PATOK NA patok sa mga bagets ngayon ang tinatawag na hoverboard. Ito ay isang portable at rechargeable self-balancing scooter. May dalawang gulong sa magkabilang dulo at platform sa ibabaw nito kung saan sumasampa ang rider.
Paa ang ginagamit pang-control sa hoverboard na ito sa pamamagitan ng gyroscopic, sensored pads. Sikat na sikat ito sa bansa. Sa katunayan kahit sa ibang bansa, maraming nahuhumaling dito. Pati nga sina Justin Bieber, Chris Brown, Soulja Boy, Wiz Khalifa, at Kendall Jenner ay nag-post ng kanilang videos sa Instagram, kung saan nakikita na enjoy na enjoy sila sa paggamit ng hoverboard.
Unang nakita ang hoverboard sa China noong 2014. Sa katunayan, ang mass production of hoverboards nga ay ginagawa sa Shenzhen, China. Taong 2015 naman nang naging patok na patok ang hoverboard sa Amerika, kung saan maraming celebrities ang gumagamit at nahuhumaling dito. Lalo pa ngayon, kung saan ang ibang mga hoverboards ay may nakakabit ng bluetooth speakers kaya enjoy na enjoy ang mga bagets sa pagsakay sa hoverboards habang nakikinig ng kanilang maaangas na playlist.
Ang mga hoverboards ay powered by lithuim-ion batteries. Ngayon, napababalita na ang kabilaang pagsabog ng mga hoverboards dahil sa mga depektibong batteries o kaya mga pekeng batteries na ginagamit sa hoverboard. Bilang patok na patok nga ngayon ang hoverboards at marami ang demand dito, kung sinu-sinong production companies na lang ang gumagawa nito.
Hindi na nasisiguro kung quality wise, maganda at safe ba ang nagagawa nila. Ang mga kadalasang rason kasi ng pagsabog ng hoverboard ay dahil sa pekeng wiring, pekeng lithium-ion batteries at hindi match o compatible na batteries sa charger ng hoverboard. Sa ibang bansa, marami na ang napababalitang sumabog ang hoverboard. Mayroon din ngang isang 15 year-old na lalaki sa United Kingdom ang namatay habang sakay-sakay ng hoverboard dahil naipit at nabundol ng isang bus.
Kaya hindi mo rin masisisi, kung bakit maraming mga bansa na ang naghihigpit sa paggamit ng hoverboard. Sa Germany, bawal nang gumamit ng hoverboards sa kalsada; sa England at Wales naman, gagamitin mo lang ang hoverboard sa mga private properties lang at dapat siguraduhin na may go signal ka ng mayari ng private property. Naghihigpit na rin ang Canada, Scotland, at Australia sa paggamit ng hoverboard. Ipinagbabawal ito sa mga public streets.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo