Hugas-Kamay

WALA YATA sa bukabularyo ni PNoy ang salitang “command responsibility” dahil malinaw pa sa tingkad ng buwan sa gabi at maliwanag pa sa sikat ng araw ang ginawa niyang paghuhugas-kamay sa kanyang opisyal na pahayag hinggil sa pagkamatay ng mga Special Action Force (SAF) sa kamay ng Moro Islamic Liberartion Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Kaawa-awang SAF at sila pa ang inihulog sa isyu sa kabila ng sila ang namatayan at nalagasan ng marami.

Parang mahirap pakinggan at nakabibingi ang mga palusot ni PNoy na hindi raw siya nagkulang sa pagpapaalala na dapat ay may koordinasyon. Paulit-ulit umano niyang pinaalala sa hepe ng PNP-SAF na si Chief Superintendent Getulio Pascua Napeñas na siguraduhin ang maayos na koordinasyon sa mga kinauukulan, lalo na ang pag-aabiso sa 6th Infantry Division ng military na nangangalaga sa kaayusan sa Mamasapano, Maguindanao. Ayon kay PNoy, tila hindi raw ginawa nang maayos ang utos niyang ito.

Mababakas sa mga paliwag at kuwento ng Pangulo ang paghuhugas ng kamay sa trahedyang ito at gaya na rin ng nakasanayan natin sa kanya, ang paninisi sa ibang tao. Bakit hindi man lang humingi ng kapatawaran si PNoy at inamin na lang sana niyang siya man ay may pagkukulang din. Halos ganito rin ang naging tugon ng Pangulo sa madugong hostage crisis noon sa Luneta, kung saan maraming dayuhang taga-Hong Kong ang nasawi. Mapapaisip ka kung ano ba talaga ang karakter ng administrasyong Aquino at lagi na lang sa tuwing may katulad na sitwasyon ay may sinisising iba upang mapagtakpan ang sarili sa obligasyon niya bilang Commander-In-Chief ng bansa.

ANG JANUARY 30 ay idineklara ng Pangulo bilang National Day of Mourning para sa mga miyembro ng PNP-SAF na nasawi sa engkwentro. Mabuti at naisip ito ng Pangulo, ngunit ang hindi maganda ay gamitin niya ang pagkamatay ng mga SAF na ito para kumbinsihin ang mga tao at mambabatas na ituloy ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL). Hindi naman yata patas at makatarungan na bigyang pakahulugan niya ang halaga at kamatayan ng mga nalagas na PNP-SAF sa pagpapasa ng BBL sa Kongreso at Senado.

Tiyak na marami ang nagtaas ng kilay sa panawagan ni PNoy na dapat ay maisabatas sa lalong madaling panahon ang BBL para magkaroon ng saysay at hindi masayang ang mga buhay na ibinuwis ng mga nasawing miyembro ng PNP-SAF. Ako man ay hindi sang-ayon sa pananaw na ito. Para sa akin ay kabayanihan nang maituturing ang pagtupad ng mga pulis na ito sa kanilang tungkulin na maibigay ang warrant of arrest at mahuli ang dalawang international terrorists na napapabilang sa Jemaah Islamiyah – ang Malaysian bomb maker na si Zulkifli Bin Hir alyas “Marwan” at Basit Usman. Bayaning dapat ituring ang mga namatay na SAF at may sukdulang saysay ang kanilang kamatayan kahit pa hindi maisabatas ang BBL.

Kaya lang naman nagmamadali siguro ang Pangulo sa pagsasabatas ng BBL ay dahil sa gusto niyang maging legacy ang BBL. Puro kasi kapalpakan sa iba’t ibang aspeto ng pagsisilbi sa lipunan ang nakadikit sa kanyang administrasyon. Mula sa isyu ng kapayapaan, kabuhayan, transportasyon, at korapsyon ay halos palpak ang trabaho ng administrasyong Aquino rito.

Sa kabilang banda, wala rin naman masamang mangarap na magkaroon ng kagyat na kapayapaan sa Mindanao, dahil matagal na ang kaguluhan dito. Ngunit sabi nga ng isang kasabihan, “haste makes waste”. Kung mamadaliin ng Pangulo ang pagpapasa ng BBL, baka lalong mapahamak ang bansa rito. Dapat ay mapag-aralan pa nang husto ang BBL bago ito maisabatas.

KUNG SI Mayor Joseph Estrada lang ang tatanungin ay epektibo ang “all-out-war” na idineklara niya sa panahong siya ang pangulo ng bansa. Nagwagi naman talaga ang Administrasyong Estrada laban sa mga armadong grupo sa Mindanao. Nakubkob nila ang Camp Abubakar na pinakamalaking kampo ng mga rebeldeng Muslim sa Mindanao noon. Kaya lang ay hindi na natutukan ang pagsisimula at pagsasaayos sa Mindanao dahil napababa ang dating Pangulong Estrada sa puwesto dahil sa isyu ng Jueteng at korapsyon.

Hindi raw mapagkakatiwalaan ang MILF ayon kay dating Pangulong Estrada. Minsan ay naiisip ko rin na maaaring isang politikal na “contingency plan” ang paghihiwalay sa MILF at BIFF. Ang BIFF kasi na break-away group ng MILF ay hindi sumasang-ayon sa BBL, gaya ng MILF. Kaya maaaring isipin na kung magiging lugi o dehado ang MILF sa usaping BBL, mayroon silang pupuntahang arm group na maaaring nakapuwesto lang bilang “contingent” na grupo ng mga miyembro ng MILF.

Sa kabilang pagtanaw, kung magiging matagumpay ang BBL, madali ring mag-anyong miyemro ng MILF ang BIFF. Samakatuwid, maaaring ang mga miyembro ng MILF at BIFF ay iisa lamang at ginagawa nila ito bilang estratehiya para masigurado na hindi sila ang madedehado sa BBL. Ang mga pahayag na sila-sila (MILF at BFF) ay maaaring magkakapamilya, magkakapatid, magpipinsan, at bayaw ay nagbibigay ng posibilidad na mayroong kuntyabahan ang mga ito.

KUNG SUSURIIN ay lumalabas ngayon na maaaring may dalawang mukha ang MILF sa pakikipag-usap sa pamahalaan. Ang isang mukha ay sumasangayon sa pamahalaan – MILF, at ang isang mukha naman ay hindi sumasang ayon – BIFF. Kung ganito ang kalakaran sa Bangsamoro Basic Law, nasaan ang sinseridad dito?

Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleBumili ng Nakaw
Next articleAktres, ‘di totoong inaalagaan ng home network

No posts to display