Dear Atty. Acosta:
MAGANDANG ARAW! IPINAKITA sa akin ng aking tatay ang kanyang Last Will at nakasaad doon na ibinibigay niya sa akin ang isa sa tatlong lupa niya. Hindi po alam ito ng kapatid ko. Doon po ba sa natirang dalawang lupa ay equal share pa rin po ba kami ng kapatid ko? Paano po kung mag-demand ang kapatid ko o magreklamo na hindi kami patas? Buhay pa rin po ang nanay namin. — Frida
Minamahal kong Frida,
Bago ko sagutin ang iyong katanungan, mahalagang iyong malaman na may dalawang klase ang “Last Will” o “Huling Habilin”. Una ay ang “Notarial Will” o ang notaryadong “Huling Habilin”. Ang ikalawa naman ay ang “Holographic Will” o ang sulat kamay na “Huling Habilin”. Dapat mong tandaan na sa bawat klase ng “Last Will” o “Huling Habilin” ay may mga kinakailangang gawin upang magkaroon ng bisa ito.
Patungkol sa iyong unang katanungan, para sa isang “Notarial Will” o ang notaryadong “Huling Habilin”, ang mga sumusunod ang mga kinakailangan isagawa:
Ang “Last Will” o “Huling Habilin” ay dapat na nakasulat (Article 804, New Civil Code(NCC)) sa lengguwahe o dialekto na naiintindihan ng “testator” o ang taong gumagawa ng “Last Will” o “Huling Habilin”; (Article 804, NCC)
Ito ay nilagdaan sa dulo o huling pahina ng testator o ng ibang tao sa harap ng “testator” o ayon sa utos ng “testator”; (Article 805 par. 1, NCC)
Ito ay pinatotohanan at nilagdaan ng tatlo (3) o higit pang testigo sa harap ng “testator” at ng bawat isa; (Article 805 par. 1, NCC)
Ito ay dapat nilagdaan sa bandang kaliwa ng bawat pahina ng ‘testator” at ng mga testigo maliban ang huling pahina; (Article 805 par. 2, NCC)
Ang lahat ng pahina ng “Last Will” o “Huling Habilin” ay dapat na nalagyan ng letra na magkakasunod sa itaas na bahagi ng bawat pahina; (Article 805 par. 2, NCC)
Ang “Last Will” o “Huling Habilin” ay dapat na may “attestation clause” o ang talata na nagsasaad ng bilang ng pahina ng “Last Will” o “Huling Habilin”, at ang katotohanan na nilagdaan ng “testator” ang “Last Will” o “Huling Habilin” at ang mga pahina nito o ng ibang tao sa harap ng “testator” o ayon sa utos ng “testator”, sa harap ng mga testigo, at ang katotohanan na sinaksihan at nilagdaan ng mga testigo ang “Last Will” o “Huling Habilin” at ang bawat pahina nito sa harap ng “testator” at ng bawat testigo; (Article 805 par. 2, NCC)
Ito ay dapat na pinatotohanan ng “testator” at ng mga testigo sa harap ng isang Notaryo Publiko. (Article 806, NCC)
Sa kabilang banda, ang mga naunang nabanggit ay hindi kinakailangang gawin sa isang “Holographic Will” o ang isinulat kamay na “Huling Habilin’. Ayon sa ating batas, ang “Holographic Will” o ang isinulat kamay na “Huling Habilin” ay kinakailangan lamang na isinulat, nilagyan ng petsa at nilagdaan ng kamay ng “testator”. Walang porma na dapat sundin sa paggawa nito.
Dumako naman tayo sa iyong sumunod na katanungan kung saan iyong itinatanong kung magkakaroon ka pa rin ng pantay na hati sa dalawang (2) natirang lupa ng iyong ama sa kabila ng pagbigay niya sa iyo ng isang (1) lupa sa tatlong lupa na nakasaad sa kanyang “Last Will” or “Huling Habilin”.
Katulad mo, ang iyong kapatid at ina ay mga tagapagmana din ng iyong ama. Kayong tatlo ay tinatawag na “compulsory heirs” ng iyong ama.
Ang ating batas ay nagtatalaga ng karampatang bahagi sa mga ari-ariang naiwan ng isang “testator” para sa “compulsory heirs”. Ang tawag dito ay “legitime”. Ayon sa Article 888 ng New Civil Code, ang “legitime” o lehitimong mga anak ay kalahati ng kabuuang pag-aari ng “testator”. Ang natitirang kalahati ay ang tinatawag na “free portion” na maaaring ibigay ng “testator” sa kaninuman niya gustuhin. Subalit kung may asawa o “surviving spouse” pa ang “testator”, ang kanyang “legitime” ay kukunin muna sa “free portion” bago maipamigay sa iba ang natitira sa ari-arian.
Ipagpalagay natin na ang kabuuang ari-arian ng iyong ama ay ang tatlong (3) lupain lamang, ang nasabing tatlong (3) lupain ay paghahatian ninyong magkapatid pati na ang inyong ina. Ganito ang magiging hatian. Hatiin muna ang kabuuan sa dalawang bahagi para malaman natin ang magi-ging “legitime” ninyong magkapatid at ang matitirang “free portion”. Ang “legitime” ng bawat isa sa inyo ay pantay-pantay subalit ang “legitime” ng iyong ina ay kukunin sa “free portion” alinsunod sa ating batas. Tig-dalawampu’t limang porsyento (25%) kayo ng kabuuan ng ari-arian ng iyong ama at ito nga ay ang tatlong (3) lupain. May matitira sa nasabing tatlong (3) lupain na magiging “free portion” kung saan kukunin ang bahagi ng mana na gustong ibigay sa iyo ng iyong ama na hindi nababawasan ang legal na karapatan ng iyong kapatid at ina na katulad mong tagapagmana.
Samakatuwid, maaaring ang iyong hati sa natitirang dalawang (2) lupain ay hindi na pantay sa iyong kapatid sa kadahilanang may ibinigay na sa iyo ang iyong ama.
Magpagayunpaman, dapat tandaan na para magkaroon ng bisa ang “Last Will” o “Huling Habilin” ng iyong ama kung saan ibinibigay niya sa iyo ang isang (1) lupa, dapat ay nakasaad din ang pangalan ng iyong kapatid sa nasabing “Last Will” o “Huling Habilin” bilang tagapagmana.
Magkakaroon ng tinatawag na “preterition” kung ang iyong kapatid ay hindi naisama ng iyong ama sa kanyang “Last Will” o “Huling Habilin”. Ang epekto ng “preterition” ay maaaring mawalang-saysay ang pagtatalaga ng iyong ama ng mga tagapagmana sa kanyang “Last Will” o “Huling Habilin” at magkakaroon na lamang ng “intestate succession” kung saan ang kagustuhan ng iyong ama sa “Last Will” o “Huling Habilin” ay hindi na masusunod. Sa pagkakataong magkaroon ng“intestate succession,” ang tatlong (3) lupain ay paghahatian na ninyong mga tagapagmana ng pantay-pantay.
Atorni First
By Atorni Acosta