KUMPLETO NA ang listahan ng top 8 na pelikulang magiging official entry sa 2019 Metro Manila Film Festival. Pormal na inihayag ni MMDA Chairman Danny Lim ang remaining 4 entries nitong Miyerkules (Oct. 16).
Pinili ang huling 4 entries base sa finished product o pagkakagawa ng pelikula.
Ang apat na pelikulang masuwerteng pumasok sa huling Top 4 ayon sa MMFF Selection Committee ay ang mga sumusunod:
1) “Mindanao” ng Center Stage Productions na isang drama/animation. Ang pelikula ay pinagbibidahan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon at mula sa direksyon ni Brillante Mendoza.
2) Write About Love ng TBA Studios na isang romance film. Bida sa pelikula sina Miles Ocampo at Joem Bascon.
3) 3Pol Trobol Huli Ka Balbon na mula sa CCM Productions. Ang genre ng pelikula ay action comedy at pinagbibidahan ito nina Coco Martin, Jennylyn Mercado at Ai-Ai delas Alas.
4) Culion ng iOptions Ventures Corp. na isang historical film. Co-producer at bida sa pelikula si Iza Calzado.
Ang naturang apat na pelikula ang kukompleto sa Magic 8 ng MMFF kung saan una nang ini-announce ang first official entries based on script submission.
Ito ay mga pelikulang Miracle In Cell No. 7 ng Viva Films, Mission Unstapabol: The Don Identity ng M-Zet Productions, Sunod ng Ten17P at The Mall, The Merrier ng ABS-CBN Film Productions.
Gaganapin ang annual parade of stars ng MMFF sa December 22 (Sunday) sa City of Taguig. Tatakbo naman ang buong festival from December 25, 2019 to January 7, 2020.