HANGA TAYO SA sigasig ng ating kapulisan at determinasyon ng pamahalaang Aquino sa paghuli sa mga taong may warrant of arrest.
Aba eh, biruin n’yong nahuli agad nila si Rep. Gloria Macapagal Arroyo! Ang hirap ng ginawa nilang pag-aresto na ‘yon parekoy.
Una, babae; pangalawa, maysakit; at pangatlo, nasa loob pa ito ng ospital. Pero sa pamamagitan ng galing ng kapulisan at determinasyon ni P-Noy ay nahuli ito!
Gaya rin kina Atty. Lintang Bedol at Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. na mga kasama ni CGMA sa kasong electoral sabotage at sa warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Jesus Mupas.
Aba eh, kung tutuusin ay nakakulong na ang mga ito, pero sa pamamagitan ng hindi matatawarang kakayahan ng kapulisan at marubdob na hangarin ni P-Noy ay nahuli pa rin nila ang mga taong ito!
Ang gagaling ninyo! Pwe!
Sandali, parekoy, nagtataka ba kayo kung bakit mukhang tsinutsubibo natin ang mga ito?
Kasi naman po, lumalabas na ang kaya lamang nilang hulihin ay ang babaeng maysakit at ang mga dati nang nakakulong. Pero ang isang hidhid na corrupt at notorious na akusado sa pagpatay sa sariling asawa at pinaniniwalaang utak ng maraming patayan sa mga taong kaugnay sa kasong kinasasangkutan niya ay hindi kayang hulihin ng pamahalaan ni P-Noy!
Okay lang, parekoy, na hulihin sina CGMA, Bedol at Ampatuan, pero dapat ay hulihin din ang iba pang malalaking isda na wanted ng batas.
Ang tinutukoy natin ay si Rep. Ruben Ecleo ng Dinagat Island, Surigao province.
Kung tutuusin ay hinatulan na ito ng Korte Suprema with finality sa kasong graft and corruption at ipinaa-aresto noon pang Pebrero ng taong ito. Pero hanggang ngayon ay ni hindi man lang inaapuhap ng kapulisan doon sa kanyang mansiyon sa Dinagat Island.
Sa darating na Disyembre 10, hahatulan na rin ito sa kasong pagpatay sa sariling asawa, pero hanggang ngayon ay tahimik at wala pa ring balita ang matuwid na daan!
Alin kaya sa dalawang babanggitin ko ang tunay na dahilan?
Una, takot si P-Noy o ang mga pulis dahil noong Hunyo 2002 ay nasaksihan kung paano maghuramentado ang mga kasapi ng kulto ni Ecleo. Na sa pamamagitan lamang ng mga itak ay kanilang inataki ang mga naka-armalite na pulis!
Ikalawa, may isang makapangyarihang tao sa Palasyo na textmate ni Ecleo at pinangakuang susuportahan ni Ecleo sa 2016 elections?
O baka naman all of the above! Hak, hak, hak!
MALI, PAREKOY, SA tingin ko ang reklamong ipinarating sa atin ng ilang barangay official sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kasi sa kanilang reklamo, talagang matindi ang paghahari ng tinaguriang tatlong bugok sa Batangas na sina Bernadette, Chito at Sherwin.
Ang tatlo, parekoy, ang mga kilalang gambling lord sa nasabing lalawigan at utak ng naglipanang iligal na sugal doon.
At sa sobrang galing ng tatlong bugok na ito ay kayang-kaya nilang paikutin sa palad si PNP Provincial Director S/Supt. Rosauro Aceo.
Na mistulang bulag na umano ang kapulisan ni Col. Aceo dahil sa garapalang operasyon ng tatlong bugok na ito.
I beg to disagree!
Bakit? Aba eh, may bugok ba na ang pinaiikot ay ang mismong Provincial Director ng kapulisan? Hindi kaya angkop sabihin na tatlong switik na sa sobrang galing ay nagmistula bugok ang Provincial Director?
Paging Col. Aceo, dapat sigurong patunayan mo ngayon kung sino ang bugok! Ang gambling lords ba na sina Bernadette, Chito at Sherwin? O ikaw?
Alangan namang “ol op de abab”? Bwar, har, har!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303