MALAYO PA ANG susunod na halalan ngunit ngayon pa lang ay nagkukumahog na ang dalawang pulitiko sa Bulacan, kung paano iangat sa kamalayan ng mga Bulakenyo ang kanilang pa-ngalan.
Ang tinutukoy natin, parekoy, ay sina Gov. Wilhelmino “Willy” Alvarado at Vice Gov. Daniel Fernando. Hindi lang nagkukumahog ayon sa ating tawiwit, kundi talagang desperado na ang mga ito.
Biruin mo, parekoy, pati ang “official receipt” na iniisyu ng provincial treasurer ay sinalpakan ng mga larawan nina Alvarado at Fernando! Ginawang campaign material! P’we!
Ngayon lang ako nakakita ng opisyal na resibo ng pamahalaan na binaboy ng pulitika! Only in Bulacan!
Payo natin kina Gov. Alvarado at Vice Gov. Fernando, magtrabaho kayo nang maayos, huwag mangurakot at isapuso ang tunay na serbisyo publiko. ‘Yan ang dapat ninyong gawin para hindi kayo makalimutan ng taumbayan pagdating ng halalan!
Kung gusto n’yo naman, ilagay na rin ninyo ang larawan ng asawa ni Gov. na si Congresswoman Marivic Alvarado. Para magmukhang Hesus, Maria y Hosep!
Hak, hak, hak, sinalaula na rin lang ang resibo… hindi malayo na pati ang pananampalataya ay bastusin! Pero dapat madaliin nila, kasi naman, hangga’t dalawang mukha lang ng lalaki ang nakikita ng mga Bulakenyo ay iba ang kanilang nai-imagine.
Nagtatalo tuloy ang ilang Bulakenyo, dahil akala ng iba ay sina Hestas at Dimas daw! May nagsasabi naman na niretokeng mukha raw nina Hudas at Barabas! Hak, hak, hak!!!
NOONG NAKARAANG LINGGO, nasakote ng mga pulis sa parteng Valenzuela City ang sandamakmak na mga epektos galing sa Tsina. Kinabibilangan ito, parekoy, ng mga “imitation” na relo, laptop, bag, iPad at kung anik-anik pa!
Doon lumutang ang pangalang Jeffrey King na siya umanong may-ari ng nasabing mga parating!
Hah, magugulat ka, parekoy, dahil kahit nasa Tsina ng mga sandaling ‘yun si King ay agad nitong natrabaho para ma-release ang nasabing mga epektos! Alam n’yo kung paano? Heto…
Isang major sa Navotas ang biglang sumulpot sa opisina ng opisyal na nakahuli. Ito ang litanya ng mokong… “Sana, sir, maayos natin ito, dahil kung mabibigo ako ngayon, asahan mo na po na tatawag sa iyo si Gen. Laurel.”
Naku, ha?! Nag-namedrop pa si Major… Sandali, parekoy, maya-maya nga ay may tumawag na heneral! Huhuhu!
Ayon sa magiting na heneral, kasalukuyan na umanong inaayos ng mga bata niya sa tanggapan ni Gen. Lim ang mga dokumento ng nasabing mga kontrabando!
Ha? Ano? Alam kaya ni Gen. Lim na habang siya ay naglilinis sa BOC ay may mga tauhan pala siya na dumudumi?
Hak, hak, hak!
General Lim, sir, sa darating na linggo ay may malakihang parating pa raw si Jeffrey King! At doon inaayos ang usapan sa loob ng President restaurant sa Ongpin na pag-aari ng hari! Bwar, har, har!
Gusto mo bang malaman Gen. Lim kung saan iniimbak ang mga ito at saan idinidispatsa? He, he, he, kontakin mo ako!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303