PUMANAW ang Jukebox King na si Victor Wood sa edad na 75 habang nakikipaglaban sa covid-19 noong April 23, 2021. Isa sa unang nakaalam tungkol sa kanyang pagpanaw ang director na si Carlo Ortega Cuevas.
Si Cuevas ang writer at director ng ginagawang Victor Wood biopic. Maraming aktor ang nag-audition para gumanap sa role ng iconic singer pero masuwerteng si Martin Escudero ang napili.
“Pakikiramay sa pamilya ng isang haligi ng OPM, ang JUKEBOX KING Victor Wood,” simulang post ng director sa kanyang Facebook account pagkatapos makumpirmang pumanaw na ang music legend.
Patuloy niya, “Mapalad ako dahil bago sya pinagpahinga ng Diyos ay narinig ko sa kanya mismo ang isang kwentong ngayon ay isa ng kasaysayan.
“Mahaba at makabuluhang usapan tungkol sa buhay, kasikatan, pagbagsak, pagbangon, pagtingala… at pagpanaw. Habang nagkukwento sya tungkol sa kanyang pagkabata, pakiramdam ko ay kasabay ko syang lumaki.”
Malaking karangalan din daw na makilala niya ang singer at maisalin sa pelikula ang makulay na buhay nito.
“Isang karangalan na mapalapit sa kanya sa huling taon ng kanyang buhay. Ang mga karanasan nya ay nag-iwan sa akin ng aral na babaunin ko hanggang sa pagtanda,” wika pa niya.
Bago isugod sa ICU si Victor, ayon na rin sa kuwento ni Cuevas, ay ilang beses siyang tinawagan nito na sa kasamaang palad ay hindi naman niya nasagot.
“Pero isang tanong din ang naiwan sa akin. Sampung araw ang nakakalipas, tumawag sya, dalawang beses, di ko nasagot. Sinubukan ko syang tawagan pero di na rin nya nasagot,” sabi ng director.
Siguro raw ay may huling habilin sa kanya ang singer kaya siya tinatawagan nito.
“Ano kaya ang sasabihin o ibibilin sana nya?” tanong niya sa sarili.