Hulidapers

HALOS PANGKARANIWAN nang makatanggap kami ng sumbong mula sa mga kababayan nating nahulidap ng ilang mga tiwaling miyembro ng ating kapulisan. Samut saring biktima na ang dumulog sa amin – mula sa mga motorista hanggang sa mga ordinaryong manggagawa pati na sa mga pangkaraniwang estudyante. Ilang mga kabataan na umaasa lang sa mga magulang para sa kanilang mga allowance ay hindi pinatawad at kasali sa mga naging biktima na rin.

Pero kakaibang kuwento ng hulidap ang aking natanggap kamakailan dahil pati lumpo ay kinakana na rin nila.

Noong April 27, si Villardo Cardino kasama ang kanyang mga tauhan ay nakaparada sa gilid ng EDSA malapit sa Balintawak Market habang hinihintay ang kanilang kliyente ng fish meal. Si Villardo ay isang diabetic at putol ang kanyang dalawang paa.

Biglang may dumating na isang mobile car at sila ay sinita. Hindi nakutento ang mga pulis sa paliwanag ni Villardo, hiniling nila rito na sumunod ang kanyang grupo sa presinto para sa isang verification daw.

Agad namang pinosasan ng mga pulis ang mga tauhan ni Villardo. Pagdating ng presinto diretso silang pito sa kalaboso at sabay sinabihang P70,000.00 ang piyansa para sa kanilang lahat. Ayaw namang sabihin ng mga pulis kung para sa anong kasalanan sila magpipiyansa.

Sa takot na tumagal sa kulungan at matulog doon, nakipag-usap si Villardo sa mga pulis hanggang sa siya ay nakipagtawaran dito.

Nakipagtawaran siya tulad ng pakikipagtawaran niya sa kanyang mga kliyente sa fish meal para bumaba ang halaga na ipinepresyo sa kanya.

Ang pinagkaiba nga lang dito ay ang kanyang katransaksyon ay hindi fish meal buyer kundi deputy station commander. Napagkasunduan nila ni deputy station commander na magbibigay siya ng P25,000.00 kapalit ng kanilang kalayaan.

Pinapunta ni Villardo ang kanyang misis sa presinto para magdala ng nasabing halaga. Matapos maiabot ng misis ni Villardo ang pera kay deputy station commander, pinapirma siya sa isang blankong papel at pinakawalan silang lahat.

SI HARON Dimalanes ay isa namang security guard. Noong May 3, nang mapadaan siya sa Baseco lulan ng kanyang motor ay nakaramdam siya ng tawag ng kalikasan. Ipinarada niya ang kanyang motor at nagtanong sa ilang kalalakihang nag-iinuman kung saan may malapit na restaurant o CR na kanyang puwedeng maparausan.

Hindi niya alam na ‘yung grupong iyon ay mga pulis pala at nagsasagawa ng anti-drug surveillance operation. Agad siyang tinutukan ng baril at kinaladkad patungong presinto.

Sa presinto, hinalughog ang kanyang mga bulsa at wallet. Hindi pa nakuntento, inutusan siyang maghubo’t hubad. Nang walang makitang kontrabando sa kanyang katawan, na-badtrip ang mga pulis at napag-isipan na lamang nilang pagkatuwaan siya. Inutusan nila siyang laru-laruin ang kanyang ari sa harap nila at ginawang katatawanan.

Wala rin silang nakitang pera sa kanya maliban sa isang ATM card na sinabi ni Haron na P1,500 lamang ang laman. Binigyan siya ng P20.00 para pamasahe papunta sa ATM machine at withdraw-hin ang lahat ng laman ng kanyang ATM card sabay na pinaiwan sa kanya ang kanyang helmet, susi ng motor, wallet, relo at cellphone. Pero sa halip na pumunta sa ATM machine dumiretso si Haron sa TV5 para magsumbong.

ANG MGA kuwentong ito ay mapapanood sa Lunes, May 21 ng gabi, pagkatapos ng Pilipinas News sa programang WANTED sa TV5.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7-WANTED.  

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleSa movie team-up nila ni Angel Locsin Dingdong Dantes, tinangkang pigilan ni Marian Rivera?!
Next articleCristine Reyes, nagpaayos ng ilong!

No posts to display