagkukunan ng kompensasyon para sa mga mapipiling kawani ng COMELEC. Hindi gaya ng dati na umaabot sa 6 na buwan ang paghihintay ng mga guro dahil nanggagaling pa sa pondo ng DepEd ang ibinabayad sa mga guro, kung saan ay kulang din naman ang pondo ng DepEd para rito. At dahil may proseso ng pagpili sa mga bagong magsisilbing election officers sa mga presinto, mas matitiyak nating pulido at mahusay ang serbisyo.
SA IBANG bansa ay mga propesyunal sa iba’t ibang larangan ang naninilbihan bilang mga election officers. Mas maayos ang eleksyon nila at tila walang pilitan na nagaganap. Napapanahon na ang ganitong pagbabago, dahil nagbabago na rin ang maraming aspeto sa ating lipunan gaya ng literacy rate. Mas matalino na ang mga tao at bibihira na ang kailangang turuang bumasa at magsulat sa loob ng mga presinto sa araw ng botohan. Kaya naman hindi na kailangan ang skills ng mga guro sa pagtuturo paano bumasa at sumulat.
Kailangan lang ay paghusayin pa nang husto ang isinusulong na batas para hindi maging problema ang isyu ng dayaan para sa mga posibleng mare-recruit na may masamang balakin.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo